Bigla din ang pagkawala mo. Parang lindol na yumanig sa amin ang balita. Guho lahat ng plano nating reunion sa Disyembre pre. Hindi mo kasi pinasabi kahit kanino na may sakit ka. Asawa mo lang kasama mo sa ilang beses mong sugod sa opsital. Nalaman na lang namin na nag-comatose ka na. Parekoi, mabilis kami rumesponde. At nagbigay ng kaya naming tulong at suporta sa asawa at mga anak mo. Kaya lang hanggang doon lang ang kaya namin dahil bawal pa magbyahe.
Sa pagbagsak ng masamang balita, nalaman ko na dalawang araw lang ang binigay na pahintulot para sa lamay. Di pa rin ako makapunta dahil sa lockdown. Damnit! Kahit ang pagluluksa ko, ninakaw ng pandemya. Hindi pa ako nakakapagpaalam sayo.
Sana hindi ka nagtatampo. Tali ang kamay ko dahil sa covid. Dalaw ka minsan sa panaginip ko. Pero easy-han mo lang ha. Wag horror. Kwentuhan lang. Saka tsismisan ng buhay ng mga gusto at di natin gusto na tao. Saka bisikleta din tayo. Habilinan moko sa mga anak mo. Tapos ako naman, may mga ipapatanong ako sayong mga tanong sa Diyos. Baka lang pwede pabulong sa kanya.
