Gumising ako ng maagang maaga. Gusto ko kasi makita ang paunti-unting paggapang ng liwanag sa kalawakan. Pati na rin ang paunti-unting pag-ingay ng mga ibon sa nag-iisang puno nsa tabi bahay na tinitirhan ko ngayon.
Sa sobrang bilis ng mga araw, at sa dami ng hindi rin magagandang nangyayari sa paligid, nakakalimutan ko na pangarap ko noon ng tumira sa bukid. Mas payak na buhay. Hinahabol ako ng ingay ng syudad dahil sa aking trabaho. Nakalimutan ko na nabubuhay ako ngayon sa ilang taon kong pinangarap na buhay.
Bawal ako ngayon ng brewed coffee dahil kailangan kontrolin ang caffeine na pumapasok sa aking katawan. Kaya naka chai tea latte ako ngayon. Sariling gawa. Hindi galing Starbucks. Unti-unting paghigop dahil mahaba ang oras ko. Alas singko pa lang ng umaga. Alas otso pa simula ng maingay kong buhay sa trabaho.
Magiging okay din ang lahat, paulit ulit ko. Gusto ko bigyang pag-asa ang sarili.