Showing posts with label goodbye. Show all posts
Showing posts with label goodbye. Show all posts

Monday, November 9, 2020

Toots

Hindi pa rin kita nadalaw, parekoi. Pinagbawal ng gobyerno bumisita ng sementeryo. Pero noong November 1, sayo ko inalay ang mahabahabang padyak ko noon. Inisip ko yung mga overnight natin noong high school, mga early morning jog at ligo sa aplaya. Nabalitaan ko na nagbibiskileta ka na rin kaya palagay ko appropriate na bigay pugay ko sayo ang pagbisikleta ko noong November 1.

Bigla din ang pagkawala mo. Parang lindol na yumanig sa amin ang balita. Guho lahat ng plano nating reunion sa Disyembre pre. Hindi mo kasi pinasabi kahit kanino na may sakit ka. Asawa mo lang kasama mo sa ilang beses mong sugod sa opsital. Nalaman na lang namin na nag-comatose ka na. Parekoi, mabilis kami rumesponde. At nagbigay ng kaya naming tulong at suporta sa asawa at mga anak mo. Kaya lang hanggang doon lang ang kaya namin dahil bawal pa magbyahe. 

Sa pagbagsak ng masamang balita, nalaman ko na dalawang araw lang ang binigay na pahintulot para sa  lamay. Di pa rin ako makapunta dahil sa lockdown. Damnit! Kahit ang pagluluksa ko, ninakaw ng pandemya. Hindi pa ako nakakapagpaalam sayo. 

Sana hindi ka nagtatampo. Tali ang kamay ko dahil sa covid. Dalaw ka minsan sa panaginip ko. Pero easy-han mo lang ha. Wag horror. Kwentuhan lang. Saka tsismisan ng buhay ng mga gusto at di natin gusto na tao. Saka bisikleta din tayo. Habilinan moko sa mga anak mo. Tapos ako naman, may mga ipapatanong ako sayong mga tanong sa Diyos. Baka lang pwede pabulong sa kanya. 

Monday, October 22, 2018

Dorm 10 (Sarah's)

Matapos ang limang bote ng pale pilsen at isang tuna sisig sa Sarah's, dumating ka. Tinanong mo kung kanina pa ako. Sabi ko, hindi naman.

Ngayon ko lang napansin na sunog na sunog na 'yung balat mo. Hindi na makita ang senyales ng mestiso mong genes na pamana ng tatay ng lolo mong may malawak na lupain sa Pangasinan. 



Nalaman kong namundok ka. Napansin ko na pinatanda ka na nang karanasan at ng bagong buhay mo. Biniro pa kita na sayang ang Likas Papaya soap na gamit mo noon. Tumawa ka lang at sinagawan ako ng Gago!

Umorder ako ng redhorse, tig-isa tayo. Naubos mo kagad sa loob ng dalawang minuto. Kinuhanan ulit kita. Alam kong namiss mo. Hindi kita inistorbo sa pakikipagtalik mo sa ikalawang serbesa. Kita ang pananabik at uhaw mo.

Wednesday, February 8, 2017

Para kay J



Nawawala ako tuwing nakikita ko
ang kagandahan mo.
Ang balat mo na tumitingkad
sa sikat ng araw.
Ang maalon mong buhok
na sumasayaw sa sa dampi ng hangin
at marahan mong binibigkis.
Ang malimit mong pagpikit ng mata
tuwing hihigop ka ng mainit na kape

matapos nating magtanghalian sa Katag.

Monday, September 5, 2016

Seks at serbesa

Sa tig-isang bote ng serbesa, nag-usap tayo tungkol sa kanya-kanya nating nakaraan. Ikaw na hanggang ngayon ay hindi pinapayagan kitain ang unang taong inalayan mo ng puri, at ako na hindi na pinapansin ng huli kong naikama.

Sabi ko, may hang-ups tayo sa seks. Natigil tayo sa mundo ng huling intimacy samantalang ang mga nakasama natin sa kama ay naka-move on na sa buhay.

Hindi ko kaya 'yung ginagawa niya, sabi ko habang nasa ispirito na ng ikatlong bote. Hindi ko kaya na isaisang tabi yung valid na pakiramdam ng nagmahal.

Sira ka. Hindi mo nga sigurado kung pag-ibig yun. Nakasama mo lang sa kama, sabi mo.

E bakit ikaw, naghihintay pa rin ng pagkakataon na hindi na kayo pagbawalan na magkita at mag-usap? hamon ko habang tiningnan ka ng diretso sa mata.

E ayun, mahal ko yun. Kaya nga sa kanya ko lang binigay e.

Seks pa rin yun.

Tahimik na natin inubos ang ikalawang bote mo, habang ako nasa ikaapat ko na ng red horse.

Malaking tama sa akin ang usapang iyon. Hindi natin naresolba ang malinaw na linya na naghahati sa pag-ibig na walang seks o seks na may pag-ibig.

Saturday, April 11, 2015

Pagpapatuloy.

Lumayo ka,
nagpatuloy,
at di lumingon.

Wednesday, October 8, 2014

Pagdalaw sa kaibigan

1.
Tumawag ako sa kapatid mo. At bigla akong napauwi sa bayan kung saan tayo lumaki.

Pagbaba ko sa bayan, sumakay ako ng tricycle diretso sa sementeryo.

Nandoon ang kapatid mo, nakatayo kung saan ka nakahimlay.

Ngumiti siya. Ngumiti din ako.

Thursday, October 2, 2014

PS

Ngayon ko lang nalaman na walong buwan ka na palang wala sa mundong ito. Dahil hindi ako nakakauwi sa atin. At noong mga panahong iyon ay pinutol ko lahat ng contact sa lahat ng tao. Ngayon lang dumating sa akin ang balita.

Pasensiya na bro, at hindi man lang ako nakapagpaalam sayo. Alam kong kung nababasa mo ito, sasabihan mo ako ng gago. Gusto ko lang sabihin na gago ka rin. Kaya pala wala kang text o tawag. Mamimiss kita, tsong.

Paalam, Pareng Mico.

Friday, April 4, 2014

Saktong tatlong taon matapos magkahiwalay

Gene,

Bago matapos ang taon, gusto ko lang balikan ang nabigo nating habang buhay na pag-ibig. Kasama na ang kahibangang aalis dapat tayo ng bansa na magkasama at magsisimula ng bagong buhay na walang kakilala.

Gusto ko lang balikan ang mga pangako ko na wala nang saysay ngayon. Pati na rin ang mga panunuyo ko sayong lumipas at hindi napahalagahan. Pati na rin ang mga matatamis kong salita sayo at pangako na walang hinihiling na kapalit na pag-ibig. Natutunan kong mahirap magmahal ng walang kapalit.

Salamat sa pagpaparanas sa akin ng buhay na ganap. Sa pagpapakilala sa akin kung sino ako. Sa pagpapahaba ng pasensiya at pagpapalawak ng pag-intindi. Salamat sa alaala. At sa tunay na buhay na karanasan. Kaya ko palang umibig. At kaya ko rin palang mabuhay pagkatapos mabigo.

Magmamahal ulit ako. Salamat sa mga paalala.

Darbs

Sunday, September 29, 2013

Hangover

Siguro, kung alam ko lang paano mag-alaga ng nagmamahal sa akin, may kasama ako ngayon habang nilalamay ang mga research proposal na ipapakita sa makalawa.

Siguro, pinagtitimpla mo ako ngayon ng kapeng barako. At hinainan ng biskoti. Ngingiti siguro ako ng matamis na matamis. Tapos sabay pipisilin mo ako sa pisngi at sasabihin na kaya ko to.

Siguro kahit alas dos na ng madaling araw, kasama pa rin kita. Marahil nakatulog ka na habang nakaupo sa may sofa. Siguro, pipilitin mong samahan ako para tapusin tong mga trabaho ko kahit sumusuko na ako. Siguro sasabihin mo sa akin na maghihintay ka sa bahay ko hanggang matapos ko ang mga papeles na tinitipa ko. At siguro gagawin ko ang lahat para matapos to at para hindi ka mahirapan na natutulog sa may sofa ng bahay ko.

Sunday, August 25, 2013

This.

Dalawang araw na akong hindi nasisinagan ng araw. Bukod sa pangit na panahon, hindi ko gusto makakita ng tao.

Ganito ako kahapon. Nagkulong lang ako sa maliit kong espasyo, may bahagyang usap sa mga roommate. Natulog. Nagblog hop. Kumain. At natulog ulit.

Lumabas ng bahay ng alas siete ng gabi. Nagpagupit ng buhok. Nagbayad sa kahera. Papalabas na ako ng paggupitan ng biglang bumuhos ng malakas ang ulan. Naghintay sandali pero hindi humina ang ulan. Nagdesisyon na suungin ang pangit na panahon. Naaksidente. Nagkaron ng malaking hiwa sa may kaliwang binti. Nakauwi ng bahay na basa at duguan. Nilinis ang sugat. Nagkulong ulit sa kwarto.

Madami akong gagawin sa trabaho. Pero hindi ko ginawa. Gusto ko makipagkwentuhan sa ilang kaibigan. Pero ang nagpaparamdam sa akin yung mga ayaw ko makausap o makita. Gusto kong magtapon ng mga gamit. Gusto kong maglasing. Gusto kong sumigaw.

Sunday, June 23, 2013

I-U*

Minahal mo ako.
May mahal ka ng iba.
Mahal pa rin kita.


Thursday, March 28, 2013

Ex-teacher post

Iba yung bigat ng pagtuturo ng mga chikiting kumpara sa trabaho ko noon na mag-therapy ng mga kabataan sa kulungan. Big shift ng career pero nasa field pa rin naman ng child development. Tapos na ang isang school year. At lahat ng mga chikiting ko ay lilipat na ng big school. Graduating class kasi ang binigay sa akin na trabahuhin sa preschool ngayong taon nato.

At syempre, masayang masaya ako sa mga pinagdaanan namin kahit sobrang katakot-takot na bigat ng trabaho.
Mamimiss ko yang mga kwento nila tungkol sa pamilya nila, mapamasaya man o malungkot, saktong totoo, o kaya naman exagerrated. Border line nga ng pagbabalita at pagtsitsimis nila sa mga karanasang pampamilya.

 Mamimiss ko din na makita silang nagshe-share ng toys at books sa iba na nung una ay pahirapan kami kung paano ituturo ang konsepto ng pagbabahagi at pagbibigay sa panahon na napaka-egocentric nila.

Sunday, March 10, 2013

Pagpapahalaga sa condominium ng mga lamang dagat

Nitong mga nakaraang araw, masyadong naging mabilis ang pangyayari sa (laboratory) preschool kung saan ako nagtuturo. Naging maganda kasi ang talakayan sa klase. May isa akong limang taong gulang na bata na nagbigay ng balita patungkol sa "ship na lumubog". Kinabukasan, nilinaw ng isa niyang kaklase na hindi iyon lumubog pero "hindi makaalis kasi na-stakkk". Tapos, pinangalanan na ng isa yung lugar, "Tubbataha reef yun". Sa ganitong usapan at balitaan sa preschool, napag-usapan na kung bakit naging balita siya na kelangan ibalita sa telebisyon.


Tuesday, February 19, 2013

Kaibigan,

Hanapin mo ang nagpapatibok ng puso mo at ialay ang buhay para dito.
Hayaan mong higupin hanggang maiga nito ang kabuuan mo.
Pasanin mo ito, hanggang tuluyan kang lumubog sa kawalan.
Hayaan mong patayin ka nito at kainin ang iyong katawaan at kaloob-looban.
Sapagkat maraming bagay ang pwedeng pumatay sa iyo, yung iba mabilisan, ang iba ay marahan.
Subalit mas masarap na mamatay sa bagay na mahal mo.

Sunday, September 30, 2012

Resigned.

Kahapon, nagsabi na ako sa aking pangalawang trabaho na hindi ko na kakayanin na magbigay serbisyo sa kanila. Kung tutuusin, ang pangalawang work (W2) na ito ang lifeline ko habang hindi pa ako sinuswelduhan sa una kong trabaho sa gobyerno.

Bagamat malaki ang utang na loob ko sa mga boss ng W2, hindi ko na kakayanin ang
  • pagiging on call pag kelangan nila. On call na nga sa unang trabaho, ganun pa rin sa W2. Mabigat ang una kong trabaho. Kung hindi nakikita ng W2 na kelangan ko magpahinga, hindi na ako naghahanap buhay. Suicide na ang tawag dun.
  • hindi tamang pagbibilang ng oras sa swelduhan. Kapag isang oras ang usapan, dapat isang oras lang. Kapag pinagtrabaho ka ng tatlong oras, dapat pang tatlong oras ang sweldo. Maling mali ang apat na oras na trabaho at bibigyan ng sweldong pang isang oras.
  • hindi ako ang bukod tanging sasalba sa mga maling desisyon sa buhay ng mga boss. Katuwang at katulong ako mag-ayos bilang trouble shooter pero hindi ako ang may-ari ng buhay nila. Sila dapat ang gumagawa ng paraan.
  • hindi ako pwedeng utusan na magsinungaling. Okay na sana ang magtrabaho ng mahirap para makatulong maayos ang mga sitwasyon. Pero hindi ang magsinungaling.

Tuesday, August 7, 2012

Ito ay para sabihin na muli akong nagpapaalam sa iyo.


Muli akong nagpapaalam sa mga alaala nating dalawa.
Muli akong kumakaway at lumalayo sa ideya ng ikaw at ako.

Sapagkat sa mga oras na ito ay naiisip kita.
Bagamat magkalayo na tayo.

Sapagkat ang mga pangako mo at mga salitang binitiwan ko
ay patuloy na sumasayaw sa aking pandinig.

Na kahit magkahiwalay na tayo
Ay malapit ka pa rin sa puso ko.

At ito ay mahapdi sa puso
At nakakawalang dangal ng kaluluwa. 

Ito ay pamamaalam. Ulit.

Wednesday, March 14, 2012

The end is near

“Woman with Dead Child” (1903) by Kathe Kollwitz depicts one of the saddest events in the human experience—a mother saying goodbye to her deceased child. The etching is one of the many examples of Kollwitz’s pieces that address unfortunate situations such as poverty and early loss. Interestingly enough, Kollwitz used her own living son as the model for the young boy. Coincidently, Kollwitz would experience the actual loss of her son fifteen years later in World War I (NYU Literature, Arts, and Medicine Database

-----------
Here's something personal. I don't look at people's eyes when they wave goodbye.