Sunday, July 28, 2013

June 1, 2013

Para sa kaibigang nakilala sa miting de abanse ng isang talunang kandidato sa pagkasenador, gusto ko lang sabihin na maraming salamat. Salamat sa pangangamusta. At sa paggawa ng paraan para hindi maging parang nagsasarili ang gabi. Salamat sa what if na mensahe. Apir!

Saturday, July 20, 2013

Question #1 (UPDATED)


What are some of the things that people have said about you that you still think about to this day?

Sunday, July 14, 2013

Unang date natin na wala akong pagtatangi

Naglasing ako kahapon. Kasama ka. Kung paanong sinusubukan kong itulak lalo ang kakayahan ng kalamnan ko sa circuit training, ganoon naman na sinubukan kong tingnan ang dulo ng tolerance ko sa alak.

Apat na tequila sprite. Ayan ang dulo ng pagkatao ko at simula ng debolusyon ko para maging isang tipak ng putik na humihinga. Sa ikaapat na inom ko ng tequila mix, isa na lamang akong katawan sa bar na pinagpapawisan at nahihilo.

Alam kong malaki ang kaba mo kung paano ako sasaluhin matapos kong mag-inom. Kauna-unahang pagkakataon mo akong nakita na ganoon. Maswerte ka kasi ayan ang una kong paglalasing na may conscious na pagdedesisyon. Madami ka kasing mga tanong. At alam kong kailangan mo ng sagot. Hindi ko kayang gawin ito na hindi nagiging ilang. Kaya dinaan ko sa alak.

Saturday, July 6, 2013

Paggamit ko ng platapormang ito

Kung sabihin ko na anibersaryo ngayon ng blog ko, palagay ko marami ang babati, magbibigay ng mababait na pananalita tungkol sa pagpapatuloy ng pagsusulat. Ganyang shiz. Pero ang totoo niyan ay hindi iyon tunay. Nilikha ko ang account na'to sa Blogger noong Mayo 2007, naglimbag lamang noong Disyembre 2010 kung saan may sampung tumingin sa buong buwan. Nauna ko kasing ginamit na plataporma ang blog ng Friendster, at nang maglaon ay Multiply. Pareho na silang wala ngayon.

Malaking alwan para sa akin na hindi ko na nakita ang mga sinulat ko noon sa unang dalawang platapormang nagsara. Masyadong pretentious ang tono ko sa mga gawa ko noon. At sa palagay ko, malaking alwan din na hindi ko na makita ang mga unang sinulat ko dito sa espasyong ito. Noong isang araw, habang sinusubukan kong basahin ang mga una kong katha at kwento dito, di ko mapigilan mapangiwi. Gusto ko lang itatwa ang mga sinulat ko.

Juvenile karamihan ng sinulat ko. At palagay ko naman, kahit ngayon ay hilaw pa ang mga huli kong nasusulat. Ang nagbago lang sa noon at ngayon ay hindi na ako ganoon kagahaman sa pagtanggap ng puri. Mas klaro lang ako sa sarili ko na nagsusulat ako dahil gusto ko. At hindi upang gustuhin ng iba.

Wednesday, July 3, 2013

Ikaw na aking mundo.

May pitong bagay akong hiling.

Una ay makita kang muli Maria. Ikaw, ang tuwid at itim mong buhok,
ang biloy mo sa pisngi, maliit mong mga kamay. Ikaw at tanging ikaw.

Pangalawa, gusto kong ulitin kung kailan tayo unang nagkita,
ang makulimlim na tanghalian at ang sabay nating pagbili ng turon
kay Manang Monet.

Ikatlo ay sariwain ang unang pagkakataon na hinayaan mong hawakan ko
ang iyong kamay, sa harap ng mga kaibigan mo na naging mga kaibigan ko na rin.

Pang-apat ay balikan ang gabing sabay tayong nangarap
na magkapamilya balang araw. Ikaw na nanay ng pito kong anak,
ako na tagalaba at tagaluto mo kapag Sabado at Linggo.

Panglima, maalala ng mas detalyado ang araw na nagpakilala tayo sa magulang
mo at magulang ko. Na tayo ay nag-iibigan. At binigyan nila tayo ng basbas
sa ating relasyon.

Pang-anim, ay yoong sinamahan mo lang akong uminom noong nalaman ko
na namatay ang pinakapaborito kong lolo.
Natapos ako ng alas dos ng umaga na umiiyak, nahihilo at wala ng pera.

At huli sa lahat, nais kong hilingin na di na natuloy ang Lunes nitong linggo
noong sinabi mo na hindi ka na sigurado kung mahal mo pa ako.
Na napapagod ka na sa maayos nating pagsasama.
At may hinahanap ka na di mo makita sa akin.

Pitong kahilingan Maria. Lahat umiikot sayo.