Sunday, September 1, 2019

Kumusta ang new year's resolutions niyo ng January 2019?

Late na talaga ako sa half year evaluation ng goals na  na-set ko for 2019.

Masyadong madaming distraction sa buhay ko kaya di ko rin naupuan lahat. At naging conscious goal. Meron din naman na dahil sa ilang unexpected circumstances, hindi natuloy ang mga plano.

So ngayong September, ngayon ko binalikan ang 2019 goals na ginawa ko sa simula ng taon. Gusto ko sana kasi may general direction ang buhay ko kumpara noong 2018.

Ang maganda siguro na ginawa ko noong January, sinulat ko ang goals sa ilang aspeto ng buhay ko:

  • Professional development
  • Family
  • Creativity
  • Health
  • Spiritual
  • Finances

Wednesday, August 28, 2019

Everyone aspires to a good life. But what does a “good” (or better) life mean?

Nitong nakaraang linggo, pinag-usapan namin ng mga bagets 'yung tungkol sa well-being. Medyo challenging kasi idefine yung well-being dahil nagbabago o nagkakasalungat kada tao at kultura kung ano ang pakahulugan nito.

Yung isang bagets na nagpresenta ng definition, binanggit niya na at the minimum daw kailangan na kasama ang pag-satisfy ng basic needs, as well as the ability to pursue one’s goals, to thrive and feel satisfied with their life.

So ang tanong ko sa mga bagets, paano mo malalaman na satisfied ka na sa buhay mo?

Ayun, nganga ang mga bagets.

Madami pa ako sana gusto ikwento. Pero isa sa pinaka-tampok ng aming diskusyon ang pagkakaiba natin sa ibang bansa sa idea ng well-being. Sa pag-aaral kasi nina Sycip, Asis, at Luna (2000), noong gumawa sila ng pag-aaral sa buong bansa, ito yung mga nakita nilang components ng Filipino well-being:

  1. respect from family
  2. faith in God
  3. being Filipino
  4. prayer and reflection
  5. love of parents and siblings
  6. regular food
  7. house ownership
  8. security from crime
  9. unity of Filipinos
  10. love of children
  11. long life
  12. peace of mind
  13. doing good to others
  14. good marital relations
  15. being with children
  16. nutritious food
  17. love of spouse
  18. regular water
  19. clean surrounding
  20. share in decision-making.

Friday, July 5, 2019

Nang umulan sa Sarah's

Di mo na inubos.
Agad kang lumisan.
Sinama mong tangayin
ang pangarap,
pag-asa at
nag-iisa kong
gustong kwento
ng buhay ko.

Thursday, June 20, 2019

Panaginip noong June 20 ng madaling araw

May panaginip ulit ako. This time, kasama si Heart Evangelista. Siya daw yung driver ko sa tricycle.

Siya daw pumilit sa akin na magtricycle na lang kesa maghabalhabal. So yes, probinsiya ang setting.

Wednesday, June 19, 2019

Bulong ng mga baka sakali

Habang lumilipas
ang mga gabi,

lalong bumibigat
ang pasanin

ng mga dumadaming kwento
na maaari sana

natin
gawing realidad

kung hanggang ngayon ay
tayo pa.

Tuesday, June 18, 2019

Kwentong amaretto sour

Ikaw: Inom tayo. Subukan natin ang cocktails nila.

Ako: Ha? Di ako maalam diyan. Wala naman ganyan sa amin.

Bagong salta lang ako sa Quezon City mula sa probinsiya.

Nung highschool ako, pomelo gin lang ang binabarik. Dito kung ano-ano 'yung pagpipilian. May long island iced tea, may black russian, may mojito, wengweng at kung ano-ano pa.

Ikaw: Wag mong gagamitin yung salitang "maalam". Sabihin mo lang, "Di ko alam."

Medyo tumahimik ako.

Monday, June 17, 2019

Para kay R (habang nangongolekta ako ng katahimikan)

Matapos kitang mapaginipan, ilang oras ko inisip kung ano kaya ang gagawin natin kung buhay ka pa?

Noon, habang umuulan sa Palma Hall, tinanong mo ako kung kelan ba nagdedecide ang mga ulan na babagsak na parang gupit gupit na linya o kaya malalaki at maliliit na bilog na patak? Sabi mo minsan kasi, nagbabago ang hugis nila.  May kinalaman ba siya sa humidity ng lugar? O may kinalaman sa buwan ng taon? O baka sabi mo, depende sa degree ng kalungkutan ng mga taong gustong basain ng ulan.

Yung ganyang talk shit mo 'yung namimiss ko. Walang kwenta. Walang mareresolve na problema. Pero ayos lang sa akin.

Para kay R

Matagal nakong hindi nananaginip. Exception kagabi.

Medyo naka-anim ako na baso ng Merlot. Kaya siguro napasarap ang tulog ko. At nanaginip.

Niyaya mo daw ako magjoy ride. Pero dahil wala tayo parehong kotse, nag bus tayo. At umabot sa Pangasinan.

Habang nasa bus, papuslit tayo uminom ng Glenfidich na nakalagay sa opaque water tumbler ko. Tumatawatawa lang tayo habang nasa biyahe at nilalait ang mga kanta ni Jose Mari Chan at ng grupong Steps.

Saturday, June 15, 2019

Dorm 11 (Yung ahas na pinatay ng tatay ko at yung ahas na lumilingkis sa akin)

ONE. 
Lahat kami, hindi na umuuwi sa bahay sa Nasugbu na kinalakihan naming lahat. Ang isa kong kapatid, nasa Cambodia. Dun niya na-meet ang fiance niya. At mukhang dun na siya magse-settle. Yung isa kong kapatid, nasa Los Baños. Nandun na siya nakatira kasama ng asawa at anak niya. Yung mga magulang ko, madalas nasa Los Baños para alagaan ang nag-iisang apo. Ako naman, bagamat hinahanap ang simoy ng malansang dalampasigan ay nakontento at tumigil na sa matrapik na lungsod sa Quezon City.

Dahil multi-sited na ang pamilya namin, laging malaking ganap kapag ang isa sa amin ay uuwi ng Nasugbu.

Noong isang araw, nagmessage sa family group chat ang erpats ko. Sinabi niya na naglinis siya ng bahay namin sa Nasugbu at nakakita ng dalawang metro na sa sawa. Sabi niya, noong nakaraang gabi, tahol ng tahol ang aso ng kapitbahay. Tapos kagabi, mga aso naman namin ang taho ng tahol. Nang sinilip ng erpats ko, ayan na ang ahas. Mukhang nagtrespassing. Mula sa bahay ng kapitbahay namin, sa amin na.

Siyempre, ang erpats ko, sanay pumatay ng mga sawa. True Brown Style OG yata siya. Syempre joke lang, Pero sanay talaga mang murder ang tatay ko ng mga trespassing na ahas.

So ayun ang laman ng maingay na mga Ping! sa group chat namin sa pamilya.


TWO. 
Matatapos ko na ang thesis ko tungkol sa mga batang nakagawa ng pagkakamali at nakalabag ng batas. Eight years in the making, tsong. Daig pa ang dissertation na multi-sited ethnographic study.

Sa trabaho ko, maya't maya sila nangangamusta at nagchi-cheer. Pero sa totoo lang, ikaw sana ang gusto ko kakwentuhan at pasalamatan noon pa sa pagtatapos nito.

Kita mo noong nasa dorm tayo kung paano ako ka-eager beaver na tulungan ang mga children in conflict with the law. Tapos noong bigla kang nawala, syempre halos wala na akong kakwentuhan tungkol sa ginagawa kong data gathering.

Nitong bumalik ka na pero syempre nasa ibang apartment at malayo sa dati nating lugar, at tinanong mo ako kung gusto kita maging roommate. Bigla akong nagpaalam sa landlady at landlord natin. At agad na sinamahan ka sa isang apartment sa Cubao.

Nagsusubok ka magrecover. Mula sa matagal mong pagkawala sa kalakaran ng naghaharing sistema. Madalas mainit ang ulo mo. Pero iniintindi ko. Ang importante buhay ka. At gracefully na bumaba mula sa serbisyo mo upang bumalik sa iniwanan mong mundo.

Unti-unti na rin natin mini-meet ang mga barkada natin at pamilya mo. Habang unti-unti kong tinatapos ang thesis ko. Hindi pa natin napapag-usapan ang pagdedesisyon mo na bumalik sa Quezon City. Pero hindi pa yun ang mahalaga sa akin. Ang importante sa akin ay maalalayan ka sa tengeneng kurap at bulok na sistema na meron tayo sa lipunan.

Tuesday, June 11, 2019

Buhay kontrakwal na manggagawa

Hubad na hubad ang bago kong opisina. Kaya nung nalaman ko na pwede akong humingi ng halaman sa Maintenance, hiningi ko na 'yang bago kong sundalo sa tabihan. Hindi pa siya malagong malago. Wala kasi sila nung malaking malaki ang dahon. Yung pwede mong gawing brip mala-Adan sa hardin ng Eden. Ayan na yung pinaka-malusog at malago ang dahon. So hanggang t-back pa lang ni Adan ang kaya i-contribute ng anahaw na yan.

Narenew ako ng isa pang taon sa trabaho. Kung tutuusin, dito sa kompanyang ito na ako pinakanagtagal. Ilan taon na lang, mag-iisang dekada na ako dito. At makakatanggap na ako ng 10-year pin. Pero syempre, annual ang renewal ko. Ayun lang ang downside. Anytime, pwede ako matanggal. Kaya siguro simula pa lang noon, di ko talaga in-attach ang sarili ko sa trabaho. Para anytime, pwede mag-move on. 

Pero hindi naman ibig sabihin noon, di ko mahal ang trabaho ko. Gusto ko naman ang ginagawa ko. At alam naman ng mga boss ko na talagang best foot forward ako sa loob ng pitong taon. Klaro lang talaga sa akin na hindi kabuuan ng identity ko ang trabaho ko. 

At palagay ko, mabuti yun para sa aking wellbeing, bilang isang kontrakwal na manggagawa.