Monday, November 3, 2014

Gusto ko sana ikwento sayo ang tungkol sa buhay at kamatayan ni Ogie


Siya yung nagtitinda ng balot sa may labas ng seben eleben sa may Anonas. Yung sa may tapat ng panaderya sa Kawilihan.

Gusto ko sana sayo ikwento kung paanong kahit madumi ang kuko ni Ogie sa talampakan ay madami siyang nabasang mga maiikling kwento nina Nick Joaquin, F. Sionil Jose at Bob Ong. Oo, kasama ang kontemporaryong si Bob Ong.

Na minsan, nasabi ko sa kanya na mas gusto ko siyang kausap kesa sa mga housemate ko sa bahay na wala ni ga-libag na interes sa pagbabasa ng mga kwento at tula.

Na nagulat ako dahil minsan, sinabi sa akin ni Ogie na “Ang Tornilyo sa Utak ni Rufo Sabater” ni Alfonso Mendoza ang pinakapaborito niya sa lahat ng maiikling kwentong nabasa niya. Hindi ko alam yung kwento kasing iyon. At lalong hindi ko kilala kung sino si Alfonso Mendoza. At napabulong na lang ako ng "puta" noong nag-google ako at nakita ko na nanalo ng Palanca 'yung kwentong binanggit niya. Noong 1980. Mas matanda pa sa akin ang kwento.

Walang alam sa literary theories itong si Ogie. Hindi niya alam ang organisadong lente na ginagamit para sipatin ang ganda ng kwento, walang sukat, walang teknik. Pamantayan niya lamang ay dalawang bagay: Una kung naintindihan niya. Pangalawa, kung may sinabi ang kwento sa puso niya.

Si Ogie ang isa na mga konting tao na nabahigan ko ng ilang mga personal na naratibo. Madali kasing magkwento sa taong hindi ko kakilala. Hindi niya alam ang bahay ko, wala kaming parehong kaibigan. Naikwento ko sa kanya ang tungkol sa paniniwala ko na pwede pang makipagkaibigan sa ex. At kung paanong sinubukan ko itong gawin. Sinabihan ako ni Ogie na ang gusto kong mangyari ay "mas magulo pa sa bulbol". Ganyan ka tuwiran at malinaw si Ogie.

Hindi ko alam kung nadinig ng mga maligno na nag-aalaga ng mga balot ni Ogie ang babala na binigay niya. Pero totoo nga na naging magulo pa sa bulbol ang mga nangyari sa amin ni ex.