Kapag retirado nako
Sa unibersidad bilang propesor
Maglalakad na ako
Sa academic oval
Na may malakas na speaker
Na nakasukbit sa aking backpack
At papatugtugin ko ng malakas
Ang waltz of four left feet ni
Shirebound and Busking.
Susuutin ko ang pinaka- nagsusumigaw
Na orange shirt na pwede ko bilhin.
At pinakamahal na
carbon plated running shoes
Na mayroon sa Kamaynilaan.
Hindi ako tatakbo
Pero mabagal
Na mabagal
Na mabagal
Na maglalakad.
Para dinig ng mga nagsusuyuan
Sa oval ang musika na dala ko
At kitang kita ang
Karumaldumal na kamiseta ko
Habang naglalaway ang ilan
At nanghuhusga sa pangyapak
Na kayang bilhin
Ng isang retiradong
Nagmumurang kamatis na katulad ko.
Hindi ko na kailangan
Isipin kung malalathala ba ako
Sa tagong identidad ng mga lintik
Sa reddit at iba pang ukininam
Na anonymous platform.
Hindi ko na kailangan
Maging mabuting halimbawa
Sa mga estudyanteng ambivalent
Kung makamasa o makasarili.
At mga batang fakulti
Na nagsusumikap umakyat
Sa kung anumang hulma
Ng karera sa akademya.
Hindi ko na kailangan
Maging simbolo ng institusyon--
Primyadong, pambansang institusyon.
Bibili ako ng fishball
At makikiusap sa tindero
Na hatiin ang bawat fishball sa apat
At idadahilan na
Mahina na ang aking bagang
Kahit na sa totoo lang ay gusto
Ko lang mang abala
Sa walang saysay na mga bagay.
At kapag sinunod niya ako
Ng maalwan
Magbabayad ako ng sobra
At sasabihin na
Keep the change.
At kung hindi naman ay
Itatanong ko kung may senior discount
At kung wala
Ay susulat ako sa
Bise tsanselor para sa gawaing pangkomunidad
Para ilatag ang di pagsunod ng
Mga manininda
Sa pambansang patakaran
Para sa mga senior sitisens.
Isipin niyo
Primyadong, pambansang institusyon
Hindi sumusunod sa batas.
Hahagalpak ako ng tawa.
Madami na akong oras
Para magganito.
Pero ngayon,
Magiging bukas muna ako sa
Pormal na feedback ng mga estudyante
Sa akong pagtuturo
At susubukan na mag adjust
Sa kanilang learning style.
Magiging modelo muna ako
Ng student-centered teaching at learning.
At magiging mabuting akademiko
Na pwedeng sundan ng mas nakababata.
Hindi kakain ng fishball
Kasi empty calories
At kailangan na maging malusog ang katawan.
Gagamit muna ako ng earphones
Kung gusto ko makinig ng musika
Ni shirebound and busking.
Kapag maglalakad ako
Doon ako sa bangketa
Para di abala sa publiko na gusto
Tumakbo sa oval.
Respetadong pagbabahagi ng espasyo
Para sa lahat.
Pero ano kaya
Kung magsimula na ako
Magsuot ng pinaka- nagsusumigaw
Na orange shirt na pwede ko bilhin.
Para di naman magulat
Ang mga tao
Kapag retirado nako
Sa unibersidad bilang propesor.