Monday, December 22, 2014

Thursday, December 18, 2014

Honoring Dad

It has become such time when being meaningfully "fathered" becomes so rare. I am a privileged anak to have a Dad like you. You make sure that my needs are provided for. You crack corny jokes when life gets serious or when I am very tense. You never fail to randomly say that you love me. And you are praying for me.

Monday, December 15, 2014

Para sa kaibigang kong desaparecidos,

Patuloy akong aasa na buhay ka
Aasa na magkakaroon ka ng pagkakataon
Na makaranas 
Na magmahal at mahalin.

Tuesday, December 9, 2014

Usapan sa daloy ng order mong long island

Hindi ko kailangan
Maging kaibigan
Ang ex mo.
 
Huwag natin
Gawing komplikado
Ang ating relasyon.

Monday, November 3, 2014

Gusto ko sana ikwento sayo ang tungkol sa buhay at kamatayan ni Ogie


Siya yung nagtitinda ng balot sa may labas ng seben eleben sa may Anonas. Yung sa may tapat ng panaderya sa Kawilihan.

Gusto ko sana sayo ikwento kung paanong kahit madumi ang kuko ni Ogie sa talampakan ay madami siyang nabasang mga maiikling kwento nina Nick Joaquin, F. Sionil Jose at Bob Ong. Oo, kasama ang kontemporaryong si Bob Ong.

Na minsan, nasabi ko sa kanya na mas gusto ko siyang kausap kesa sa mga housemate ko sa bahay na wala ni ga-libag na interes sa pagbabasa ng mga kwento at tula.

Na nagulat ako dahil minsan, sinabi sa akin ni Ogie na “Ang Tornilyo sa Utak ni Rufo Sabater” ni Alfonso Mendoza ang pinakapaborito niya sa lahat ng maiikling kwentong nabasa niya. Hindi ko alam yung kwento kasing iyon. At lalong hindi ko kilala kung sino si Alfonso Mendoza. At napabulong na lang ako ng "puta" noong nag-google ako at nakita ko na nanalo ng Palanca 'yung kwentong binanggit niya. Noong 1980. Mas matanda pa sa akin ang kwento.

Walang alam sa literary theories itong si Ogie. Hindi niya alam ang organisadong lente na ginagamit para sipatin ang ganda ng kwento, walang sukat, walang teknik. Pamantayan niya lamang ay dalawang bagay: Una kung naintindihan niya. Pangalawa, kung may sinabi ang kwento sa puso niya.

Si Ogie ang isa na mga konting tao na nabahigan ko ng ilang mga personal na naratibo. Madali kasing magkwento sa taong hindi ko kakilala. Hindi niya alam ang bahay ko, wala kaming parehong kaibigan. Naikwento ko sa kanya ang tungkol sa paniniwala ko na pwede pang makipagkaibigan sa ex. At kung paanong sinubukan ko itong gawin. Sinabihan ako ni Ogie na ang gusto kong mangyari ay "mas magulo pa sa bulbol". Ganyan ka tuwiran at malinaw si Ogie.

Hindi ko alam kung nadinig ng mga maligno na nag-aalaga ng mga balot ni Ogie ang babala na binigay niya. Pero totoo nga na naging magulo pa sa bulbol ang mga nangyari sa amin ni ex.

Wednesday, October 8, 2014

Pagdalaw sa kaibigan

1.
Tumawag ako sa kapatid mo. At bigla akong napauwi sa bayan kung saan tayo lumaki.

Pagbaba ko sa bayan, sumakay ako ng tricycle diretso sa sementeryo.

Nandoon ang kapatid mo, nakatayo kung saan ka nakahimlay.

Ngumiti siya. Ngumiti din ako.

Thursday, October 2, 2014

PS

Ngayon ko lang nalaman na walong buwan ka na palang wala sa mundong ito. Dahil hindi ako nakakauwi sa atin. At noong mga panahong iyon ay pinutol ko lahat ng contact sa lahat ng tao. Ngayon lang dumating sa akin ang balita.

Pasensiya na bro, at hindi man lang ako nakapagpaalam sayo. Alam kong kung nababasa mo ito, sasabihan mo ako ng gago. Gusto ko lang sabihin na gago ka rin. Kaya pala wala kang text o tawag. Mamimiss kita, tsong.

Paalam, Pareng Mico.

Monday, September 15, 2014

Habang kanselado ang klase sa Maynila

Kung buhay pa ang lolo ko, matatawa siya sa agahan ko ngayong umaga --mooncake at kapeng barako.

Si lolo ay purong Tsino samantalang ang lola ko naman ay purong Batangenyang Tagalog. Nagpangita at nagka-ibigan sila noong panahon ng okupasyon ng mga Hapon sa Batangas.

Masalimuot ng konti ang kanilang naging relasyon, parte dahil sa magkaibang kultura na mayroon sila.

Ang habilin sa akin noon ng lolo at tatay ko noong bata pa ako na mag-asawa ng Tsina para buo ulit ang dugo sa aming lahi.

Noon, benta sa akin ang ideyang ito. Pero ngayon, hindi na ako nakakahon sa isang lahi lamang. Mas matindi pa, hindi na ako ganoong umaasa na mag-aasawa. Habang tumatanda, mas nakikita ko na posibleng tumanda ako na nag-iisa pero masaya.

Friday, September 12, 2014

Every life has meaning

Ngayong gabi, pipiliin kong maniwala sa katotohanan na ang bawat buhay ay mahalaga. At ang bawat buhay ay may katuturan.

Wednesday, September 10, 2014

Hubad sa malisya na diskusyon patungkol sa regla at tamod

Kahapon sa klase ko sa kolehiyo, pinag-usapan namin ang bayolohikal na pananaw ng puberty (pagdadalaginding, pagbibinatilyo). Para kaming nagrebyu ulit ng endocrine glands at mga hormones na pinag-aralan namin noong Grade 5 at Grade 6. Mas pinalalim lang ng kaunti dahil nagkaroon ng maikling diskusyon sa relasyon ng mga hormones sa mga pagbabagong pisikal na nararanasan sa edad ng puberty.

Naging interesting lalo ang usapan noong napasadahan namin ang dalawang termino: menarche (unang buwanang daloy sa mga babae) at spermache (unang paglabas ng tamod sa mga lalaki). Naikwento ko ang una kong karanasan ng wet dream at pati na rin ang una kong nakakatakot na karanasan sa pagsasalsal.

Wednesday, September 3, 2014

May mga ilang nagpapabangon sa akin sa umaga:
  1. Manual na paggigiling ko ng kapeng Benguet para ilagay sa dripper. 
  2. Paglalagay ng balikutsa sa kape.
May mga ilang bagay naman ako na nilu-look forward kapag gabi.
  1. Pag-inom ng isa hanggang dalawang baso ng Vodka currant na may yelo. 
  2. Pagtunganga mag-isa hanggang makatulog.
Iyang apat na yan lamang sa ngayon ang dahilan kung bakit nais ko magising at matulog. At magising at matulog.

Sa kalagitnaan ng araw, madaming trabaho. At palagay ko nagagawa ko naman ang mga dapat gawin ng parang normal na tao. Magaling pa rin ako. At mayabang. At masipag.

Pero iba pa ring usapan ang pagsisimula ng araw at pagtatapos nito.

Ang dalangin ko kagabi, bigyan pa ako ng ibang dahilan para bumangon sa umaga. At ilook forward ang gabi. 

You're welcome.

They all say it
All the ones that made it
Once you find the one you claim it
But you're gonna have to fight

We both, know our
Own limitations, and that's why we're strong
Now that we've spent some time apart
We're leading each other, out of the dark

What we're scared of 
And what dreams are made of
They can take us further 
Than what anybody can see.


Sunday, August 31, 2014

23 Agosto 2014

Dalawang linggo na ang nakakaraan ng dumalo ako ng isang pagtitipon ng mga taong may depresyon, naisip magpakamatay, mga terminally-ill na pasyente, at mga kaibigan ng mga nabanggit na tao.

Sa pagkakataon na ito, dumalo ako hindi bilang isang propesyonal/ service provider pero bilang naghahanap ng tulong sa sarili. Nangangailangan ako ng bagong perspektibo sa buhay. At naisip ko na baka isa iyon sa mga bagay na makakatulong sa akin.

At syempre, hindi sa pagdalo ng pagtitipon na iyon natapos ang magkahalong kagilagilalas na paglalakbay at pakikibaka para mabuhay.

Friday, August 22, 2014

Ang pagkawala ng aking lola

Eto ang bersyon ko ng istorya:

Gabi na ng tumawag si ermats na nasa ospital ang nanay (lola). Mahina na daw, nilalagnat at hindi na makapagsalita. Sinabihan ako ng ermats na isama ang paggaling ng nanay sa dasal. Pagkababa ng telepono, bumulong ako ng konting panalangin. General na panalangin sa paggaling. Hindi dahil ayaw kong gumaling si nanay. Pero dahil hindi ko kayang pilitin sa utak ko na mahina at nasa ospital ang nanay.

Ang unang alaala ko sa aking lola ay ang paghawak niya ng remote ng telebisyon at paglipat ng channel sa may wrestling. Hindi yung propesyonal at legit na isports. Pero yung may mga karakter tulad ni Owen Heart at Undertaker. Kasabay ng paghigop ng kanyang Tanduay Rhum, nakikisigaw siya habang nagsasalpukan sa wrestling stage ang dalawa o higit pang mga tao. Ang programa ng wrestling ay alas nuebe ng umaga. Ganyan ang nanay. Hindi kape ang pangpainit sa umaga. Tanduay rhum.

Mahilig niya rin kami hawakan sa pototoy namin. Ako at ang aking nakababatang kapatid. Sabay bendisyon na,"Lalaki at bibigat din yan. At bibigyan ako ng maraming apo." Hindi ko alam kung ikakategorya ko ang pangyayaring ito sa sexual harrasment o early sex education. Pero ganyan talaga ang nanay. Hanggang sa pagbibinata namin ay kinakapa ang pototoy namin.

Thursday, August 21, 2014

Post birthday post

Naging bente otso na ako nitong Hunyo. At narealize ko na karamihan sa ginawa ko sa nakaraang 27 taon ay hindi ko maalala. Naalala ko ang paggraduate ko sa state university. Naalala ko ang unang harap ko sa korte para sa pagbibigay paliwanag sa kalagayan ng kliyente kong bata. Naalala ko ang ilang away namin ng nanay ko. At naalala ko ang huli kong inibig at ang pangakong huling beses na akong iibig. Pero ayun na yun. Ang alaala ng mga bagay ay lumilipas. At nawawala. At kung susumahin ang ang naaalala ko, parang hindi naman ako bente otso anyos.

Makakalimutin talaga ako. Pero ngayong iniisip ko ang mga bagay na naalala ko, parang wala akong ikinabuhay. Parang nag time warp lang ako. At humantong sa ilang space and time station, namalagi sandali at nagtime warp na ulit.

Kung mamarapatin ng Maykapal, ayoko sana lumimot.

Thursday, July 31, 2014

Para sa ikakainis ni Karl Marx, eto ang buhay ko

Sa ganitong panahon na maulan, kasama ko ang ilang daang manggagawa  na nagising na tinatamad pumasok. 

Napaisip din ako kung anong sapatos ang water proof na meron ako kung sakaling may mababaw na baha sa kalsada. Kung nasa Carmen, Rosales ako, ayos lang magtsinelas pumasok sa opisina at magtampisaw sa baha papasok ng trabaho. Pero dahil nasa lungsod ako, medyo madaling isipin kung ano ang iba pang body fluids at iba pang shiz ng tao at hayop na kahalo ng tubig ulan. Sa aking middle class na edukasyon, naprograma ang utak ko na ang pagtatampisaw sa baha, lalo na sa lungsod ay mapanganib sa kalusugan.

Isang libong porsyento ng enerhiya at disiplina ang naubos ko para pilitin ang sarili na bumangon at maggiling ng kape para lutuin sa aking coffee maker. Sa regular na araw, isang tasa ng purong  kape lang ang iniinom ko. Pero kanina, nagdesisyon ako na kailangan ko ng asukal. Kaya hinaluan ko ang kape ko mula sa Benguet ng gatas (full cream) at balikutsa. Matapos ang limang minuto ng mabagal na pagnamnam ng caffeine at asukal, mas buhay na ang dugo ko.

Sa pagkunsumo ng ikalawang tasa ng kape, nagdesisyon na ako magpakulo ng tubig na gagamitin sa paliligo.

Friday, July 11, 2014

Para kay Gema

Hindi niya kayang
tumbasan ang ngiti na binibigay ko
sayo.
Hindi niya kayang
makipagsabayan sa akin.

Pero may kaya siya sa buhay.
Gwapo at matalino.
Kaya niya ibigay sayo ang magandang bukas
at  magagandang mga anak.
Totoo.

Pero dahil malakas ang
tama mo sa akin.
Alam kong mas pipiliin
mo ako kaysa sa kanya.
Sigurado ako doon.

Monday, July 7, 2014

City Hall, ika-6 ng Abril 2012

May kagat ka na naman ng lamok sa may braso mo? 

Oo nga. Problema yan sa opisina ko ngayon. 

Pinalinis mo na yung kwarto mo kina manong? 

Oo. Pero hindi nga namin makita kung saan nanggagaling yang mga lamok.

Mangingitim na naman yan sa balat mo. Naubos na ba yung off lotion na binili ko sayo noon?

Maikli ang usapan natin noong Biyernes, noong nagkasalubong tayo sa may hagdanan. Ako paakyat ng opisina. Ikaw na may meeting sa mga maralitang tagalungsod sa may Pajo at palabas papunta sa parking lot.

Thursday, July 3, 2014

mas masarap mahalin ang taong
nagmamahal sa atin

pero hindi ibig sabihin noon
na mamahalin lang natin

ang taong mahal tayo
mas madalas, pinipili natin

mahalin pa rin ang taong  gusto natin
kahit hindi tayo mahal

Tuesday, July 1, 2014

Sa may kahabaan ng Anonas, alas siyete y medya ng gabi

Kung alam mo
     na mahal mo
ako at alam ko
     sa sarili ko
na mahal kita
     Bakit
          hindi tayo?


Friday, June 27, 2014

Para sa unang semestre ngayong taon

Kung matutuloy ang lahat ng plano ko patungkol sa aking propesyonal na buhay, may bago akong ituturong mga sabjek sa kolehiyo:

Thursday, June 26, 2014

Saturday, June 21, 2014

Paulit-ulit na pagkalunod

Mayroon sana akong hiling.

Kung maaari, huwag
mong sasagutin ang pagsasabi
ko sayo sa text
ng i love you.

Kung maaari, palagi
mong ipapaalaala sa akin
na naghahanap lang ako ng rebound
mula sa tatlong linggong nakaraan  na breakup.

Kung maaari, tanggihan
mo ang lahat ng pagyayaya ko sayo
kumain ng fishball,
manood ng sine,
umakyat ng Batulao,
magpalipad ng saranggola
 


Thursday, June 19, 2014

Pagbabasag ng tainga

Noon, kapag may mga pinagdadaanan akong mabigat, ipapasak ko lang sa tenga ko ang earphone at ilalagay sa pinakamalakas na antas ang tunog ng ipod ko. Papantayan ko ng ingay ng musika ang gulo ng sitwasyon ko. Magpapatay malisya sa mga nangyayari, at sisinupin ang bawat titik ng musika.

Friday, June 13, 2014

Liham 2014-F-03

Kung bibigyan ng pagkakataon na ulitin natin ang magdamag noong makalawa, hindi lamang kita hahalikan at yayakapin ng mahigpit.

Ikwekwento ko rin sayo kung gaano kita katagal hinintay. Kung gaano ko sinabik na magkaroon ng mukha ang pag-ibig. Kung gaano ka-worth it na masaktan at muling masaktan sa iba dahil sa bandang huli, ikaw ang pinakamasarap na bonus sa ganda ng buhay ko ngayon.

Wednesday, June 4, 2014

nasa Baguio ako ngayon

para sa isang maikling trabaho. Hindi ko sigurado kung magkakaroon ako ng oras para mag-ikot-ikot ng mga lugar. Kasama ko ang ilang boss ng mga opisina.

Kung sakali man na magkaoras ako at malayo sa mga boss, anong maari kong puntahan na recommended ng mga taga-dito mismo? (Just in case may nagbabasa na taga-Baguio).

Monday, June 2, 2014

1 June 2014

Accepting the reality of our broken, flawed lives is the beginning of spirituality not because the spiritual life will remove our flaws but because we let go of seeking perfection and instead seek God, the one who is present in the tangledness of our lives. Spirituality is not about being fixed. it is about God being present in the mess of our unfixedness.  -Mike Yaconelli

Saturday, May 31, 2014

Hollow man

Ikatlong araw ko na walang tulog. Bumalik na naman ang insomia shit ko. Kahit wala akong ganang pumasok sa trabaho, pinipilit ko ang sarili ko. Okay din naman kasi medyo light ang work load ngayong mga panahong ito. At masaya kasama ang mga katrabaho ko. Ang problema ko lang ay kapag dumidilim na at nagsisimula nang maggabi. Inaatake ako ng depression. At pakiramdam ko ay shit lahat ng nangyayari sa buhay ko. Alam ng utak ko na hindi ito totoo pero iba ang suntok ng kalungkutan pag nagsisimula akong madepress. Wala akong ibang sinasabihan dahil ayoko ng may naaawa o may nag-aalala. Ayoko rin ng mga SMS shit ng pangangamusta.

Monday, May 19, 2014

Cancer camp 2014

Sila ang dahilan kung bakit isang linggo akong abala at di nakakausap at nahahalagilap. Tumulong ako sa pag-aayos ng summer cancer camp ng mga bagets. Ilang araw akong nasa bundok na walang cellphone signal. Mahusay na rin yun dahil mahaba at buo ang atensyon na binigay ko para sa mga patient at survivors ng cancer. 

Tuesday, May 13, 2014

Kawikaan ngayong umaga


There are three things that amaze me—
    no, four things that I don’t understand: 
how an eagle glides through the sky,
    how a snake slithers on a rock,
    how a ship navigates the ocean,
    how a man loves a woman

Sunday, May 11, 2014

Ika-8 ng Mayo, 2014

Mas masaya ako nanaiinitan
Pero niyayakap mo ako.
Kaysa umulan ngayong gabi
Pero malayo ka sa piling ko.

Saturday, May 10, 2014

Wednesday, May 7, 2014

Sa gitna ng Kanto ng pagtitiwala at pag-aalinlangan

Ito yung sinabi natin sa isa't isa
na hindi ang nakaraan mo
at nakaraan ko
ang magbibigay depenisyon sa atin.

Pero pareho pa rin natin
iniisip kung ang mga nagawa natin
noon na mga tama at mali
ay mauulit bukas o
sa makalawa.

Friday, May 2, 2014

Sa may dalampasigan

Bukas, ako ay hihiga sa buhanginan at sisikaping halikan ang araw. Masusunog ang balat ko at manunuyo ang labi ko pero mabubuhay ang kaluluwa ko.

Hintayin mo ako, Nasugbu. Bukas, nandiyan na ako.

Thursday, May 1, 2014

Hindi kita mahal

Pero may pagnanasa akong halikan ka ngayon. Maaari ba?

Wednesday, April 30, 2014

Energizing leave

Sa limang araw na magbabakasyon ako, hahawak lang ako ng vodka at magsusulat. Tungkol sa dating inibig, sa kasalukuyang trabaho, sa plano sa buhay. Tungkol sa pagiging bata at middle class. Sa trabaho sa kasalukuyan. Patungkol sa pananampalataya. Sa kasalanan at sa excitement ng buhay.

Sa limang araw na magbabakasyon, maliligo ako sa dagat sa tabi ng bahay ko sa Batangas. Bibisita din ako sa puntod ni Angkong at magpapaypay ng insenso. Kwekwentuhan ko siya tungkol sa trabaho ko ngayon, sa mga mababait na katrabaho, pati na rin sa mga nang-aaway sa akin sa opisina.

Hindi ko pa sigurado kung uuwi lang ako ng probinsiya o biglang maglalagalag na hindi pinaplano ang pupuntahan. Pero gusto kong mawala. At magtanong-tanong ng direksyon at makituloy ng bahay.

Hindi ko pa alam kung ilan sa limang araw yung mag-iimbita ako ng kaibigan. Pero gusto kong makipagkwentuhan sa ilang malalapit sa puso ko. Kwentuhan maghapon. Hanggang makatulog. Kahit hindi nagto-toothbrush. At gigising na hindi mahihiya at walang pakialam.

Sa limang araw na magbabakasyon ako, sarili ko muna ang iintindihin ko. At hindi ako mahihiya. At hindi ako hihingi ng tawad sa limang araw na pagiging makasarili.

Tuesday, April 29, 2014

Silang mga nasa isipan ko ngayon

Sa kolehiyo, ang klase ay halos sa loob lamang ng isang semestre or trimestre, depende sa unibersidad kung saan ka nag-aaral (o nagtuturo). Bihira ang klase na katulad ng sa akin kung saan buong taon (dalawang semestre) ko hawak ang mga bagets na ito.


Mula sa iba't ibang programa nanggaling ang mga estudyante ko. Ang ilan ay mula sa sining at literatura, yung ilan mula sa pag-iinhinyero. May mga mula sa musika, may mga manunulat, may nasa pagpapaunlad ng pamilya, meron din mula sa nutrisyon at pangmadlang komunikasyon.

Ibig sabihin nito, iba-iba din ang interes ng mga bagets na kitang kita kapag gumagawa sila ng mga proyektong pang-indibidwal. Ang pinakabata sa kanila ay labing anim na taon, samantalang ang pinakamatanda sa kanilang magkaklase ay tatlump't limang taon.

Monday, April 28, 2014

Payo kanina

Eto ang sinabi ko sa mga umatend ng flag ceremony ngayon Lunes bilang pabaon na kasabihan para sa buong linggo:

Sunday, April 27, 2014

Friday, April 25, 2014

Promise Yourself

To be so strong that nothing
can disturb your peace of mind.
To talk health, happiness, and prosperity
to every person you meet.

To make all your friends feel
that there is something in them
To look at the sunny side of everything
and make your optimism come true.

To think only the best, to work only for the best,
and to expect only the best.
To be just as enthusiastic about the success of others
as you are about your own.

To forget the mistakes of the past
and press on to the greater achievements of the future.
To wear a cheerful countenance at all times
and give every living creature you meet a smile.

Thursday, April 24, 2014

Regular calibration

Kung kinumusta mo sana ako kagabi, nasabi ko sayo na ilang gabi akong lasing. Nakwento ko sana sayo na hindi ako umuwi ng Aurora. At naglakad ako sa buong kahabaan ng EDSA para mag-isip. Nakwento ko sana sayo na alam ko na ang lasa ng cheap sex. At hindi siya masaya.

Kung kinumusta mo ako kagabi, nasabi ko sana sayo na may bago na akong paboritong tambayan dahil sa legit unlimited mojito nila. Na gusto kitang dalhin doon para makakwentuhan at mahawakan ang mga maninipis mong daliri. Nasabi ko sana sayo ang pangalan ng pribadong espasyo na yun na hindi lapitin sa publiko.

Friday, April 18, 2014

Monday, April 7, 2014

Kanina sa MRT

Gusto sana kitang isayaw kanina
matapos mo akong samahan 
bumili ng mga bulaklak na iaalay
sa biglang namatay na kaibigan.

Alam mo kung gaano nakapanlulumo
ang balita ng kanyang biglang pagpanaw
at kung paanong mahalaga siyang tao
na nakasaksi ng buhay kolehiyo ko dito sa lungsod.

Gusto sana kitang isayaw kanina
kahit pagod na pagod ako
sa ilang araw na pagdadalamhati
sa sinapit ng kaibigan.

Gusto sana kitang isayaw kanina
habang pinapatugtog ng ale
na katabi ko at katabi mo
ang Tadhana ng Up Dharma Down.

Friday, April 4, 2014

Saktong tatlong taon matapos magkahiwalay

Gene,

Bago matapos ang taon, gusto ko lang balikan ang nabigo nating habang buhay na pag-ibig. Kasama na ang kahibangang aalis dapat tayo ng bansa na magkasama at magsisimula ng bagong buhay na walang kakilala.

Gusto ko lang balikan ang mga pangako ko na wala nang saysay ngayon. Pati na rin ang mga panunuyo ko sayong lumipas at hindi napahalagahan. Pati na rin ang mga matatamis kong salita sayo at pangako na walang hinihiling na kapalit na pag-ibig. Natutunan kong mahirap magmahal ng walang kapalit.

Salamat sa pagpaparanas sa akin ng buhay na ganap. Sa pagpapakilala sa akin kung sino ako. Sa pagpapahaba ng pasensiya at pagpapalawak ng pag-intindi. Salamat sa alaala. At sa tunay na buhay na karanasan. Kaya ko palang umibig. At kaya ko rin palang mabuhay pagkatapos mabigo.

Magmamahal ulit ako. Salamat sa mga paalala.

Darbs

Monday, March 17, 2014

Another selfie

Para ibalanse ang blog na ito sa tunay na kaganapan sa buhay ko:

**Ang paliwanag sa balanse ay mula sa huling entry na ito.

Nagiging trabaho ko ngayon ang sumalo ng argumento at problema sa opisina. Kasama na dito ang mga inquiries at issues na hindi pa nareresolba. Peek na ulit kasi ng trabaho at deliverables dahil isasarado na ang kabanata ng taong ito ng opisina sa susunod na buwan.

Halo-halo ang mood ng mga tao na pumapasok sa silid ko. May mga masaya, may mga histerikal. May mga suspetyoso. May mga nag-aalala. May wala sa sarili. May ilang mga nagbe-break down. Parang psychotherapist room ang kwarto ko ngayon. At ang pinakaangat na job description ko ay makinig ng may pagsimpatya at concern. Tapos gumawa ng aksyon sa pagresolba ng problema nila kung kaya.

Sa mga nangyayaring ito sa opisina, inaabangan ko ang dalawang beses sa isang linggo na circuit training  kasama ng ilang malapit na kaibigan. Doon ko nabubuhos ang mga energy at mood na nadadala ko sa pagsalo ng mga burden ng mga taong bumibisita sa kwarto ko. Nakita siguro ni coach na mabigat ang mga nakaraang araw ko kaya bukod sa bagong palit na routine, sinama niya sa workout ko ang uphill na sprint na halos ikabuka ng baga ko tuwing session.

Sunday, March 16, 2014

Habilin sa mababasa at bisita

Hindi ako alcoholic katulad ng impression na naipupustura ko sa mga sulat ko dito. Nadadalas lang akong magkwento na umiinom ako pero 'yung dalas ng kwento ko ay siyang dalang naman kung ikokompara sa tunay na buhay.

Madalas din napagkakamalan na malamlam at malungkot ang buhay ko sa mga kwento ko dito. Karamihan sa mga iyon ay bunga ng katotohanan na ginawa ko lang basehan ng ilang kwento. Mukhang namamaster ko ang story telling a lie na skill. Pwede ninyo tingnan ang tag ng entry para makita ang tunay at hindi tunay.

Saturday, March 1, 2014

Matilda

Nabighani ako sayo sa mga kakaibang panlasa mo.

Mas gusto mo ang bigyan ka ng bulaklak ng makahiya kaysa rosas.

Lagi mong tinatali ang buhok mo kapag kasama ako para makita ang batok mong may tattoo na pinansin ko at sinabi kong maganda.

Okay lang na dalhin kita sa kainan ng mga taxi driver at kinaibigan mo pa ang kahera para may discount tayo kapag kakain tayo doon.

Hindi mo ako pinipilit manood ng rom-com pero nangunguna kang magyaya kapag may action film kang nakita na alam mong gusto ko.

Kinukumusta mo ang erpats, ermats ko minsan sa isang buwan.

Thursday, February 27, 2014

Ika-12 ng Nobyembre

Ito yung eksena natin noong nakipagbreak ka.

Sa txt:

Ikaw: Usap tayo. Pwede ka mamaya? Lakad na lang tayo sa Track.

Ako: Sige. Kinakabahan ako. Makikipagbreak ka na ba?

Ikaw: Usap tayo mamaya. See you.

Ako: Walang smiley. Patay na.

Di ka na nagreply.

Kapag nag-aalala ako, pinagpapawisan ng biglaan ang mga palad ko. Bigla siyang nagiging parang sirang gripong nagtutubig. Malakas ang kabog ng dibdib ko habang nanlalamig naman ang mga talampakan ko. Medyo nanghihina ang tuhod ko at parang bigla akong nangalay at nawalan ng lakas.

Sa ganitong mga pagkakataon, kailangan ko ng posporo. Lighter lang ang meron ako sa bag. At alam kong hindi pwede palitan ng lighter ang posporo. Sa ganitong pagkakataon, ang tanging nakakapagpakalma lang sa akin ay amoy ng nasusunog na palito ng posporo.

Naghanap ako sa kaopisina ko.

Ako: Pahiram ng posporo. Meron ka?

Kaopisina: Wala e. eto lighter.

Ako: Meron ako niyan. Posporo kailangan ko.

Kaopisina: Anong pinagkaiba?!

Tuesday, February 25, 2014

23Pebrero

*makulimlim ang tono ng post na ito.

Nitong bagong taon, nagkayayaan kami ni Pugo na umakyat ng Baguio. Hindi pa kasi siya nakakapunta doon samantalang ako ay taon-taon umaakyat kasama ng pamilya ko tuwing tag-init. Napangako ko sa kanya na aakyat kami doon minsan. Ang pangakong yun ay highschool pa. Ako ay patapos na sa anim na taon kong masteral samantalang siya ay may apat nang mga anak.

Nagbigay ako ng iskedyul na pinakamaluwag ako. Okay lang daw siya sa mga araw na binanggit ko. Sa aming dalawa, ako ang career man. Umaakyat sa hagdan ng propesyon. Siya naman ay family man. Dumadami ang lahi at natututo sa buhay at bahay. Nung papalapit na ang iskedyul, tumambak ang trabaho ko sa opisina. Si Pugo naman ay namomoblema sa pambayad ng bill sa kuryente at tubig. Pinahiram ko muna siya. Nangako si Pugo na babayaran matapos ang dalawang linggo.

Sa madaling sabi, hindi kami natuloy sa Baguio. Mas lalong bumigat ang trabaho ko. At nakaligtaan na ni Pugo bayaran ang utang niya. 

Naisip ko lang isulat ito dahil may mga ilang blogger na nagkwento ng karanasan nila sa Baguio kasama ang mga kaibigan nila. May maganda din sana akong kwento kung natuloy 'yung gala namin ni Pugo.

May konting panghihinayang dahil malapit kong barkada si Pugo at matapos ang highschool ay nitong bagong taon lamang kami nagkita. Ang pagpunta sana sa Baguio ang bayad utang sa matagal naming di pagkikita. 

Si Pugo ay isa lamang sa mga malalapit kong kaibigan na hindi ko na masyadong nakakwentuhan at nakalakbay sa buhay. Ilan sa mga panghihinayang ko sa simula nang itinuon ko ang sarili para sa paglilingkod. Mas naging abala akong tumugon sa pangangailangan ng trabaho at nagkaroon na lamang ng konti o halos wala na ngang oras sa mga personal na bagay.

Napapaisip ako ngayon dahil ikatlong linggo na nagtatrabaho ako kapag weekend. At dapat sana may lakad ako sa labas kasama ng kaibigan o kaya nagpapahinga. Pero may mga tinatapos akong report at naghahanda sa mga pagpupulong sa Lunes. 

Noong una, nakikita ko lang itong maliit na sakripisyong personal para sa kabutihan ng nakararami. Pero nitong huli, hindi ko alam kung hanggang saan ang pwede ko iusad dahil nawawalan na ako ng kasiyahan at paliwanag na may saysay sa kung nasan ako ngayon at ano ang ginagawa ko. 

Para sa materyalistikong mundo, maganda ang posisyon ko ngayon sa trabaho. At bihira para sa mga ka-edad ko ang nasa ganitong larangan ng administratibong gawain. Prestihiyosong pakinggan. Gayunpaman, may parang nakakaligtaan punan itong trabaho na mahalaga. Pero di ko mapaliwanag. 

Baka ganun. O kulang lang ako sa karomansa ngayon, isang bagay na lalamang si Pugo sa akin.




Sunday, February 23, 2014

Laro

Ganito ang naging usapan namin sa text.

Hi!

Bakit nag-hi ka bigla?

Hmmmmm. Wala naman.

Okay.

Kumusta ka?

Okay lang. Ikaw?

Naisip lang kita nung bumili ako ng toothpaste.

Ha? Bakit?

Sunday, February 16, 2014

Life is a highway

For the past thirteen days, I've been gathering info about the division's accomplishments. The new Boss asked all heads to give an annual report for the past year, something that hasn't been done for more than five years.

The Boss wanted to base this year's plan on solid information. It's a very wise move --making informed decisions. However, because it has not been done for more than three years, records are very much elusive to find, specifically that of my division. Perking up our databank system is something that I have to iron out, as ze head.

Before I step in this administrative role, my life has been more quiet and simple. My problems revolved on how to make my work efficient and effective. And fun. And enjoyable. Now that I'm wearing another hat, I have to think not just about myself but also of others who are under my turf, even the system and the facilities. I have to ensure that present operation runs smoothly. And also think of ways on how to take care of the future of the everyone (and everything) under me.

You see, planning is not my craft. Mostly, I live in the present. Sometimes, I'm stuck in the past. Future is something I know exist but don't mind. I let it unfold. But now that I'm in the administrative position, I'm pushed to think not on how I preferred or how I naturally operate.

Saturday, February 15, 2014

Di sinasadyang pagkikita

Habang bumibili ng secondhand book, napansin ko na nandoon ka rin. Mas nakakailang ang di natin pagpapansinan kaya sinimulan kong batiin ka. Bumati ka rin. Tapos bigla na lang tayong natahimik. Dahil walang masabi sa isa't isa.

Gusto mo kumain? tanong mo.

Akala mo siguro tatanggi ako. Pero wala naman kasi akong gagawin ng Lunes ng gabi kaya sinabi ko, Oo.

Binayaran ko ang ika labing apat kong kopya ng Love in the Time of Cholera ni Gabriel Garcia Marquez.

Napansin mo ang libro. Ngumiti ka at sinabing, Pilit mo pa rin palang sinasalba ang librong yan sa mga thrift store.

Ngumisi lang ako. Pero sa loob ko, nagulat akong natatandaan mo pa rin ang panata ko kay Marquez, patron ng mahabang litanya ng pag-ibig.

Friday, February 7, 2014

Dear blog,

I miss you.
So much.

Overthinker Palaboy

Thursday, January 23, 2014

Ilang araw nang nakatago ang espasyong ito. At ilang araw din ang nanahimik sa pagbibigay ng komento sa ilang sulat ng mga kaibigan na blogger. Pasintabi na. Kailangan ko lang ulit protektahan ang aking sarili. At hindi ko pwede ibahagi ang mga detalye.

Sunday, January 12, 2014

Lunes noong nakaraang linggo

Babalik ka na naman ng Tacloban? Hindi ka pa nakakapagpahinga a.

Hindi ako sumagot.

Hindi pa rin tapos 'yung mga trabaho mo. Pinagpatong-patong na 'yang mga kelangan mo tapusin sa office.

Tahimik pa rin ako.

Baka magkasakit ka na niyan sa ginagawa mo. 

Nalaman mo na lang 'yung negosasyon ng pagbalik ko sa Tacloban noong binisita mo ako sa office. Nilagay ko na kasi sa kalendaryo ko yung posibleng mga araw na nasa Tacloban ako.

Buti na lamang at wala na 'yung mga kaopisina ko. Para akong may magulang na nangangaral. Kulang na lang, ipaalala mo sa akin na uminom ng multivitamins at magpalit ng damit kapag basa na ang kamiseta ng pawis.

Dalawang araw lang ako doon. Kailangan lang. Alam ko naman na alam mo na sa ganito nabubuhay ang dugo ko.

Alam ko. Nag-aalala lang naman ako sayo, mahinahon mong sabi.Tingnan mo yang listahan ng gagawin mo sa linggo bago ka umalis at sa linggo matapos kang mag-Tacloban. Hindi ka naman matutulog niyan. 

Ngumiti ako. Tapos ngumisi na parang aso.

Nagpapaka-aso ka na naman. Hindi ka talaga matinong kausap no!

Nakangisi pa rin ako na parang aso.

Gago ka, sabi mo.


Pikon talo, bulyaw ko. May mountain dew ako diyan na in can. Saka hopiang monggo. Magmeryenda ka muna.

Binuksan mo ang mountain dew at sinimulang tirahin ang hopia. 




Monday, January 6, 2014

Bulong 1

Maniwala ka.
Hindi ko kailangan
na ayusin mo ako.
Ang kailangan ko
ay ang mahalin mo ako
habang inaayos ko ang sarili ko.

Maniwala ka. 

Thursday, January 2, 2014

Ngiti

JOPET: Pare, kailan mo balak
bayaran yung utang mong P64?

PABLO: Oh eto may P100 ako,
may P36 ka? …