Monday, December 30, 2013

Symbolic interaction

Hindi ko alam kung ano ang tawag sa relasyon natin. Kumbinsi ang mga housemates ko na girlfriend kita. Madalas ka sa bahay. At sanay na sila na dumadating ka ng biglaan, umaga man o gabi. Sabi ko hindi yan totoo. Sa totoo lang, kahit ako hindi ko alam  kung ano tayo.

Hindi puti, hindi rin itim. Hindi pwedeng grey. Ang grey ay may depinisyon. Tayo walang saktong kategorya. Hindi rin pwedeng magkaibigan lang. Ang mga kaibigan ko, hindi ko pinapagamit ng laptop ko. Ikaw, alam mo ang password ng laptop. At ginagamit mo para tapusin ang mga papers mo sa masters. Hindi mo na pinagpapaalam. Diretso gamit na.

Nilalagay mo ang lahat ng files mo sa isang folder sa My Document. Minsan, iniisip ko kung nag-iiwan ka ng senyales kung ano ba tayo sa mga files mo. Karamihan word documents. Halimbawa ang alyas.doc tungkol sa isang makasaysayang pagtingin sa mga alyas na ginamit ng mga namuno sa bansa at ang pagbibigay ng konteksto base sa kanilang karanasan noong kabataan, isang mahusay na papel mo sa antropolohiya. Isang direktang titulo ng dokumento. O kaya yung punyetangmangga.doc na isang report tungkol sa pagpatent ng isang kompanya sa uri ng prutas sa Pilipinas para daw hindi nakawin ng ibang dayuhan ang matamis na mangga ng Pilipinas. Pero sa report mo, base sa sulat mo, isa itong taktika ng lokal na kompanya, hindi lang para hindi nakawin ng dayuhan ang taguring sweet mango pero para hindi rin magamit ng mga maliliit na negosyanteng lokal ang katagang sweet mango sa kanilang mga produkto. Direktang pagsuma ng paksa sa titulo. Ibang iba kung ihahambing kung ano tayo.

Kung bibigyan kaya ng titulo ang relasyon natin at ise-save mo bilang document file, ano kaya ang pamagat?

Laging iyan ang iniisip ko nitong mga nakaraang araw. Lalo pa ngayong nakabakasyon ako at walang ginagawa. Pambihirang patis, nag-ooverthink na naman ako.

Nito lang huli, nagulat ako na sa file folder mo, ay may bagong folder na nakita ko lang ngayon. Kelan mo kaya ginawa to? Hindi ko matandaang hiniram mo ang laptop ko. Marahil ginamit mo noong nasa Tacloban ako.

Mga kanta. Isa na naman kaya itong clue sa kung ano tayo? Pinamagatan mong Undo Goodbye ang file folder na mga mp3 files.
Pitong kanta. Pito ang paborito mong numero. Musika ang dahilan kung bakit nagkita tayo at nagkapalagayang loob. Ngayong bakasyon, may bago na naman akong pag-iisipan. Thank you very much.

Thursday, December 26, 2013

Wishlist (23Disyembre 2013)

Nagpaalam ako sayo na mawawala ako ng ilang araw dahil may trabaho ako sa Tacloban. Nag-alala ka kasi alam mong anim na araw akong dirediretso na tatlong oras lang ang tulog. Tinanong mo kung kakayanin ko pa ba. Sabi ko kaya naman.

Gabi bago ako umalis, ibinili mo ako ng apat na bote ng off lotion, yung berde. Mas matapang sabi mo. Sabi ko baka mag over ako sa bagahe. Hindi mo ako pinansin at nilagay sa backpack ko. 

Ilang araw kitang di matext dahil nag batt empty ang phone ko sa Tacloban. Hindi totoo na may kuryente na, na sabi ng balita sa telebisyon. Wala pa ring kuryente. At hindi totoo na nakafreeze ang mga presyo ng bilihin. P80 ang isang 1.5 litro na coke. Maraming hindi totoo sa mga sabi-sabi sa Maynila.

Totoo na mas efficient ang mga NGOs kaysa sa LGU. Pero hindi ko naman tuluyang masasabi na walang ginagawa ang lokal na pamahalaan. Hindi rin totoo na pinabayaan ng National Government ang Tacloban. Bago pa dumating ang bagyo, naandun na si Mar Roxas. Pinulong niya ang lokal na pamahalaan. Matapos ang bagyo, dumating sina Dinky Soliman. Hindi lahat ng ginawa nila ay efficient. Pero sa aking palagay, ginawa nila ang makakaya sa abot ng kanilang pinag-aralan na posibleng gawin sa mga nakaraang linggo. Sila ang mga taong first in, last out.

Thursday, December 12, 2013

Current status

Kapag may ibong nagsisikap maghanap
ng pagkain ng kanyang mga inakay,
pigilin natin
ang tuksong ito ay batuhin.

Sunday, December 1, 2013

Buhay guro

Nagsimula na ang ikalawang semestre. Pinakamalaking hamon ngayon yung pagtuturo ng bagong sabjek. Sa unang pagkakataon ay ituturo ko sa buong semestre ang Ugnayan ng Magulang at Bata. Oo, pinag aaralan ito. At oo, isang larangan lang ang sabjek ko sa napakalawak na organisadong pag-aaral ng pamilya. Oo, may siyensiya ng pamilya. Mga tatlong linggo ko pinaghandaan ang silabus dito. Kasama na ang isang linggo na kinilala ko lang ang mga estudyante para ma-tailor fit ang mga paksa, requirements at readings sa grupo ng mga estudyante ko sa semestreng ito. Inalam ang konteksto nila --karanasan at interes, upang mas maging makabuluhan ang talakayan sa klase. Eto kasi ang kagandahan sa unibersidad na pinagtatrabahuhan ko. May kalayaan kaming mga guro na ayusin ang silabus upang makamit ang layunin ng sabjek.

Susubukan kong magsulat ng ilang mga talakayan namin, pati na rin ng mga reflections ko habang tinuturo ang Ugnayan ng Magulang at Bata. Hindi nangangako. Tingnan na lang natin sa mga susunod na araw.

Friday, November 22, 2013

Iyon ang gabing parang tayong dalawa pero hindi

Inabutan mo ako kanina ng kape. Sabi ko, Mas maaappreciate ko ang red horse.

Sira! Tapusin mo na yang research proposal na yan, sabi mo. Sabay balik sa pagbabasa ng nobela ni Anne Rice tungkol sa mga madreng nagsusubok magligtas ng mga anghel sa mundo ng tao. 

Hinayaan mo lang ako magtrabaho sa espasyo ko sa hotel room natin sa Tagaytay.

Wednesday, November 13, 2013

Panghihinayang sa ika-anim ng Nobyembre, 2013

Gusto sana kitang isayaw kanina
habang pinapatugtog ng ale
na katabi ko at katabi mo
ang Tadhana ng Up Dharma Down.

Thursday, November 7, 2013

Masama sa pakiramdam ang nabibitin

Baka nga hindi na tayo mag-usap, sabi mo sa akin habang nakasakay tayo sa jeep at binabagtas ang kahabaan ng Aurora.

...

...


Bago ang eksenang iyon, niyaya mo ako mamasyal sa Cubao Ex para tingnan kung nandun pa yung vinyl records ng Lady Antebellum na pinatago mo kay Manong Ed. Sabi niya, hanggang sa susunod na buwan niya na lang iyon itatago. At kapag hindi mo pa nabili, ilalagay na niya ulit sa showcase cabinet para sa iba. Seryoso ang pagbabanta ni Manong Ed. Kaibigan mo siya pero kelangan niya rin ng pera. Sinagot mo siya ng, Naiintindihan ko Manong, sabay tingin sa akin upang yayain na ako lumabas ng record store. 

Medyo malungkot ako. Hawakan mo nga ang kamay ko habang nandito pa tayo sa Cubao, utos mo sa akin habang papalayo na tayo sa Cubao Ex. Pilitin mo ako, sabi ko. Tumawa ka ng malakas bago sinabing, Ulol!

Tahimik tayong naglalakad. Halos kinse pulgada ang layo sa bawat isa. Hindi magkahawak kamay. Hindi ako makapagsalita kasi may iniisip ako patungkol sayo. Binasag mo ang katahimikan.

Wednesday, October 23, 2013

Isang litro

Nakalabing isang lapse na ako sa 20 meter pool sa may Baras. Tanghali pa at masarap ang halik ng araw sa balat. Swabeng init para magpaitim. Ikaw ang nagyaya ng swimming dito sa paborito mong resort pero ako lang ang mukhang may ganang lumangoy.

Alam ko na kapag niyayaya mo ako dito sa may Rizal, gusto mo ng ibang realidad. Mas sariwang hangin. Infinity pool. Overlooking ng Laguna de bay. Hindi tayo kilala ng mga attendant.

Nginitian kita. Ngumiti ka rin. Tapos sabay tanong mo kung paano ko nagawang mag-move on. Pabiro kong tinanong kung doon ba sa una o sa pangalawa. Sabi mo sakin, Gago. Gago ka rin, sabi ko.

Friday, October 4, 2013

Pansamantala

ko ulit itatago
ang espasyong ito
dahil nagkakahanapan ulit
ng putik
na ibabato sa akin
ang ilang mga nilalang
na masyadong nahuhumaling
sa kagwapuhan ko.

Mahirap
talagang maging pogi.

Sunday, September 29, 2013

Hangover

Siguro, kung alam ko lang paano mag-alaga ng nagmamahal sa akin, may kasama ako ngayon habang nilalamay ang mga research proposal na ipapakita sa makalawa.

Siguro, pinagtitimpla mo ako ngayon ng kapeng barako. At hinainan ng biskoti. Ngingiti siguro ako ng matamis na matamis. Tapos sabay pipisilin mo ako sa pisngi at sasabihin na kaya ko to.

Siguro kahit alas dos na ng madaling araw, kasama pa rin kita. Marahil nakatulog ka na habang nakaupo sa may sofa. Siguro, pipilitin mong samahan ako para tapusin tong mga trabaho ko kahit sumusuko na ako. Siguro sasabihin mo sa akin na maghihintay ka sa bahay ko hanggang matapos ko ang mga papeles na tinitipa ko. At siguro gagawin ko ang lahat para matapos to at para hindi ka mahirapan na natutulog sa may sofa ng bahay ko.

Sunday, August 25, 2013

This.

Dalawang araw na akong hindi nasisinagan ng araw. Bukod sa pangit na panahon, hindi ko gusto makakita ng tao.

Ganito ako kahapon. Nagkulong lang ako sa maliit kong espasyo, may bahagyang usap sa mga roommate. Natulog. Nagblog hop. Kumain. At natulog ulit.

Lumabas ng bahay ng alas siete ng gabi. Nagpagupit ng buhok. Nagbayad sa kahera. Papalabas na ako ng paggupitan ng biglang bumuhos ng malakas ang ulan. Naghintay sandali pero hindi humina ang ulan. Nagdesisyon na suungin ang pangit na panahon. Naaksidente. Nagkaron ng malaking hiwa sa may kaliwang binti. Nakauwi ng bahay na basa at duguan. Nilinis ang sugat. Nagkulong ulit sa kwarto.

Madami akong gagawin sa trabaho. Pero hindi ko ginawa. Gusto ko makipagkwentuhan sa ilang kaibigan. Pero ang nagpaparamdam sa akin yung mga ayaw ko makausap o makita. Gusto kong magtapon ng mga gamit. Gusto kong maglasing. Gusto kong sumigaw.

Tuesday, August 20, 2013

Paano puksain ang pag-ibig

Habang baha sa labas, dirediretso ang pag-ulan at malakas ang hangin,  nagkaoras ako na magkalkal ng mga lumang gamit na itinago ko lang sa ilalim ng kama. Yung iba mga babasahin sa masteral. Yung iba mga intake interview ko sa mga kliyente. Tapos may mga utos ng korte sa mga batang tinutulungan ko dati sa kulungan. May mangilan-ngilang mga tiket ng bus. Pero nagulat ako na kasama sa mga itinabi ko yung larawan nating dalawa sa may dalampasigan  sa probinsiya anim na taon na ang nakakaraan.

Kinuha yung larawan sa una mong bisita sa bahay na kinalakihan ko. Magkaibigan lang tayo noon. Walang malisya pagdating sa pag-ibig. Gamit yung mabigat kong Nokia phone na may camera, nagpakuha tayo ng larawan sa may dalampasigan sa isang manong na dumaan. Sabi ko, Souvenir ng unang mong pagbisita sa lugar na malapit na malapit sa puso ko. Sabi mo, Ayiii!. Sabi ko naman, Joke lang.

Humingi ka ng kopya nun tapos pinaprint mo. Tatlong kopya. Isa sa akin, isa sayo. Tinanong ko kung para saan yung isa pa. Sabi mo, Kapag isa sa atin ang nakalimot o nakawala ng larawan, may reserbang pwede ibigay.

Hindi ko akalain na magiging tayo. Ako na wala naman talagang pagtingin sayo. Ako na may mahal na iba. Pero sa may simbahan ni San Jose sa may Anonas, naging tayo. Dahil sinabi mo na kahit wala akong pagtingin sayo at kahit may mahal akong iba, okay lang sayo. Na subukan lang natin.

Monday, August 12, 2013

Question # 2


What is your favorite part of the day?

Friday, August 9, 2013

Warning sign ng Coldplay sa dulo ng shiz na ito

Sinubukan kong gamitin ang mga teorya ng pamamahala ng espasyo at kulay para may maibigay na praktikal na halimbawa para sa klase.

Kumuha ako ng kurtinang makapal na kulay kahel upang hindi ako maistorbo ng sikat ng araw tuwing Sabado kapag mas nais kong matulog ng mas mahabang oras. Kahel ang kulay dahil kapag tinamaan ng araw, may epekto ito ng yellow light na mas nakakapagbigay sa akin ng mas maayos na ambyans sa pagbabasa at paggawa.Hindi ganoon kaliwanag para sumakit ang mata ko.

Puti at asul na may konting kahel ang kobre kama ko. Gusto ko lang ng malinis at mabangong tulugan pag dating galing trabaho. De linya ang disenyo dahil puti ang kulay ng kwarto ko sa kabuuan.

Nilagay ko ang lamesa kung saan ako nagbabasa, nagsusulat at nag-aaral sa tabi ng kama ko, sa tapat ng bintana. Hindi ko alam kung gaano ito kaepektibo para mas maging produktibo ang paggawa ko. Pero mabilis akong nakakaupo para magbasa sa tuwing gigising sa umaga.

Sunday, August 4, 2013

Maligayang pagbabalik sa Pinas

Masyado nang masakit kaibigan yung pinagdaanan mo noon. Kaya ka nga umalis at pumunta ng ibang bansa. Kaya nga bumalik ka rin ng Pinas matapos ang isang taon. Kaya nga sinalubong kita at lumiban sa trabaho kahit wala sa tamang panahon at hustong pasabi ang pagdating mo sa NAIA.

Maganda ang bunga ng isang taon mo sa disyerto. Kasama ng buhangin at mga kamelyo. Kasama ng mga taong mabubuhok at mahaba ang mga damit. Mga taong hindi mo kilala at kailanman hindi ka makikilala. Pero alam natin dalawa na ang pagkalimot ay imposibleng gawain. Na kaya lang natin maging mas mahusay sa pagdadala ng nakaraan at masasakit na pakiramdam. At hindi ito madalian. Ito ay proseso sa pagdaan ng panahon.

Saturday, August 3, 2013

Galak ng isang musikero



Isa sa mga pagkakataong nakuha ng kamera ang kagalakan ng isang musikero nung mapagtanto niya na maraming tao na ang tinamaan ng kanyang pagromansa sa musika.

Sunday, July 28, 2013

June 1, 2013

Para sa kaibigang nakilala sa miting de abanse ng isang talunang kandidato sa pagkasenador, gusto ko lang sabihin na maraming salamat. Salamat sa pangangamusta. At sa paggawa ng paraan para hindi maging parang nagsasarili ang gabi. Salamat sa what if na mensahe. Apir!

Saturday, July 20, 2013

Question #1 (UPDATED)


What are some of the things that people have said about you that you still think about to this day?

Sunday, July 14, 2013

Unang date natin na wala akong pagtatangi

Naglasing ako kahapon. Kasama ka. Kung paanong sinusubukan kong itulak lalo ang kakayahan ng kalamnan ko sa circuit training, ganoon naman na sinubukan kong tingnan ang dulo ng tolerance ko sa alak.

Apat na tequila sprite. Ayan ang dulo ng pagkatao ko at simula ng debolusyon ko para maging isang tipak ng putik na humihinga. Sa ikaapat na inom ko ng tequila mix, isa na lamang akong katawan sa bar na pinagpapawisan at nahihilo.

Alam kong malaki ang kaba mo kung paano ako sasaluhin matapos kong mag-inom. Kauna-unahang pagkakataon mo akong nakita na ganoon. Maswerte ka kasi ayan ang una kong paglalasing na may conscious na pagdedesisyon. Madami ka kasing mga tanong. At alam kong kailangan mo ng sagot. Hindi ko kayang gawin ito na hindi nagiging ilang. Kaya dinaan ko sa alak.

Saturday, July 6, 2013

Paggamit ko ng platapormang ito

Kung sabihin ko na anibersaryo ngayon ng blog ko, palagay ko marami ang babati, magbibigay ng mababait na pananalita tungkol sa pagpapatuloy ng pagsusulat. Ganyang shiz. Pero ang totoo niyan ay hindi iyon tunay. Nilikha ko ang account na'to sa Blogger noong Mayo 2007, naglimbag lamang noong Disyembre 2010 kung saan may sampung tumingin sa buong buwan. Nauna ko kasing ginamit na plataporma ang blog ng Friendster, at nang maglaon ay Multiply. Pareho na silang wala ngayon.

Malaking alwan para sa akin na hindi ko na nakita ang mga sinulat ko noon sa unang dalawang platapormang nagsara. Masyadong pretentious ang tono ko sa mga gawa ko noon. At sa palagay ko, malaking alwan din na hindi ko na makita ang mga unang sinulat ko dito sa espasyong ito. Noong isang araw, habang sinusubukan kong basahin ang mga una kong katha at kwento dito, di ko mapigilan mapangiwi. Gusto ko lang itatwa ang mga sinulat ko.

Juvenile karamihan ng sinulat ko. At palagay ko naman, kahit ngayon ay hilaw pa ang mga huli kong nasusulat. Ang nagbago lang sa noon at ngayon ay hindi na ako ganoon kagahaman sa pagtanggap ng puri. Mas klaro lang ako sa sarili ko na nagsusulat ako dahil gusto ko. At hindi upang gustuhin ng iba.

Wednesday, July 3, 2013

Ikaw na aking mundo.

May pitong bagay akong hiling.

Una ay makita kang muli Maria. Ikaw, ang tuwid at itim mong buhok,
ang biloy mo sa pisngi, maliit mong mga kamay. Ikaw at tanging ikaw.

Pangalawa, gusto kong ulitin kung kailan tayo unang nagkita,
ang makulimlim na tanghalian at ang sabay nating pagbili ng turon
kay Manang Monet.

Ikatlo ay sariwain ang unang pagkakataon na hinayaan mong hawakan ko
ang iyong kamay, sa harap ng mga kaibigan mo na naging mga kaibigan ko na rin.

Pang-apat ay balikan ang gabing sabay tayong nangarap
na magkapamilya balang araw. Ikaw na nanay ng pito kong anak,
ako na tagalaba at tagaluto mo kapag Sabado at Linggo.

Panglima, maalala ng mas detalyado ang araw na nagpakilala tayo sa magulang
mo at magulang ko. Na tayo ay nag-iibigan. At binigyan nila tayo ng basbas
sa ating relasyon.

Pang-anim, ay yoong sinamahan mo lang akong uminom noong nalaman ko
na namatay ang pinakapaborito kong lolo.
Natapos ako ng alas dos ng umaga na umiiyak, nahihilo at wala ng pera.

At huli sa lahat, nais kong hilingin na di na natuloy ang Lunes nitong linggo
noong sinabi mo na hindi ka na sigurado kung mahal mo pa ako.
Na napapagod ka na sa maayos nating pagsasama.
At may hinahanap ka na di mo makita sa akin.

Pitong kahilingan Maria. Lahat umiikot sayo.

Sunday, June 30, 2013

Patayin ang 'Pilipinas'

MAY tatlong pangalan ang ating bansa: “Filipinas,” “Philippines,” “Pilipinas”: lbinasbas sa atin ang una ng kolonyalismong Espanyol at siya nating opisyal na pangalan sa loob  ng tatlong  siglo.  ltinatawag naman sa atin ang ikalawa ng imperyalismong Amerikano at opisyal nating pangalan ngayon sa Ingles.  Bersiyong Tagalog ng una ang ikatlo at batay sa orihinal na titik ng lumang abakada.

Palagay ko, sintomas ng ating pambansang pagkalito ang pagkakaroon ng tatlong  pangalan ng ating bansa. Hindi  tayo magkaisa kahit sa pagtawag himang sa ating sarili.Ang  panukala ko, panahon na para magkaroon tayo ng opisyal na pangalan para  sa ating bansa’t republika, at tulad ng inumpisahan ng Diyaryong  Filipino, dapat tayong kilalanin sa buong mundo bllang “Filipinas.”

Unang dapat burahin ang “Philippines”. Tatak ito ng patuloy na pag­ iral sa ating utak ng pananakop ng Amerikano. Hindi nila ito nagawa sa Puerto  Rico, Cuba, Mexico, Chile, at ibang dating kolonya ng Espanya. Bukod pa, may mga bansang nakapagpipilit ng kanilang sariling pangalan sa UNO sa kabila ng lningles na tawag sa kanila.

Ngayon, bakit hindi “Pilipinas”?

Thursday, June 27, 2013

Kanina sa may bandang Anonas

Maalinsangan ang gabi. Matapos natin paghatian ang mumurahing Twin Popsies na binili natin sa may tindahan sa may kanto, tinanong mo sa akin kung mahal ko pa rin ba siya?

Hindi ko kinagulat ang tanong mo kasi simula noong naging tayo, alam mong may hindi pa buo sa akin. Sabi mo pa nga, para akong 1000-piece puzzle na sinusubukan mong buuin ng paunti-unti. At kahit nakikita mo na ang halos kabuuan ng larawan, laging meron at meron pa ring parang nawawalang piraso.

Alam kong hindi patas para sayo ang pumasok sa relasyon na hindi pa ako nakakalaya sa ideya na minahal namin ang isa't isa. Ako at ang eks ko, yung karibal mo hanggang ngayon.

Hindi ako sumagot sa tanong mo. Tinitigan ko lang yung kalahati ng Twin Popsies na  hawak ko. Natutunaw.

Wednesday, June 26, 2013

Wishlist # 2

  1. I wish that people will not die of hunger. I think that it's so unfair.
  2. I wish I can drink beer without having those extra calories. And beer belly.
  3. I wish people are more open to diversity. Being different doesn't necessarily mean being wrong.
  4. I wish more people can study and have access to quality, liberating education. 
  5. I wish that education is really a right. And I wish that it's really true.
  6. I wish more people are other-centered.
  7. I wish that the check and balance system in our government really works.
  8. I wish I interact less with people that are dogmatic. That way, I'm less hateful.
  9. I wish I can love dogmatic people. 
  10. I wish people can sleep long and soundly without feeling the guilt of "oversleeping".

Sunday, June 23, 2013

I-U*

Minahal mo ako.
May mahal ka ng iba.
Mahal pa rin kita.


Thursday, June 20, 2013

Ang daming pagbabago.

  1. Hindi na binigay sa akin ngayong taon ang pagtuturo ng siyentipikong pag-aaral ng pag-ibig, relasyon at kasal. Gustoong gusto ko pa naman ang subjek na yun. At mukhang sa ebalwasyon ng mga mga estudyante noong nakaraang semestre, epektibo naman ako sa pagtuturo. Nagkataon lang na may mas mabigat na subjek na bakante at walang magtuturo kaya ibinigay sa akin itong bago.
  2. Sa semestreng ito, may isa akong subjek na walong oras kada linggo ang klase. Dahil kabibigay lang nitong nakaraang linggo, medyo tinatapos ko pa ang syllabus. Patungkol ang klase sa maayos na pamamahala ng mga tahanan partikular na sa wastong paggamit ng mga resources. Sa ngayon, ang alam ko, may inobasyon sa teknolohiya silang gagawin bilang final output. At magkakaexhibit sila sa pagtatapos ng semestre.
  3. Nag-enrol na rin ako sa crossfit training program. At nagbabayad para sa sariling trainer. Hindi ko na kasi kayang makitang nasasayang yung mga damit na binili ko matapos ang isang buwan dahil hindi na maganda ang fitting sa akin. May nareblog na article si Going Guderian. At siguro, anim o pitong beses ko na siyang binabalikan. Masyadong nag-eko sa akin yung "Keep fit."  Eto yung huling kompirmasyon na kelangan ko na talaga magtunaw ng taba sa katawan. May kamahalan ang tunaw taba sa Metro Manila. 
  4. Lilipat na rin ako ng faculty room. Doon na muna ako sa mas tahimik na cubicle kasama ang mas matatandang propesor dahil kailangan ko nang upuan ang akin thesis na isang taon ko na ring hindi ginalaw. Nararamdaman ko na kasi ang katamaran. At kapag hindi ko pa sinimulan ang pagsusulat, baka hindi ko na lang tapusin ang masteral ko sa unibersidad.
  5. Naipasa na ang Kasambahay Law. Masaya akong naipasa na ang batas na mas magbibigay proteksyon sa kanila. Sa binibigay nila na serbisyo sa bawat pamilya, nararapat lang talaga na mabigyan sila ng basic benefits katulad ng Philhealth at SSS.
  6. Huminto muna ako sa pag-inom ng serbesa.  

Monday, June 10, 2013

Pinag-isipan tungkol sa pag-iisip


Dinala ako ni B1 at B3 sa isang museo sa Cebu. Alam nilang mahilig ako sa kasaysayan. Alam din nila na mas masaya akong nasa mga ganoong lugar na kokonti ang mga tao kesa sa mga kontemporaryong gusali at mga mall na dinadagsa ng mga tao.

 
Old soul daw ako. Kaya ganyan ang mga trip ko, sabi ni B1. Sa totoo lang, kaya ko naman sumabay sa mga moderno at makabagong bagay. Hindi lang yun ang default na kapapanabikan ko.

Saturday, June 8, 2013

Kaarawan sa singapore

Sabay pag-inom ng serbesang Kirin sa aking kaarawan, pinakakilala mo sa akin ang boyfriend mo sa Singapore. Malaki ang ngiti mo. Kaya nagbigay din ako ng malaking ngiti para sayo.

Nakipagkamay sa akin ang lalaki. Hindi siya makatingin ng diretso sa mata. Baka naikwento mo ang kabuuan ng pagkakaibigan natin. Pati na rin ang panliligaw ko sa iyo noon. At ang pambabasted mo. At ang pagiging matalik nating magkaibigan matapos. Kaya naiilang siyang tumingin sa akin ng direkta.

Masaya na rin ako na kasama siya sa hapunan. At nakita siya ng personal. Mas gwapo at mas matangkad sa akin. Pero di hamak na mas buo ang loob ko. Sa pakikipagkwentuhan sa kanya, alam kong mas matalino din ako. Yun nga lang, alam ko na isang daang porsyento na siya ang mas mahal mo.


Saturday, June 1, 2013

Beatbox for Singapore Trip Lah

I'll be off to Singapore in a while. Last night, I realize I don't have enough boxer shorts so I had my last minute laundry. Haha.

I made a music playlist for my overseas trip. These are included:
  • 1904 by Benjamin Francis Leftwich
  • Awake my Soul by Mumford and Sons
  • Alpha Shallows by Laura Marling 
  • Blood Brothers by Iron Maiden
  • Both Sides Now by Joni Mitchell
  • Box of Stones by Benjamin Francis Leftwich
  • The Cave by Mumford and Sons
  • Fear of the Dark by Iron Maiden
  • Here Comes the Flood by Peter Gabriel 
  • Home by Phillip Phillips
  • Holding Out for a Hero by Ella Mae Bowen
  • Lego House by Ed Sheeran

Thursday, May 30, 2013

Visiting Kuya P

Today is May 29, three in the morning.

Today, I met Kuya P, the manong who saw my formative years in college. He saw how I struggled as I try to shape who I am in the midst of cultural diversity  in the university.

I grabbed the chance to see his new condo. And his wife and his mini-me. He called his son, Ninja. Just because Kuya P likes Naruto. The fuq. When I came to their house yesterday, I brought my ten bottles of flavored San Mig. His wifey was preparing home-made takoyaki. And pasta. And pizza. Manong P calls her Love. I call her goddess. Only a goddess can pull to produce those awesome food in less than two hours.

Over beer and the flood of food, I told Manong P about my work in the university. Of the delayed salary and lump sum amount when finally I got my pay. How it easily slipped my hand because I need to pay the credits I have. He asked me about the students in the university and concluded that most are sheltered brats.

I asked him about his new work, his overseas business travels, the cost of his condo, how it is to be father and other shiz. On my third bottle of beer which now seems to taste like C2, he toured me around his unit. I saw the room-turned-walking closet for his wifey, the other small room for in-law when she visits and the master bedroom with a ridiculously big veranda on the side.

"The veranda seems misplaced, " I commented. "I got the unit in its pre-selling price of 4M," he explained. "The veranda is so big you can convert it to another room," I said now on my fourth bottle. "That cannot be a room. You need to pass by our bedroom before you can go there. You don't create a room that passes our room," he explained. 

Tuesday, May 28, 2013

Selfie

  1. Nagpapahaba ako ngayon ng balbas. Nagpapahaba din ako ngayon ng buhok. Kumukulot na yung buhok ko sa bumbunan. Pero tuwid pa rin ang sa balbas. Bukas makalawa, makakatanggap na ako ng memo mula sa mga boss na mag-ayos ng sarili. Bukas makalawa, isheshred ko lang yung memo na matatanggap ko. 
  2. May palihan ngayon sa unibersidad tungkol sa teaching effectiveness. Matatalino ang mga guro sa unibersidad. Ayan ang unang dahilan kung bakit sila naha-hire. Pero gusto ng unibersidad na hindi lang matatalino ang mga guro nila, dapat magagaling at epektibo din. Dahil sa mga units ko ng Eduk noong una pang panahon, para lang ako nagrerebyu. Ang naeenjoy ko ay makipagkwentuhan sa ibang guro mula sa ibang kurso. 
  3. Malapit na akong magbakasyon sa Singapore. Sabado na alis ko. Apat na araw na bakasyon. Bago sumabak ulit sa trabaho. Any tip?
  4. Nag-iisip na ako lumipat ng bahay. Nangangati na ulit ang paa ko na maghanap ng ibang lugar na lilipatan. Sa karanasan ko, dalawang taon lang pinakamatagal ko bago ako magsawa ng lugar na titirhan. Pangatlong taon ko na sa apartment. 
  5. Napahoard na naman ako ng apat na libro. The perks of being a wallflower (Stephen Chbosky), Hocus pocus (Kurt Vonnegut), God bless you, Mr. .Rosewater (Kurt Vonnegut) at The double (Jose Saramago). Holer to Going Guderian!
  6. Katatapos ko lang basahin ang Kafka on the shore ni Haruki Murakami. May pusa na nagsasalita. May mga taong kausap ang bato. Umuulan ng leeches mula sa kalangitan. At may binatang nainlove sa kanyang ina. Ang sick di ba? Opisyal na akong deboto ni Murakami. 
  7.  Pinabaunan ako ng kapatid ko ng Pilao cafe mula sa Brasil. Alam niya kung paano ako pasasayahin. 
  8. Nagkitakita kami ni B1 at B3. Sumama ako sa reunion ng pamilya ni B1, family lunch ni B3. Diretso bisita kami sa bahay ko sa Batangas. Nalaman ng ermats ko na mahilig si B3 sa lecheflan. Ayon, bago umuwi, pinadalhan ng ermats ko si B3 ng sampong yanera ng leche plan. Spoiled brat. 
  9. May pasundot-sundot na depresyon ako ngayon. At bumabalik ang insomia ko. Hindi na naman ako ganoon kasaya sa buhay.
  10. Nanonood pala ako ngayon ng Grimm. Patapos nako sa season 1. Hindi ko masyado tipo. Kaya lang wala akong ibang ginagawa.

Thursday, May 23, 2013

This Is Water!

"The hardest and most important realities, are the ones most hardest to see, and are usually the ones staring us right in the face."

Most of the blog entries I see contains routinary self-centered post about life. Ehem, this includes mine. For a change, let me share with you a video containing a speech, delivered by David Foster Wallace at Kenyon College way back in 2005. This gives an alternative idea about what education means in relation to awareness to make conscious decisions. 





Wednesday, May 15, 2013

Election afterthoughts

May dalawang bagay ka na hindi mo pa nahahanap. Una yung poster mo ni Dao Ming Si na pinilihan pa natin sa Ximending, Taipei para mapirmahan niya. Nawala noong February 21, 2003. Umiyak ka sa akin nun kasi pinag-ipunan natin ang trip sa concert ng F4, yung malapit sa stage at pwedeng magbackstage pass.

Yung pangalawa ay ang una mong kopya ng Si Nemo,ang Batang Papel. Binili mo yun noong Grade 3 ka. Barbie book ang pinapabili ng nanay mo pero yung libro na yun ang pinili mo nung dumating ang trak ng Adarna sa elementary school natin. Kapag binabasa mo yung kwento, sabay natin sinasabi ang, "Bituin, bituin, tuparin ngayon din. Ako'y gawing batang masayahin!" Yang linyang yan ang paulit-ulit sa kwento.

Hindi ko pa kilala si Rene Villanueva noon bilang magaling na manunulat. Di ko pa rin nadidinig ang tungkol sa prestihiyosong Palanca kung saan nanalo yung kwento na yun. Pero gusto mo yung librong yun. At natutuwa akong masaya tayong nagbabasa ng makulay na paper back na children's book na yun.

Wednesday, May 8, 2013

Para sayo H*

Dadalawin sana kita sa Dubai last month. Kaya lang hindi naman ako pinayagan mag-leave sa trabaho. Pero masaya ako nung nag-skype tayo nung isang araw na nakangiti ka na. Humirit ka pa nga nga ng juvenile joke tungkol sa paligsahan ng Hapon, Amerikano, Pranses, Aleman at Pinoy. Natawa na lang ako dahil benta pa rin sa akin ang korni mo na mga jokes.

Okey ka na nga. Siyam na buwan ka rin na hindi naka-move on sa break up niyo ng syota mong may pamilyang matapobre. Pabackground check ka ba naman at hiningan ka pa ng NBI clearance ng erpats niya nung nalaman niyang kayo na ng syota mo. Ex-syota pala.  Syempre sayo, okey lang yun. Mahal mo e. Pero ako na-offend para sayo. Kelangan talaga NBI clearance. Hayop na mga burgis yan.

Nakatulong nga yang pagdu-Dubai mo. Hindi nga kinaya ng araw-araw kong pagdadala ng limang bote ng yakult yang pag-eemo shiz mo. Okey na nga na binago mo lahat, tinapon ang ayos mong trabaho dito sa Pinas para makapagsimula ulit .Hindi ko alam kung disyerto ba o yung mga camel diyan sa Dubai ang may healing power para sayong basag ang puso.

Monday, May 6, 2013

Hindi pag-ibig ang prayoridad sa tag-init

Bumili ako ng isang malaking electric fan na 70 watts. At sa init ng panahon ngayon, himala na epektibong nakatulog ako sa aking kwarto ng halos buong araw. Ganyang kaswabe ang hangin niya. Sabi ng kasama ko sa bahay, itago ko raw ang warranty. Sabi ko, halos lahat naman ng mga nabibiling appliances parang disposable matapos ang dalawang taon, give or take. Hindi na siya nakipagdiskusyon.

Sa trabaho ko ngayon sa unibersidad, kinaya kong bumili ora mismo ng bagong pampalamig. Hindi malaki ang sweldo ko, pero kumpara sa mga dati kong pinagtatrabahuhan, masasabi kong mas maalwan ang buhay ko ngayon. Mas may seguridad nga magtrabaho sa gobyerno kesa sa pribadong sektor.

Kaya ko na rin tugunan ang gabi gabing malamig na serbesa lalo na kung tinatawag ng pagkakataon. O kaya ang pagbibigay ng maluwag kay ermats ng pera kapag biglang naglambing.

Friday, April 26, 2013

Tatlong hakbang paabante at pagyuko

Kanina yung huling pagkakataon na kausap ko yung mga magulang ng mga chikiting ko ngayong taon. Bigay ng card, bigay ng dalawang pahina ng naratibo kung paano umunlad ang kanilang anak sa iba't ibang aspeto. Bigay din ng mga gamit nila sa paaralan na hindi nagamit at hindi naubos.

Kanina yung huling pagkakataon na ikwento ko sa mga magulang kung paano ako natuwa, natawa, nahirapan at lumago bilang guro ng mga anak nila.

Dahil lilipat na ng big school ang mga chikiting, natanong ko na rin ang plano ng mga ermats at erpats kung saan nila ipapasok ang mga bata. Syempre, bigay din ako ng suwestyon ko kung saan swak pumasok ang anak nila base sa personalidad at kakayahan.  May mga bata kasing mas swak sa tradisyonal na paaralan. Meron din naman mas uunlad sa mga progresibong paaralan. Meron ding mangilan-ngilan na bata na pwede mapakahit saang paaralan.

Ang pinagpapasalamat ko sa Diyos ngayon ay napakatutok ng mga magulang sa mga bata at sa mga gawain sa paaralan. At nakuha nila ang pilosopiya ng paaralan na pinagtatratrabahuhan ko. Alam nilang hindi kami purong akademik --yung basa, sulat at bilang ang tanging pinagkakaabalahan, bukod sa pag-aaral ng Ingles. Pokus namin ang pagbibigay ng solusyon sa mga problema, pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, pagkakaroon ng mabuting asal, pagpapahalaga sa pagbabasa at pag-aaral at pagiging malikhain.

Tuesday, April 23, 2013

Resulta ng ebalwasyon ng mga bagets sa akin

Reader, this is to warn you that this post is narcissistic.

Gusto ko lang ibahagi sa inyo ang resulta ng mga online na ebalwasyon sa akin bilang guro sa kolehiyo ng mga bagets. Bukod sa quantitative na basehan, eto ang qualitative na resulta.

Saturday, April 20, 2013

Thursday, April 18, 2013

Friday, April 12, 2013

Done checking all the papers and exams

Finally! After two weeks of reading case studies, autobiographical papers and checking final exams, I'm done computing their grades! Thank you CBTL Tomas Morato for the not-so-cold AC room. Thank you for reserving Palaboy's Corner for me.

Friday, April 5, 2013

Grooming products

Alam nang mga kaibigan ko kung gaano ko ka-tinatamaran bumili ng mga personal grooming shiz sa grocery store. Kaya laking pasasalamat ko sa Poong Maykapal kung paanong binigyan niya ako ng mga kaibigan na kasama sa grocery list nila ang pagbili ng gamit ko.Salamat! Salamat!

Monday, April 1, 2013

Coming home

My memories begin with that boat I made for a school project in preschool which was framed and hanged on my bedroom wall in Nasugbu, thanks to dad who's either a sentimental shiz or just a person who labels everything his son does as an obra.  I made that boat during Ramos' turn as president. That old, thin framed man smoking cigar, posing for a photo opt that would gladly be reproduced by national bookstore and sold to those old, dilapidated and overpopulated public elementary school rooms. Those Ramos' days, when he was proudly telling the world how fun it is to out-date martial law and outsmart that gruesome, cunning dictator.

Of the times before Ramos, I remember little: fleeting, ghostly blurred images of news about coup d'etat and blackouts, of being wounded when I tripped from running in a pavement near the public plaza, of those rings that changes colors and tells you how you felt. Just those blurred snap shots. Nothing else. I must have been sleeping all day long before Ramos' time. Before that boat was made. And framed.

Thursday, March 28, 2013

Ex-teacher post

Iba yung bigat ng pagtuturo ng mga chikiting kumpara sa trabaho ko noon na mag-therapy ng mga kabataan sa kulungan. Big shift ng career pero nasa field pa rin naman ng child development. Tapos na ang isang school year. At lahat ng mga chikiting ko ay lilipat na ng big school. Graduating class kasi ang binigay sa akin na trabahuhin sa preschool ngayong taon nato.

At syempre, masayang masaya ako sa mga pinagdaanan namin kahit sobrang katakot-takot na bigat ng trabaho.
Mamimiss ko yang mga kwento nila tungkol sa pamilya nila, mapamasaya man o malungkot, saktong totoo, o kaya naman exagerrated. Border line nga ng pagbabalita at pagtsitsimis nila sa mga karanasang pampamilya.

 Mamimiss ko din na makita silang nagshe-share ng toys at books sa iba na nung una ay pahirapan kami kung paano ituturo ang konsepto ng pagbabahagi at pagbibigay sa panahon na napaka-egocentric nila.

Sunday, March 24, 2013

Hindi ko pa natatasa ang semestre bilang estudyante

Kapag tinatanong ako sa amin kung kumusta na ako sa gradwadong klase ko, sinasabi ko na tesis na lang ako. Pero sa totoo, hindi ayun ang nakaenrol sa akin sa semestreng ito. At hindi ayon ang papel na ginagawa ko.

Kung pwedeng tunawin sa lupa ang lahat ng nangangamusta sa ginagawa kong papel, marami na silang nawawala. Hindi naman ako naiinsulto sa pangangamusta nila sa ginagawa kong requirement sa klase. Nakakapagod lang pakinggan ang sarili ko na magkwento ng topic na palagay ko hindi ganoon na ka-exciting kumpara sa kung paano ko ito pinapaliwanag sa iba. Marahil nawala na ang interes ko dahil ayoko na ngayon harapin ang requirement sa klase.

Noong nakaraan pang taon due ang papel na ginagawa ko. Pero hindi talaga siya madaling i-engkapsula sa papel at powerpoint slides. Alam na alam ko ang proseso ng paksa na sinsusubukan kong bigyan ng laman pero sadyang malayo lang siyang ipaliwanag pag nagsisimula na akong upuan siya para isulat.

At bigla ko tuloy napaisip kung para sa akademya ba talaga ako. Kasi kung titimbangin ko ang mga rason, mas gusto ko pa na nasa field at direktang nakikipamuhay sa mga tao at nakikidigma para sa social justice at human rights kesa sa nagsusulat at nagpapaliwanag ng mga teoryang nakapaloob sa mga ginawa kong gawaing panlipunan.

Isang taon na ang love-hate relationship na ito sa sinusulat ko. At nararapat na siyang wakasan dahil para na siyang pigsang masakit na isang taon ko nang hindi ginagamot. Mukhang nayayamot na rin ang adviser ko sa sinusulat kong ito dahil tuwing pumupunta ako sa kanya, wala akong napapakitang significant output.

Saturday, March 23, 2013

Choke me harder.

Nagnanasa ang puso ko ng pag-uugatan.


Hinahanap ng isip ko ang kanyang mga pakpak.



Patawad.
I cannot bear their bickering.



Tuesday, March 19, 2013

Kwentuhan.

Sabi sa akin ni Manong taxi driver, "Ser, payuhan niyo nga ako. Lima na ang anak ko. Hindi marunong si Misis magfamily planning. Kinakalimutan niya ang pag-inom ng pills. Ako pa bang galing byahe ang mag-iisip noon?"

Ang sabi ko, "Manong, ang pagbuo ng bata ay trabaho ng dalawa. Hindi nakaatang kay misis lang ang contraceptive. Alangang sa ligaya ka lang ser? "

Mahirap ang buhay ngayon. Mahirap din maging responsableng ama at asawa. Hindi ako mamumudmod ng condom dahil hindi ko responsibilidad ang pagbili noon sa mga nag-eenjoy sa seks. Pero pwede ako makipagkwentuhan sa lebel ng sino mang tao para talakayin ang responsableng seks at responsableng pagpapamilya.

Saturday, March 16, 2013

Wala pang mahal na araw pero uso na ang penitensiya.

Kinagulat ko ang pagtext mo sa akin kanina ng Magandang umaga. Una, hindi ka naggegeneric message. Pangalawa, hindi tayo in speaking terms. Pangatlo, bago ang numero ko. Bagamat hindi ko binura kung saan ka iko-contact, alam kong mahirap mong malaman ang numero ko.

Sinunod ko lang ang payo mo na magpatuloy sa buhay. Lumipat ako ng bahay. Binago ko ang numero ko. Wala na ang facebook account ko noon. Lumipat na rin ako ng trabaho.  Hindi madali ang mag overhaul ng buhay. Lalo na kung apat na buwan ay may bago ka ng kasintahan at sandamakmak ang larawan niyo sa fb at instagram kung saan tayo konektado. Kelangan talaga pilitin ang sarili na magtuloy ng buhay na wala ka.

Sunday, March 10, 2013

Pagpapahalaga sa condominium ng mga lamang dagat

Nitong mga nakaraang araw, masyadong naging mabilis ang pangyayari sa (laboratory) preschool kung saan ako nagtuturo. Naging maganda kasi ang talakayan sa klase. May isa akong limang taong gulang na bata na nagbigay ng balita patungkol sa "ship na lumubog". Kinabukasan, nilinaw ng isa niyang kaklase na hindi iyon lumubog pero "hindi makaalis kasi na-stakkk". Tapos, pinangalanan na ng isa yung lugar, "Tubbataha reef yun". Sa ganitong usapan at balitaan sa preschool, napag-usapan na kung bakit naging balita siya na kelangan ibalita sa telebisyon.


Sunday, March 3, 2013

Berso

ni Allan Popa

Alam kong hindi natin sinadya.
Hindi natin namalayan ang sandali
Ng ating pagbabago.

Pinagmasdan kong magliyab
Ang mga salitang nilagdaan mo sa mga liham
Hindi dahil nawalan sila ng kahulugan
Kundi dahil nanatili silang totoo,
Hindi tulad natin.

Sunday, February 24, 2013

Sa iyo na sa puso ko ay nakauna

Naisip kong halikan kita kanina,
pati kahapon, at nung isang araw.

At alam kong iisipin kong halikan ka
bukas, sa makalawa at sa susunod pang mga araw.

Naisip kong halikan ka
ng dahan-dahan, habang dinadama ng labi ko
ang mga labi mo.


Naisip kong halikan ka.
Ikaw lang. At wala nang iba. 

Tuesday, February 19, 2013

Kaibigan,

Hanapin mo ang nagpapatibok ng puso mo at ialay ang buhay para dito.
Hayaan mong higupin hanggang maiga nito ang kabuuan mo.
Pasanin mo ito, hanggang tuluyan kang lumubog sa kawalan.
Hayaan mong patayin ka nito at kainin ang iyong katawaan at kaloob-looban.
Sapagkat maraming bagay ang pwedeng pumatay sa iyo, yung iba mabilisan, ang iba ay marahan.
Subalit mas masarap na mamatay sa bagay na mahal mo.

Sunday, February 10, 2013

Pag aayos ng kwelyo matapos ang mahabahabang paglalakbay

Kahapon, naisipan kong magbyahe papuntang Nueva Ecija. Wala akong kakilala dun maliban sa isang kaibigan na taga-Gapan at isang naging kaklase sa masteral na taga-Cabanatuan. Hindi ako sa dalawang lugar na yan pumunta.

Naglakbay ako papuntang San Jose. Walang kakilala, walang kaibigan. Gusto ko lang tumakas sa ingay ng lungsod at sa responsibilidad sa trabaho.

Kung mananatili lang kasi ako sa bahay, maiisip ko simulan ang maglinis ng kwarto. O kaya simulan ang pag aayos ng lektyur sa linggong ito para sa klase sa kolehiyo. O kaya magplano ng iskedyul ng preschool sa mga susunod na araw. O kaya tirahin ang papel ko sa masteral.

Pero sawang sawa ako sa ganyang shiz nitong nakaraang linggo. Medyo mabigat ang nakaraang limang araw kaya gusto ko sana na ang Sabado at Linggo ay panahon naman para sa sarili.

Kaya bigla akong napabyahe sa lugar na wala akong alam. Matapos ang medyo mahaba-habang paglalakbay, nagsettle ako na sa San Jose, Nueva Ecija ako magpapalipas ng gabi pati na rin ng Linggo.

Saturday, February 9, 2013

Kung paano pinagsabay ang pagtuturo sa preschool at pagtuturo sa kolehiyo ng konsepto ng break up

Pansinin niyo yung larawan. Nakatapak sa masarap at makulay na icing ng cupcake ang baboy pero banlag siya.

Parang ganyan ang pakiramdam ko ngayon. Ginagawa ang pangarap na trabaho pero wasak na wasak ang katawan at sabaw na sabaw ang utak.

Buti na nga lang mataba ang puso ko dahil yung trabaho na ginagawa ko --yung pagtuturo ng mga chikiting at mga bagets ay naeenjoy ko ng husto.

Sa mga chikiting, isang linggo kami na hindi nagkita bilang klase dahil naka-eskedyul sila na pumunta sa classroom ng paisa-isa para suriin kung ano na ba ang nakamit namin matapos ang lampas kalahating taon na pagsasama sa klase. Hindi kami ang tradisyunal na paaralan na nagbibigay ng pagsusulit sa mga bata sa pamamagitan ng pagsagot gamit ang papel at lapis. Mayroon kaming mga checklist na sumusuri sa kung ano ang dapat makita sa isang bata na nasa partikular na taon. Komplikado ang shiz na yan kaya sa susunod ko na ipapaliwanag. Basta sa assessment nato, halimbawa, hindi lang namin tinitingnan kung kaya na ba ng bata na bumilang ng malakas (rote counting) mula isa hanggang dalawampu't lima. Susuriin din namin kung naiintindihan ba ng bata na ang bilang na isa ay sumisimbulo sa isang bagay at ang sampu ay representasyon ng sampung bagay (counting with understanding). Hindi lang memorya, may pag-intindi. Ganyang shiz.

Sa kolehiyo naman, natapos na namin ng mga bagets ang mga teorya sa mate selection. Pinag usapan din namin na hindi naman talaga tayo "malayang" namimili ng iibigin at pakikisamahan sa habang buhay pero may pattern tayo na sinusunod. Parang Matrix na storyline shiz. Pinag-usapan din namin ang mga pag-aaral na ginawa sa Pinas tungkol sa kung paano umiibig ang mga tao noon at ngayon. Maganda ang talakayan kasi sa mga teorya na pine-present ko sa kanila, nagsisimula silang kwestyunin ang mga assumption at konsepto ng mga ito, hindi lamang nilalapat sa personal na karanasan pero may paghahambing sa ibang teorya na sumasalungat sa teoryang binabanggit. Ayos, nagsisimula na ang kritikal nilang pag-analisa sa mga bagay-bagay at hindi na lamang nakaikot sa kanilang sariling karanasan at paniniwala.

Wednesday, February 6, 2013

Studying love is no guarantee of finding it.

May libreng diagnostic test na ginawa si John Lee patungkol sa kung anong estilo ng pag-ibig meron ang isang tao. Kasama yan sa sinagutan ng mga estudyante ko sa kolehiyo nung isang araw. Para may paglapat ang teorya sa kanila.Para hindi teorya lang kundi teorya at patungkol sa kanila. Mas gugustuhin kasi natin pag-aralan ang mga shiz na may kinalaman sa atin.

Yang larawan sa kaliwa yung resulta. Labing isa sa mga bagets ay eros lovers, tatlo ay dominant sa kanila ang storge na pag-ibig, at dalawa ay pragma ang estilo ng pagmamahal.

Isa lang ang six styles of love ni John Lee sa mga teorya ng pag-ibig na pinag-usapan namin sa klase. Dahil palagay ko ay pasok sa schema nila ang usapin ng puso, masyadong maingay ang naging diskusyon.

Para sa hindi pamilyar, eto ang buod ng anim na estilo ng pag-ibig ni Lee:

Sunday, February 3, 2013

Timog, babalikan kita sa taong ito.

Mahalaga sa akin ang tsinelas na yan. Binili ko sa isang baryo sa isang liblib na lugar sa may gawing timog ng Pilipinas.

Yang tsinelas na yan ang saksi sa pakikipamuhay ko sa mga tao dun. Pati na rin ang pagdiskubre na mali ang hinala ng mga taga-Luzon na magulo sa parteng yaon ng Pinas. Hindi lahat ng tao sa lugar na pinuntahan ko ay palaaway. Hindi lahat ng mga tao dun ay galit sa mga Kristyano.

Premyo sa sarili

Dahil natapos ko na ang:
  • pagbabasa at pagbibigay komento sa tatlong linggong lingguhan na reflection paper ng mga bagets sa kolehiyo
  • pagtsetsek ng midterm exam ng mga bagets sa kolehiyo
  • pagbibigay komento at pagtatama ng project proposal ng apat na grupo para sa kanilang civic welfare service
  • pag-aayos ng ilang papel na sinumite tungkol sa diskusyon tungkol sa mga teorya ng pag-ibig at teorya sa paghahanap ng makakasama sa buhay
sisimulan ko nang basahin ang Blindness ni Jose Saramago.

Patungkol ang nobela isang lungsod na nagkaroon ng epidemya kung saan lahat ay nabubulag. Sa simula, binigyan ng naratibo ang tungkol sa isang taong biglang nabulag habang hinihintay ang ilaw trapiko na magkulay berde, isang magnanakaw na biglang nawalan ng paningin, isang doktor na gumagamot ng mga sakit sa mata na bigla na rin lang nabulag at isang pokpok na hindi talaga pokpok (ang labo, ah basta ganun!) na matapos ang dyugdyugan ay hindi na niya makita ang sarili niyang katawan.

Alkohol at tsaang malamig

Wala ako masyadong interaksyon sa mga kaibigang blogero kaya mas mahaba ang oras ko magsaliksik ng buhay sa labas ng cyberspace.

Limitado ang oras ko kaya hindi naman ako pwede mag immersion sa mga komunidad na pinupuntahan ko noon.

Walang kakwentuhang blogero at walang kakwentuhan sa komunidad. Kapag pinagsama ang dalawang yan, napansin ko na mas tumitindi ang pagnanasa ng panlasa ko na sumubok ng kung ano mang pwedeng tikman sa kapitalistang mundo.

Nung isang gabi, habang pagod sa trabaho sa unibersidad, naisipan kong sumakay ng kung anu-anong jeep hanggang napadpad ako sa may GMA-Kamuning.

Maalinsangan ang hangin kaya naghanap ang katawan ko ng aircon na lugar. Nag-aalala ako na burgis na ang katawan kong lupa at ginugusto na ang mga lugar na may artipisyal na lamig ng hangin.

Natuwa naman ako na ang isang tindahan na nagbebenta ng overpriced na tsaang malamig ay nag-aalok ng alternatibong timpla. Nilalagyan nila ng alcohol ang mga milk tea nila. May agam-agam lang ako dahil sa aking hinuha, hindi pwedeng pagsamahin ang gatas at alcohol. Pero nung tinanong ko sa barista, ayos naman daw ang halo nila at wala naman daw na-food poison.

Saturday, February 2, 2013

Agahan ng alas tres ng umaga.

Unhealthy breakfast para sa isang unhealthy na schedule.

Kasabay ng laptop kung saan tinitipa ang papel sa masteral ang isang libro patungkol sa paghihilom ng sugat ng pamilya, ang big uhaw na mountain dew, ang bamboo-scented candle at isang goey chocolate cake mula sa Chokiss sa UP Diliman.

Eto ang simula ng mabibigat na araw dahil bukod sa regular teaching load ko ngayong semestre, may ilang task centered position na nakaantabay na trabahuhin. May tinatapos din akong papel na ipepresent ulit sa panel sa Marso. Kelangan ko ng naratibo ng apat na bata.

Mabigat ang buhay manggagagawa at buhay estudyante sa mga oras na ito. Pero lagi namang may kasiyahan na nakikita sa bawat araw kaya okay lang. Nagsimula na rin akong tumakbo ulit dahil lumalawak na ang espasyo ng hita, tiyan at braso ko. Naghahanap ako ngayon ng dance studio na pwedeng pag enroll-an ng sayaw pero habang wala pa, tatakbo na lang muna ako at lulumain ang apat na taon nang basketball shoes na bigay ng isang tiyahin sa Inglatera.

Maganda ang buhay. Laging maganda ang buhay.

Wednesday, January 30, 2013

Ubas.

Mahilig ako sa ubas. Yung pinakapaborito ko yung maitim na maitim, matamis at walang buto. Ganung pagkain, okay nako.

Pero dahil maliit lang naman ang budget ko para sa burgis na pamumuhay, iyang ganyang ubas ang binili ko. May matamis at may maasim. Pero lasang lasa ang mapakla na aftertaste.

Nagdadala ako sa faculty room hanggat maari. May refrigerator kasi doon na parang sira ang thermostat. Kaya lumalamig ng todo ang ubas matapos ang tatlong oras na pagkakalagay doon. Hindi nagyeyelo pero halos nasa ganon ang temperatura.

Nakakatawa kasi nagkwekwento ako ngayon na parang kausap ko ang mga kaibigan kong blogero. Kaya lang dahil nakatago ito pansamantala, alam kong wala din naman makakabasa nito.

Eto ang afterthoughts, monologue version. Hindi masaya.

Friday, January 25, 2013

Bookshelf ni Palaboy

Ayan ang mga librong gamit ko ngayon sa pagtuturo ko sa kolehiyo. Nangangamba nga ako kasi mukhang dumadami ang mga librong kinukuha ko sa pagtuturo. Nasa unang taon pa lang ako s unibersidad. Pag nagkataon, baka may sarili na akong aklatan sa ikalima kong taon. Tamad kasi akong lumabas ng cubicle ko kapag nag-aaral at naghahanda ng lektyur. Kaya kumukuha ako ng sarili kong kopya ng mga librong kailangan ko.

Hindi syempre kasama diyan ang mga binili kong libro na fiction. Nasa bahay lang. Baka maging bundok ng libro ang espasyo ko pag sinama ko pa.

May "kontobersyal" diyan na libro na siyang laging napapansin ng mga estudyante at kaibigan bumibisita sa akin. Zoom, zoom na lang. Hahaha.

Wednesday, January 23, 2013

Sunday, January 20, 2013

Self-centered na post 2

Hindi ko matapos-tapos ang modelo ng programa na ginagawa ko para sa mga kabataan sa kulungan. Noong Abril ko pa sinimulan ito. Sa Martes ko na dapat ipakita sa adviser ko sa Masteral para mapulido para sa presentasyon sa Sabado. Mga clinical workers ang uupo na panel kaya hihimayin ang teorya at praktis sa modelo na kinakana ko.

Simple lang naman ang layunin ng programa na binubuo ko. Magkaroon ng rehabilitasyon ang mga bata at kabataang nangangailangan nito at hindi lamang bigyan ng parusa ang mga nagkasala. Ang paglabag sa batas, lalo na ng mga kabataan ay isang malalim na usapin ng kahirapan, karahasan, maling pagpapalaki ng magulang at kawalan ng panglipunang hustisya. Hindi ito basta-basta masusolusyunan ng pagkukulong o pagkundina sa kanila.

Ginagapang ko ang pagbuo ngayon ng konsepto ng counseling at psychotherapy. Buo na kasi ang konsepto ng service delivery ng case management. Kulang lang ang pagtugon sa pagbibigay ng therapeutic intervention.

Wednesday, January 16, 2013

Self-centered na post

Pagkatapos ng mahabahabang bakasyon, ramdam kaagad sa trabaho ang mga backlogs. Binawi  ng unibersidad ang mga pahinga at paghinga sa pamamagitan ng pagsalubong ng mga nagsusumigaw na mga nakabinbin na trabaho. Hindi ko tuloy masabi kung magpapasalamat ba ako sa pag-atras ng bahagya sa nakasanayang stress ng buhay manggagawa o hindi.

Pero bago pa ako tuluyang magreklamo sa aking trabaho na palagiang kong nakikita sa FB, blogsites at twitter accounts, magpapakita na lamang ako ng ilang larawan ng mga gusto kong ikwento. At gusto kong maalala kapag babalikan ang nakaraan. Tutal, masaya at kontento naman ako sa trabaho ko sa kabuuan.

Ang departamento namin ang nakatalagang gumawa ng parol na itatampok ng kolehiyo para sa taunang labanan at pagdiriwang sa unibersidad. Ang napag-usapang tema ng aming parol ay "Ang tibay ng tahanan ay tibay ng bayan." Ayan ay dahil espesyalisasyon ng mga tao sa kolehiyo ang ekonomiyang pantahanan lalo na ang pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Gawa ang parol na yan sa mga patapon na gamit at mga basura na mismo. Nilinis, hinabi at nilagyan siya ng ilaw kaya mukhang bago at maganda.

Wednesday, January 9, 2013

Ang makainuman ka

kasama ang isang malamig na pale pilsen
ay mas maaliwalas sa pakiramdam kesa sa amoy ng hinog na palay sa bukirin
o kaya naman ng amoy ng mga bagong buka na bulaklak ng mangga sa umaga
Mas kapanapanabik kesa sa paghihintay na lumubog ang araw sa dalampasigan
o pagpili ng mga pinakamaniningning na mga bituin sa hatinggabi.

Ang kwentuhan kasama ka  at ng isang boteng serbesa
ay mas masarap kaysa sa pinakamalasang embutidong manok sa pyestahan sa aming bayan
o kaya mas nakakapatid uhaw kesa sa tubig mula sa pinakabatang niyog sa may kapatagan.

Mas nanaisin ko na kasama ka ngayon
Kesa manalo ako sa Palanca
O kaya mabigyan ng pagkakataon na humigop ng espresso ng Italya.
Hindi ko ipagpapalit ang pagkakataon na ito
Sa alin mang ganda ng pagkakataon na libutin ang mundo,
pati na ang pagsilip sa mga sinaunang gusali sa Gresya.