Dahil naka-alternative set-up ako sa trabaho ng isa pang taon, nagdesisyon ako na ituloy na ang pangarap ko tumira sa bukid. Bakit ko pa hihintayin na matanda nako para sa sariwang hangin, at mas mabagal na buhay?
Matapos ang ilang linggo na house hunting, nakita ko na ang dream batcave ko. Bukid pero malapit sa highway. Tago dahil medyo dalawang minutong lakad mula highway papunta sa bahay. May grocery store 300 meters away.
Bachelor's pad ang bat cave. Enough ang espasyo para sa dalawang tao. May kusina, at sala. Pinakamalaking espasyo ang kwarto. Pero enough sa 0.6 HP na aircon. Perpek!
Dahil iniwan ko na lahat ng gamit ko sa Maynila, bumili ako ng mga bagong gamit. Cabinet, aircon, fridge, pangluto, mga plato, cutleries, curtains at beddings. Masarap magsimula at mamili ng mga bagong gamit kung may pera at may mga choices sa gamit. Halos isang taon ako nakitira sa utol ko kaya medyo nakaipon at may pera panggastos. Sa ngayon, kulang pako ng kitchen rack at isang foldable table para pwede ako magtrabaho sa veranda kapag gusto ko medyo mag iba ang ambiance.
Naninibago din ako kasi mag-isa ulit ako matapos ang isang taon na kasama ang pamilya. Wala pa rin akong kaibigan o kakilala dito sa bukid. Ngayong unang linggo na lumipat ako, kasabay ng MECQ ng aming lugar, every evening day ako umiinom ng beer sa veranda. Solo. Every other morning din ako gumigising ng maaga para maggiling ng Arabica coffee beans at mag french press ng kape, kasabay ng isang mainit na focaccia.
May mga araw na di okay ang mental health status ko. Pero palagay ko, mas okay ako ngayon kesa sa mga nakaraan. Patuloy ako na lalaban para patuloy na i-claim ang buhay ko.
Stressful pa rin ang trabaho ko. Pero ayoko naman mag resign dahil mahirap ang buhay ngayong pandemya. Sa estado ko ngayon, ang trabaho ko ang nag-a-allow sa akin na mabuhay sa pangarap kong tumira sa bukid.
Tapos nako ng vaccination ko. At nakuha ko na rin ang libreng flu shot mula sa aking kumpanya.
Sana nasa mabuti din kayong kalagayan, mga kaibigan sa blogosphere.