Monday, December 30, 2013

Symbolic interaction

Hindi ko alam kung ano ang tawag sa relasyon natin. Kumbinsi ang mga housemates ko na girlfriend kita. Madalas ka sa bahay. At sanay na sila na dumadating ka ng biglaan, umaga man o gabi. Sabi ko hindi yan totoo. Sa totoo lang, kahit ako hindi ko alam  kung ano tayo.

Hindi puti, hindi rin itim. Hindi pwedeng grey. Ang grey ay may depinisyon. Tayo walang saktong kategorya. Hindi rin pwedeng magkaibigan lang. Ang mga kaibigan ko, hindi ko pinapagamit ng laptop ko. Ikaw, alam mo ang password ng laptop. At ginagamit mo para tapusin ang mga papers mo sa masters. Hindi mo na pinagpapaalam. Diretso gamit na.

Nilalagay mo ang lahat ng files mo sa isang folder sa My Document. Minsan, iniisip ko kung nag-iiwan ka ng senyales kung ano ba tayo sa mga files mo. Karamihan word documents. Halimbawa ang alyas.doc tungkol sa isang makasaysayang pagtingin sa mga alyas na ginamit ng mga namuno sa bansa at ang pagbibigay ng konteksto base sa kanilang karanasan noong kabataan, isang mahusay na papel mo sa antropolohiya. Isang direktang titulo ng dokumento. O kaya yung punyetangmangga.doc na isang report tungkol sa pagpatent ng isang kompanya sa uri ng prutas sa Pilipinas para daw hindi nakawin ng ibang dayuhan ang matamis na mangga ng Pilipinas. Pero sa report mo, base sa sulat mo, isa itong taktika ng lokal na kompanya, hindi lang para hindi nakawin ng dayuhan ang taguring sweet mango pero para hindi rin magamit ng mga maliliit na negosyanteng lokal ang katagang sweet mango sa kanilang mga produkto. Direktang pagsuma ng paksa sa titulo. Ibang iba kung ihahambing kung ano tayo.

Kung bibigyan kaya ng titulo ang relasyon natin at ise-save mo bilang document file, ano kaya ang pamagat?

Laging iyan ang iniisip ko nitong mga nakaraang araw. Lalo pa ngayong nakabakasyon ako at walang ginagawa. Pambihirang patis, nag-ooverthink na naman ako.

Nito lang huli, nagulat ako na sa file folder mo, ay may bagong folder na nakita ko lang ngayon. Kelan mo kaya ginawa to? Hindi ko matandaang hiniram mo ang laptop ko. Marahil ginamit mo noong nasa Tacloban ako.

Mga kanta. Isa na naman kaya itong clue sa kung ano tayo? Pinamagatan mong Undo Goodbye ang file folder na mga mp3 files.
Pitong kanta. Pito ang paborito mong numero. Musika ang dahilan kung bakit nagkita tayo at nagkapalagayang loob. Ngayong bakasyon, may bago na naman akong pag-iisipan. Thank you very much.

Thursday, December 26, 2013

Wishlist (23Disyembre 2013)

Nagpaalam ako sayo na mawawala ako ng ilang araw dahil may trabaho ako sa Tacloban. Nag-alala ka kasi alam mong anim na araw akong dirediretso na tatlong oras lang ang tulog. Tinanong mo kung kakayanin ko pa ba. Sabi ko kaya naman.

Gabi bago ako umalis, ibinili mo ako ng apat na bote ng off lotion, yung berde. Mas matapang sabi mo. Sabi ko baka mag over ako sa bagahe. Hindi mo ako pinansin at nilagay sa backpack ko. 

Ilang araw kitang di matext dahil nag batt empty ang phone ko sa Tacloban. Hindi totoo na may kuryente na, na sabi ng balita sa telebisyon. Wala pa ring kuryente. At hindi totoo na nakafreeze ang mga presyo ng bilihin. P80 ang isang 1.5 litro na coke. Maraming hindi totoo sa mga sabi-sabi sa Maynila.

Totoo na mas efficient ang mga NGOs kaysa sa LGU. Pero hindi ko naman tuluyang masasabi na walang ginagawa ang lokal na pamahalaan. Hindi rin totoo na pinabayaan ng National Government ang Tacloban. Bago pa dumating ang bagyo, naandun na si Mar Roxas. Pinulong niya ang lokal na pamahalaan. Matapos ang bagyo, dumating sina Dinky Soliman. Hindi lahat ng ginawa nila ay efficient. Pero sa aking palagay, ginawa nila ang makakaya sa abot ng kanilang pinag-aralan na posibleng gawin sa mga nakaraang linggo. Sila ang mga taong first in, last out.

Thursday, December 12, 2013

Current status

Kapag may ibong nagsisikap maghanap
ng pagkain ng kanyang mga inakay,
pigilin natin
ang tuksong ito ay batuhin.

Sunday, December 1, 2013

Buhay guro

Nagsimula na ang ikalawang semestre. Pinakamalaking hamon ngayon yung pagtuturo ng bagong sabjek. Sa unang pagkakataon ay ituturo ko sa buong semestre ang Ugnayan ng Magulang at Bata. Oo, pinag aaralan ito. At oo, isang larangan lang ang sabjek ko sa napakalawak na organisadong pag-aaral ng pamilya. Oo, may siyensiya ng pamilya. Mga tatlong linggo ko pinaghandaan ang silabus dito. Kasama na ang isang linggo na kinilala ko lang ang mga estudyante para ma-tailor fit ang mga paksa, requirements at readings sa grupo ng mga estudyante ko sa semestreng ito. Inalam ang konteksto nila --karanasan at interes, upang mas maging makabuluhan ang talakayan sa klase. Eto kasi ang kagandahan sa unibersidad na pinagtatrabahuhan ko. May kalayaan kaming mga guro na ayusin ang silabus upang makamit ang layunin ng sabjek.

Susubukan kong magsulat ng ilang mga talakayan namin, pati na rin ng mga reflections ko habang tinuturo ang Ugnayan ng Magulang at Bata. Hindi nangangako. Tingnan na lang natin sa mga susunod na araw.