1.
Dose na taon na simula ng maging magkakilala kami ni Ben. Bagong salta siya sa unibersidad bilang freshie. At na-assign ako na buddy niya sa student organization. Ako yung naging kuya-kuyahan niya at tumulong sa mga adjustments niya.
2.
Kagabi. Malaki ang buwan. Bilog na bilog pa. Nagpapahinga ako sa terrace noon matapos ang mahaba-habang araw sa work from home na setup.
Kumusta ka na, Kuya? Tanong mo sa akin sa text.
Sino to? Number lang. Walang pangalan sa cellphone ko.
Si Ben to.
Matagal na tayong di nag-uusap... Kita tayo?
Pinag-iisipan ko yung paano ako tatanggi. Nagreply na lang ako na, Tambak ako sa trabaho nitong linggong ito, Ben. Next time.
Ah sige. Gusto ko sana makipag-ayos.
Di na ako nagreply.
3.
Kakabreak up lang namin ni Jen noon. Horrible yung break up. Unang pagpusta ko yun sa pag-ibig matapos ang mahaba-habang panahon. E ayoko sana bumitiw kahit kumakalas na siya.
Kaya halos isang buwan din yun na iyak, galit, panunuyo. Tapos marereject o hindi ulit ako papansinin ni Jen. Tapos iiyak ulit ako, tapos magagalit. Tapos manunuyo.
Hindi naman ako magaling sa pag-ibig pero sinubukan ko noon na isalba yung nalulunod na namin na relasyon. Buo yun. Buong effort.
4.
Sakit ng pag-iwas at di niya pagpansin. Sobrang sakit, Ben.
Si Ben lang ang kakwentuhan ko noon kasi iniiwasan ko na makipagkwentuhan sa iba kong barkada na sinabihan akong talo na ang case namin ni Jen.
Kuya, dito lang ako. Isang yaya lang ako ng inuman.
5.
Two years din siguro bago ako nakamove on kay Jen.
6.
Nalaman ko na sa two years na nag-struggle pa rin ako sa break up namin ni Jen, naging sila ni Ben. Hindi rin sila nagtagal. Pero naging sila.
7.
Gusto ko lang sana magrelax matapos ang mahabang araw. Hindi ako masaya sa setup ng trabaho. Tapos nagtext ka.