Sunday, September 30, 2012

Resigned.

Kahapon, nagsabi na ako sa aking pangalawang trabaho na hindi ko na kakayanin na magbigay serbisyo sa kanila. Kung tutuusin, ang pangalawang work (W2) na ito ang lifeline ko habang hindi pa ako sinuswelduhan sa una kong trabaho sa gobyerno.

Bagamat malaki ang utang na loob ko sa mga boss ng W2, hindi ko na kakayanin ang
  • pagiging on call pag kelangan nila. On call na nga sa unang trabaho, ganun pa rin sa W2. Mabigat ang una kong trabaho. Kung hindi nakikita ng W2 na kelangan ko magpahinga, hindi na ako naghahanap buhay. Suicide na ang tawag dun.
  • hindi tamang pagbibilang ng oras sa swelduhan. Kapag isang oras ang usapan, dapat isang oras lang. Kapag pinagtrabaho ka ng tatlong oras, dapat pang tatlong oras ang sweldo. Maling mali ang apat na oras na trabaho at bibigyan ng sweldong pang isang oras.
  • hindi ako ang bukod tanging sasalba sa mga maling desisyon sa buhay ng mga boss. Katuwang at katulong ako mag-ayos bilang trouble shooter pero hindi ako ang may-ari ng buhay nila. Sila dapat ang gumagawa ng paraan.
  • hindi ako pwedeng utusan na magsinungaling. Okay na sana ang magtrabaho ng mahirap para makatulong maayos ang mga sitwasyon. Pero hindi ang magsinungaling.

Thursday, September 27, 2012

Hapunan

Habang wala pang sweldo, tiis-tiis muna sa mumurahing instant noodles para sa hapunan. Mabuti na nga ito kesa sa ibang gabi na tutulog na lang.

Mahirap pero nagdedesisyon ako na maging thankful sa lahat ng karanasan sa buhay. Kaya pa naman. At kinakaya pa.

Monday, September 24, 2012

Pakiusap. Huwag pipigilan ang mga bata kapag naglalaro.


Children make sense of the world through play. If you want to understand how a child perceives truth, how he sees his reality, do a natural observation when he's using unstructured materials like water, sand, blocks and clay.

Sunday, September 23, 2012

Ang bag na kotse, bow.

Yes it's a car. And yes, it's a bag. Ang cool di ba?
Inggit talaga ako sa tsikiting ko pagpasok niya last week sa preschool. Sabi niya, "My mommy bought me a car, a new one."

At syempre ang tsikiting na ito ay hindi ko pa nakikitang magsinungaling. Kaya ako naman, tanong talaga, "Really? Can I see it?" Wala pa akong ideya sa kotse na bago. Inisip ko kasi may bago siyang toy car na dala.

Tapos naisip ko, dalhin bukas yung laruan kong pison na regalo sa akin ng isang kaibigan. Makikipagpasikatan ako. Haha. Pumapatol ako sa bata pag payabangan.

Ang magcheck ng paper ay hindi biro


Green na ballpen ang pangcheck ko ng sulatin. Nakakatrauma kasi ang pula.
Dalawang linggo ko na inuunti-unti na basahin at bigyang grado ang papel na ginawa ng klase ko patungkol sa isang pelikula. Paunti-unti. Kasi ayoko magcheck kapag pagod ako. Alam ko ang panganib na mababa ang marka na maibibigay ko kapag pagod na ang utak ko intindihan ang utak ng mga bagets habang tinitipa ang mga papel nila.

Syempre, dahil patungkol sa family science ang kursong tinuturo ko, mas pagtutuunan ko ng pansin ang pagtalakay nila sa mga teorya patungkol sa relasyon at pamilya, kesa sa opinyon nila sa acting at sinematograpiya at costume.

May mga bagets na mas magulo pa sa buhok sa kilikili ang mga ideya at opinyon. Meron din naman na ang mga ginagamit na salita, ang lalim, parang hinugot pa sa esophagus ni Thesaurus. Meron din kung maka-quote ng authors, kaliwa't kanan, harap at likod, itaas, at ilalim.

Thursday, September 20, 2012

Matatapos na ang semestre

Yung mga bagets, hindi pa nararamdaman ang pagtatapos ng semestre. Kaya bago ako nagsimula ng klase kanina, binanggit ko na ang mga mangyayari sa susunod na dalawang linggo. Yung presentasyon at pagsusumite ng family case study nila, yung papel tungkol sa RH bills at ang relasyon ng mga ito sa pamilya, yung pangalawang mahabang pagsusulit nila.

Petiks pa kasi ang mga estudyante ko. Ayoko magcheck ng mga papel na minadali. Ayoko magbigay ng mababang marka dahil hindi nila naabot ang expectation sa kanila dahil minadali ang mga requirements. Kaya wagas na lang ako magpaalala.

Sa totoo lang, extra effort talaga ang ginawa ko sa semestreng ito sa paghahanda sa lektyur. Hindi sa lahat ng oras e outstanding ang preparasyon ko, pero madalas ginawa kong klaro hindi lang ang mga konsepto, pero pati na rin ang hinihingi kong mga output sa kanila.  Lagi ko rin tinatanong kung may mga tanong sila.

Wednesday, September 19, 2012

Game of the generals

Noong naka-fieldwork ako sa isa sa mga detention center sa isang lungsod dito sa Kamaynilaan, napansin ko kung paanong may mga oras na karaniwang walang ginagawa ang mga bata.

Syempre, ako hanap naman ng resources na meron na ang facility. At nakita ko na may Game of the Generals sila. Hindi yung mumurahing plastic na edisyon. Pero yung gawa sa aluminom at kahoy. At hindi siya nagagamit talaga. Nakatengga din lang sa bodega.

Strategy game yun syempre. Gagamit ng isip para sa war game. Naexcite ako.

Monday, September 17, 2012

Anong kinalaman ng gumamela sa Family Code

Hindi dapat boring pag-usapan ang Family Code. Ayan ang paulit-ulit ko na mantra habang ginagawa ang powerpoint slides para sa lecture ko sa kolehiyo. Pero naman. Ayoko talaga ang mga ganyang shiz.

Buti na lamang hindi natuloy ang pagpasok ko sa law school. Palagay ko bumubula na ang bibig ko sa kaburyungan.

Struggle talaga basahin. Kaya habang binabasa ko ang print ng Family Code, nagdodrowing ako ng gumamela sa mga tabihan ng mga puntos na gusto ko i-highlight sa klase.

Nakailang gumamela din ako.

Sunday, September 16, 2012

Alive, alert and healthy si Tax

May pangalawang buhay si Tax, yung aso namin na naging vegetarian matapos manghina. Akala namin mamamatay na talaga. Pinainom ng a-am na may asukal, wa epek. Pinaghanda ng favorite niyang adobo at porkchop, wa epek pa rin. Sadyang konting saging lang ang kinakain.

Anyway, ang aking animal lover na bunsong kapatid ay nagtext ngayon. Ang sabi niya, nagtext daw sa kanya si ermats para ibalita na malakas na ulit si Tax.

Helping others help themselves

Naglalako ng paninda para ipamigay at hindi para pagbili
Papunta ako ng Bataan ngayon para magbigay ng session sa mga dalaga at binatang nakaranas ng paghihirap. Ang ilan sa kanila ay inabanduna, may ilan na pinabayaan. At ilan ay inabuso.

Ang layunin ng pagtulong ko sa kanila ay hindi para lang iproseso ang kanikanilang mga karanasan. Pero sa dulo ng pagtulong, ang nais ko ay sila mismo ang tumulong sa sarili nila at sa iba.

Pag-uusapan namin ang komunikasyon, partikular na ang pakikinig.


Dahil maulan, at medyo hindi pa talaga ako nakakabawi ng tulog, tinatamad ako. Commitment na lang talaga kung bakit pupunta ako ng Bataan. Wala naman kasi itong bayad.

Saturday, September 15, 2012

Ganito ako mag-adik.

Hulaan niyo kung nasan ako. Haha.

Nagpapanood ako ng pelikula tungkol sa pamilya

Hehe.May nagte-takenote habang nanood ng pelikula
Ayan ang larawan ng movie watching namin ngayong semestre. Nanood kami ng pelikula ni Juday at Ryan Agoncillo. Haha. Ang saya.

Nagsurbey muna ako sa klase kung ilan ang nanonood ng pelikulang Pilipino. At ilan ang nanonood ng Juday na pelikula. Dahil kokonti lang. Sakto.

Nanood kami ng Kasal, Kasali, Kasalo. Ayan ang introduksyon para sa usapan namin patungkol sa buhay may-asawa. Pati na mga paghahanda, bago ang kasal. At yung mga adjustments matapos ang kasal. Syempre sa konteksto natin.

Friday, September 14, 2012

The sin of book hoarding caused by MIBF

Here are the books I purchased in MIBF. I got three Haruki Murakami books, one Jodi Picoult, one Patrick Suskind and one Brennan Manning. All novels are in 20% discount from fullybooked and national bookstore. I got Abba's child for only P99.

My favorite is Perfume: the story of a murderer by Patrick Suskind. It's the most expensive one among the good purchases. When I saw the last copy in the shelf, I immediately grabbed the book and paid for it. I've been looking for that novel since college.

I have seen its film adaptation co-written and directed by Tom Tykwer. It's beautiful. And carnal. And the last part, no matter how gruesome the resolution is, has been done tastefully. I do pray,hope that I will love the novel more.

Thursday, September 13, 2012

Nasan ka na kaya?

Maaga ako umuwi mula sa trabaho ngayon sa unibersidad.

Pagdating ko sa bahay, binuksan ang fridge, kumuha ng maraming yelo. Nilagay sa baso. Nagkulong sa kwarto. Kinuha ang isang litro ng gatas. Habang maglalango ako ngayon sa inumin mula sa dede ng cow, akmang magbabasa sana ng libro na ididiscuss ko sa mga bagets sa kolehiyo sa susunod na linggo ng biglang naalala ko mula sa post ni ser Olivr ang kanta ng Silent Sanctuary na Hiling. Napa-youtube ako at eto.

Pambihirang patis! Napa-emo ako. Nagflashback ang lahat, duhat. At naisip ko..

Pwede bang minsan magkaroon lang ng pansamantalang rewind sa ilang alaala? Hindi sa hihilingin ko na maging kami ulit pero pwede bang pansamantala maulit ang dati?

Wednesday, September 12, 2012

Manila International Book Fair and self-flagellation

Excited ako pumunta Manila International Book Fair mamaya. (Hindi mo alam, click mo to). Syempre, wala pa akong sweldo simula June dito sa trabaho ko sa gobyerno. Kaya kagabi, raket talaga ako ng husto sa tutorial ko.

Halos isang buwan na ako na di binabayaran sa raket kong ito kaya naman pinaalala ko yung responsibilidad ng nanay ng tinuturuan ko na hindi kawanggawa ang tutorial. Ayon. Installment daw muna ang payment sa utang niya. Para lang akong Avon dealer, installment ang bayad sa produkto ko. Hay. Pero okay na, nakadalawang libo ako. May initial money na ako pambili ng libro sa MIBF. Haha.

Una kong pagkakataon mamaya sa MIBF. First day ng fair nila this year. At gusto ko, nandun ako.

Syempre hindi ko alam kung saan aabot yung maliit kong pera. Por shur, hindi ako makakabili ng mga acad books na gusto ko kasi minumum P2500 yung mga yun. Sayang nga, dahil wala pa akong sweldo. Para din naman sa mga estudyante ko yun. (Gobyerno, matino ako magtrabaho. Bayaran na ninyo ako.)

Monday, September 10, 2012

May klase ako sa Pagkamamayan, bukod dun sa Relasyon na subjek

Ano ang gender construct mo?
Kanina, sa kolehiyo, nagklase ako sa Pagkamamamayan. Haha. Oo, nakakatawa ang mga hinahawakan ko na klase sa undergrad. Pinag-usapan namin ang mga isyu sa lipunan. Napansin ko sa dalawang linggo na interesado ang mga bagets sa usapin ng gender equality. Karamihan kasi babae, akala nila oppress na oppress sila. Ganun.

Yung klase kanina ay ekstensyon lamang ng interes nila. Naisip ko kasi, dahil ayun din naman ang sabik silang pag-usapan at masigla ang dialogo na nagaganap, e di sakyan ko na rin.

Kaya kanina, pinagdrowing ko sila ng isang lalaki at isang babae na puno ng detalye --mula parte ng katawan, pananamit, abubot, gadget kung meron man, pati na rin yung background (halimbawa school, pabrika o kaya naman mall).

Tapos sabi ko, lagyan nila ng mga salitang naglalarawan sa dalawang ito para mas mabigyan ng indibidwalidad. Halimbawa, yung sa babae pwede nilang ilagay na matalino o kaya magaling sa ganitong gawain. Kung baga sa lathalain, may character sketch.

Saturday, September 8, 2012

Sick cycle carousel*

Feel na feel ni Tax nung kinuhanan ko siya ng picture.
Gusto ko sana umuwi ng Batangas para bisitahin si Tax. Sabi kasi ni ermats, may sakit na daw siya. At hindi na kumakain masyado. Hindi na rin mahilig tumakbo. Alam ko, sa ganong sitwasyon, malapit na siya mawala.

Saksi siya sa maraming kalokohan ko noong high school. Pati na rin ang simula ng pagdalang ng pag-uwi ko sa bahay nung kolehiyo simula ng mag-aral ako sa unibersidad sa lungsod na mausok at mahirap maging vegetarian.

Friday, September 7, 2012

Tama ng alkohol sa isang college instructor

Hindi ko pa kaya ang TGIF gimmick dahil wala pa akong sweldo bilang fakulti ng unibersidad. Kaya nagdesisyon akong bumili na lamang ng dalawang bote ng tanduay ice, umuwi diretso at magbasa.

May tatlong non-fiction na mga bagong libro akong nakita sa library kanina. At nito lamang, habang binuksan ang unang bote ng alkohol ay sinimulang basahin ang isa sa tatlong aklat. Background music ko ang album ni Dave Matthew na Crash. Ang seksi lang ng album.

Napapaisip ako na pinaggagawa ko sa buhay ngayon. At sa dahilan kung bakit ako nagtuturo. O kung ano nga ba talaga ang papel ko bilang instraktor sa kolehiyo.

Thursday, September 6, 2012

Rice serving ng betnam

I love my Vietnam carinderia food experience.

Oo, sa tabi-tabi lang talaga ako kumakain. Bakit ba, e mura siya. Usually, pinupuntahan ko yung mga kainan malapit sa mga eskwelahan. Mura kasi dun for sure. Saka alam kong everyday food ng mga locals.Immersion talaga sa food culture.

Panalo ang serving nila ng rice, o extra rice. O extra, extra rice. Laging may tomato and lettuce. Magandang tingnan, makulay ang pagkain. Plus point din kasi magulay ako na nilalang. At palagay ko ay kalabaw ako sa dati kong buhay.

Wednesday, September 5, 2012

Ang pagtuturo ng bata ay hindi lamang patungkol sa pagbabasa at pagsusulat

Ganito ang trabaho ko. Hindi lamang turuan ang mga bata na magbasa at sumulat at bumilang. Nagbibigay din ako ng pagkakataon sa mga bata para matutunan nila ang pagsasarili (independence), pagsusumikap, at paniniwala na maraming bagay ang kaya nilang gawin.

Kung hindi pa kaya ng mga bata ang komplikadong pagbubuhol ng sintas ng sapatos, bibigyan natin sila ng simpleng direksyon para ang unang hakbang ng pagtatali ng sintas ay magampanan nila ng sarili lamang nila. At kapag may  husay na ang payak na paraan ng pagsisintas, saka na natin ituturo ang mahirap na paraan.

Ang importante, sinusubukan ng mga bata. At nakikita nila na kaya nila. At madami pa silang pwedeng kayanin.

Usapang class requirement

Maganda ang title ng libro kaya lang masyadong western ang konteksto.
Sa kursong tinuturo ko sa kolehiyo, nangangarap ako na may isa o dalawang estudyante na susunod sa yapak ko sa pagbibigay ng social service sa mga pamilyang Pilipino.

Dahil dito, ang isa sa mga una kong ginawa bago magsimula ang pasukan ay isama sa syllabus ng klase ko ang paggawa ng family case study.

Na hindi madali gawin. At hindi tinuro kahit sa disiplina ko.

Pero nung nagmasteral na ako, nakita ko sa organisadong pagkilos ang importansiya ng case study para magawa ng malalim na pag-analisa sa sitwasyon ng pamilya (base sa kanilang perspektibo) at nang ganun ay makagawa ng karampatan na pagtugon sa kung ano mang sitwasyon nila.

Kahapon simula ala una hanggang alas kwatro ng umaga, gumawa ako ng maayos na pamantayan para sa paggawa ng simpleng family case study. Hindi gaano ka-clinical ang dating dahil hindi pa handa ang klase sa ganoong output. Pero kakikitaan ng paggamit ng mga teorya na natalakay sa klase.

Pinasimple ang pamantayan kaya medyo natagalan ako at nahirapan ng konti. Pero excited ako kung paano nila gagawin.

Tuesday, September 4, 2012

Einstein and Steye and the Ottowanians

Lemme give you the song I've been listening to since 1AM.


Just passing on the good music. And the good vibes. *wink, wink*

Monday, September 3, 2012

Huwag isasama si Kafka sa relasyon para di ma-jinx

Medyo may katagalan na rin simula ng buksan ko ang librong ito. Mga anim na taon at pitong buwan. At dalawang araw.*

Hindi ko siya natapos sa una kong basa. Nawili kasi akong umibig at magalak sa ilusyon na magtatagal ang tamis ng buhay kasama ni Kwan. Pinabayaan ang pagbasa.

E lumubog ang paraiso sa baha at tinangay si Kwan. Ang natira ay ang librong ito ni Kafka. Kung tutuusin ay dapat nakita ko na ang senyales na hindi panghabang buhay ang relasyon namin.

Isa sa mga una niyang pinabatid sa akin ay mahalaga magbasa ng libro ni Kafka. At sinamahan niya pa ako sa bilihan ng libro para masigurado na kasama ang Metamorphosis sa koleksyon ko sa aklatan ng mga paperbacks at kayamanang sentimental.

Ako naman na hunghang sa pag-ibig kay Kwan, sunod naman ako.Dali daling isinama sa lingguhang budget ang pagbili ng libro at minarkahan na prayoridad ito.

Binasa ko ang mga unang dalawang talata. Natuwa si Kwan kapag nakikita niya na hawak ko ang libro. Ako naman na baliw-baliwan, masaya akong makita siyang masaya.

Ang naalala ko lang, naisip ko na si Gregor Samsa ng Metamorphosis ay biglaang naging nilalang na mukhang ipis. Ayun lang. Tapos hindi ko na natapos ang pagbasa kasi lagi na kaming magkasama ni Kwan. Nawalan na ako ng oras magbasa at magmahal ng katha dahil ang tangi ko na lamang mahal ay mga salita ni Kwan.

Ayon, tapos
A. biglang nagkacancer si Kwan at namatay after five days. Kaya depress mode ako. At sawi sa pag-ibig.
B. umamin si Kwan na tomboy daw siya at mas gusto niya ang kapwa babae. At nasawi ako sa pag-ibig.
C. sinabi ko na si Eddie Gil ang binoto ko na presidente noon. Nandiri siya. At nasawi ako sa pag-ibig.
D. sinabi ko kay Kwan na baog ako. Di niya matanggap. At nasawi ako sa pag-ibig.
E. gumawa ng sariling dahilan. Basta nasawi ako sa pag-ibig.

Sunday, September 2, 2012

Survey results ng non-negotiable traits

White board yan,mukha lang manila paper dahil sa filter shiz. Sulat ng mga bagets.
Katuwaan lang sa klase namin. Pinahomework ko sa kanila buong weekend na pag-isipan ang non-negotiable traits na hinahanap nila sa kanilang magiging kapartner. Pinag-surbey ko rin sila ng isang lalaki at isang babae na university student.

Sabi ng mga bagets, mahirap ibaba sa lima ang non-negotiable traits. Sabi ko kaya nga over the weekend. Kasi kahit ako, nag-isip din ng sagot sa tanong ko.

At ito ang resulta.

Hindi lahat ng lakad na may chicks ay enjoyable

Mga upuan --langit yan sa mahaba-habang paglalakad.
I'm giving my online appreciation to all boutiques that have benches and chairs for those who are accompanying the ladies during their shopping/ pamper-me times.

Pambihirang patis naman kasi ang apat at kalahating oras na paghahanap para sa pulang bestida na gagamitin para sa office party.

Kapag may nakikita na silang pwede na, sasabihin ng isa, masyadong mapula, o kaya masyadong plain, o kaya mukhang cheap.

At kapag tatanungin sila kung may hinahanap ba sila na specific cut o print design, kulay o kaya naman ay brand, sasabihin nila wala. Makikita din nila ang hinahanap nila pag nakita nila.

Saturday, September 1, 2012

What's in your bag?

Pasintabi. Nakasinghot ako ng katol ngayon.. At dahil diyan, I feel like a celebrity. Lol.

Peeeeeling artista ako ngayon kaya naisip ko i-share ang laman ng bag ko tuwing weekends. Haha. Walang basagan ng trip.

A. Connect him by FCUK.

B. Mumurahing antipara para sa malabong mata.

C. Pencil case na hindi lang lapis ang laman. Madaming mystery items diyan. Minsan nagiging pogi pack yan. Minsan lunch box. Hihi.

D. Pulang ballpen na karaniwan kong gamit sa pagsulat. May nakalabas talaga na pulang bolpen para kapag may aha moment, ready na isulat kagad.