Sa kolehiyo, ang klase ay halos sa loob lamang ng isang semestre or trimestre, depende sa unibersidad kung saan ka nag-aaral (o nagtuturo). Bihira ang klase na katulad ng sa akin kung saan buong taon (dalawang semestre) ko hawak ang mga bagets na ito.
Mula sa iba't ibang programa nanggaling ang mga estudyante ko. Ang ilan ay mula sa sining at literatura, yung ilan mula sa pag-iinhinyero. May mga mula sa musika, may mga manunulat, may nasa pagpapaunlad ng pamilya, meron din mula sa nutrisyon at pangmadlang komunikasyon.
Ibig sabihin nito, iba-iba din ang interes ng mga bagets na kitang kita kapag gumagawa sila ng mga proyektong pang-indibidwal. Ang pinakabata sa kanila ay labing anim na taon, samantalang ang pinakamatanda sa kanilang magkaklase ay tatlump't limang taon.
Sa klase ko, ang masayang panoorin ay kapag nagbibigay na ako ng mga gawain sa klase na nangangailangan ng kolaborasyon at diskusyon. Doon sila minsan nagtatalo-talo at minsan ay nagkakagulo.
Noong una, ang hirap nila buuin, dahil salusalungat ang perspektibo, hilig at interes. Pero noong maglaon, habang binibigyan ko sila ng mga kakaibang gawain sa klase (katulad ng paglalakad ng halos kalahating oras ng yapak sa kampus o kaya ay pagbibilang ng lampas apatnapong koi sa isang aquarium o kaya pagsusuot ng indigenous costume sa buong araw habang may iba pa silang klase) ay mas nabuo ang relasyon nila sa isa't isa. Mas madali tuloy mag-facilitate ng mga gawain bilang guro.
Nitong huli lamang, bago matapos ang semestre ay lumalabas ang mga bagets para manood ng sine. May nagtutulungan na ilan para sa project ng isang kasama. Nakakatuwa lang.
Nasulat ko ito ngayon at napost ang larawan dahil namimiss ko sila. Bagamat nabigyan ko na sila ng grado sa semestreng ito at naipasa na nila lahat ng requirements sa klase at tapos na ang obligasyon namin sa isa't isa, may parte pa rin sa akin ang gusto silang makakwentuhan. Kung pwede lamang na imbitahin sila sa opisina para doon sila tumambay ay ginawa ko na. Kaya lang hindi pwede.
Sana, may mga ilan sa kanila na biglaang dumalaw sa akin at bumisita. Lalo pa ngayong, wala pa akong lablayp. Haha.

No comments:
Post a Comment