Sunday, February 24, 2013

Sa iyo na sa puso ko ay nakauna

Naisip kong halikan kita kanina,
pati kahapon, at nung isang araw.

At alam kong iisipin kong halikan ka
bukas, sa makalawa at sa susunod pang mga araw.

Naisip kong halikan ka
ng dahan-dahan, habang dinadama ng labi ko
ang mga labi mo.


Naisip kong halikan ka.
Ikaw lang. At wala nang iba. 

Tuesday, February 19, 2013

Kaibigan,

Hanapin mo ang nagpapatibok ng puso mo at ialay ang buhay para dito.
Hayaan mong higupin hanggang maiga nito ang kabuuan mo.
Pasanin mo ito, hanggang tuluyan kang lumubog sa kawalan.
Hayaan mong patayin ka nito at kainin ang iyong katawaan at kaloob-looban.
Sapagkat maraming bagay ang pwedeng pumatay sa iyo, yung iba mabilisan, ang iba ay marahan.
Subalit mas masarap na mamatay sa bagay na mahal mo.

Sunday, February 10, 2013

Pag aayos ng kwelyo matapos ang mahabahabang paglalakbay

Kahapon, naisipan kong magbyahe papuntang Nueva Ecija. Wala akong kakilala dun maliban sa isang kaibigan na taga-Gapan at isang naging kaklase sa masteral na taga-Cabanatuan. Hindi ako sa dalawang lugar na yan pumunta.

Naglakbay ako papuntang San Jose. Walang kakilala, walang kaibigan. Gusto ko lang tumakas sa ingay ng lungsod at sa responsibilidad sa trabaho.

Kung mananatili lang kasi ako sa bahay, maiisip ko simulan ang maglinis ng kwarto. O kaya simulan ang pag aayos ng lektyur sa linggong ito para sa klase sa kolehiyo. O kaya magplano ng iskedyul ng preschool sa mga susunod na araw. O kaya tirahin ang papel ko sa masteral.

Pero sawang sawa ako sa ganyang shiz nitong nakaraang linggo. Medyo mabigat ang nakaraang limang araw kaya gusto ko sana na ang Sabado at Linggo ay panahon naman para sa sarili.

Kaya bigla akong napabyahe sa lugar na wala akong alam. Matapos ang medyo mahaba-habang paglalakbay, nagsettle ako na sa San Jose, Nueva Ecija ako magpapalipas ng gabi pati na rin ng Linggo.

Saturday, February 9, 2013

Kung paano pinagsabay ang pagtuturo sa preschool at pagtuturo sa kolehiyo ng konsepto ng break up

Pansinin niyo yung larawan. Nakatapak sa masarap at makulay na icing ng cupcake ang baboy pero banlag siya.

Parang ganyan ang pakiramdam ko ngayon. Ginagawa ang pangarap na trabaho pero wasak na wasak ang katawan at sabaw na sabaw ang utak.

Buti na nga lang mataba ang puso ko dahil yung trabaho na ginagawa ko --yung pagtuturo ng mga chikiting at mga bagets ay naeenjoy ko ng husto.

Sa mga chikiting, isang linggo kami na hindi nagkita bilang klase dahil naka-eskedyul sila na pumunta sa classroom ng paisa-isa para suriin kung ano na ba ang nakamit namin matapos ang lampas kalahating taon na pagsasama sa klase. Hindi kami ang tradisyunal na paaralan na nagbibigay ng pagsusulit sa mga bata sa pamamagitan ng pagsagot gamit ang papel at lapis. Mayroon kaming mga checklist na sumusuri sa kung ano ang dapat makita sa isang bata na nasa partikular na taon. Komplikado ang shiz na yan kaya sa susunod ko na ipapaliwanag. Basta sa assessment nato, halimbawa, hindi lang namin tinitingnan kung kaya na ba ng bata na bumilang ng malakas (rote counting) mula isa hanggang dalawampu't lima. Susuriin din namin kung naiintindihan ba ng bata na ang bilang na isa ay sumisimbulo sa isang bagay at ang sampu ay representasyon ng sampung bagay (counting with understanding). Hindi lang memorya, may pag-intindi. Ganyang shiz.

Sa kolehiyo naman, natapos na namin ng mga bagets ang mga teorya sa mate selection. Pinag usapan din namin na hindi naman talaga tayo "malayang" namimili ng iibigin at pakikisamahan sa habang buhay pero may pattern tayo na sinusunod. Parang Matrix na storyline shiz. Pinag-usapan din namin ang mga pag-aaral na ginawa sa Pinas tungkol sa kung paano umiibig ang mga tao noon at ngayon. Maganda ang talakayan kasi sa mga teorya na pine-present ko sa kanila, nagsisimula silang kwestyunin ang mga assumption at konsepto ng mga ito, hindi lamang nilalapat sa personal na karanasan pero may paghahambing sa ibang teorya na sumasalungat sa teoryang binabanggit. Ayos, nagsisimula na ang kritikal nilang pag-analisa sa mga bagay-bagay at hindi na lamang nakaikot sa kanilang sariling karanasan at paniniwala.

Wednesday, February 6, 2013

Studying love is no guarantee of finding it.

May libreng diagnostic test na ginawa si John Lee patungkol sa kung anong estilo ng pag-ibig meron ang isang tao. Kasama yan sa sinagutan ng mga estudyante ko sa kolehiyo nung isang araw. Para may paglapat ang teorya sa kanila.Para hindi teorya lang kundi teorya at patungkol sa kanila. Mas gugustuhin kasi natin pag-aralan ang mga shiz na may kinalaman sa atin.

Yang larawan sa kaliwa yung resulta. Labing isa sa mga bagets ay eros lovers, tatlo ay dominant sa kanila ang storge na pag-ibig, at dalawa ay pragma ang estilo ng pagmamahal.

Isa lang ang six styles of love ni John Lee sa mga teorya ng pag-ibig na pinag-usapan namin sa klase. Dahil palagay ko ay pasok sa schema nila ang usapin ng puso, masyadong maingay ang naging diskusyon.

Para sa hindi pamilyar, eto ang buod ng anim na estilo ng pag-ibig ni Lee:

Sunday, February 3, 2013

Timog, babalikan kita sa taong ito.

Mahalaga sa akin ang tsinelas na yan. Binili ko sa isang baryo sa isang liblib na lugar sa may gawing timog ng Pilipinas.

Yang tsinelas na yan ang saksi sa pakikipamuhay ko sa mga tao dun. Pati na rin ang pagdiskubre na mali ang hinala ng mga taga-Luzon na magulo sa parteng yaon ng Pinas. Hindi lahat ng tao sa lugar na pinuntahan ko ay palaaway. Hindi lahat ng mga tao dun ay galit sa mga Kristyano.

Premyo sa sarili

Dahil natapos ko na ang:
  • pagbabasa at pagbibigay komento sa tatlong linggong lingguhan na reflection paper ng mga bagets sa kolehiyo
  • pagtsetsek ng midterm exam ng mga bagets sa kolehiyo
  • pagbibigay komento at pagtatama ng project proposal ng apat na grupo para sa kanilang civic welfare service
  • pag-aayos ng ilang papel na sinumite tungkol sa diskusyon tungkol sa mga teorya ng pag-ibig at teorya sa paghahanap ng makakasama sa buhay
sisimulan ko nang basahin ang Blindness ni Jose Saramago.

Patungkol ang nobela isang lungsod na nagkaroon ng epidemya kung saan lahat ay nabubulag. Sa simula, binigyan ng naratibo ang tungkol sa isang taong biglang nabulag habang hinihintay ang ilaw trapiko na magkulay berde, isang magnanakaw na biglang nawalan ng paningin, isang doktor na gumagamot ng mga sakit sa mata na bigla na rin lang nabulag at isang pokpok na hindi talaga pokpok (ang labo, ah basta ganun!) na matapos ang dyugdyugan ay hindi na niya makita ang sarili niyang katawan.

Alkohol at tsaang malamig

Wala ako masyadong interaksyon sa mga kaibigang blogero kaya mas mahaba ang oras ko magsaliksik ng buhay sa labas ng cyberspace.

Limitado ang oras ko kaya hindi naman ako pwede mag immersion sa mga komunidad na pinupuntahan ko noon.

Walang kakwentuhang blogero at walang kakwentuhan sa komunidad. Kapag pinagsama ang dalawang yan, napansin ko na mas tumitindi ang pagnanasa ng panlasa ko na sumubok ng kung ano mang pwedeng tikman sa kapitalistang mundo.

Nung isang gabi, habang pagod sa trabaho sa unibersidad, naisipan kong sumakay ng kung anu-anong jeep hanggang napadpad ako sa may GMA-Kamuning.

Maalinsangan ang hangin kaya naghanap ang katawan ko ng aircon na lugar. Nag-aalala ako na burgis na ang katawan kong lupa at ginugusto na ang mga lugar na may artipisyal na lamig ng hangin.

Natuwa naman ako na ang isang tindahan na nagbebenta ng overpriced na tsaang malamig ay nag-aalok ng alternatibong timpla. Nilalagyan nila ng alcohol ang mga milk tea nila. May agam-agam lang ako dahil sa aking hinuha, hindi pwedeng pagsamahin ang gatas at alcohol. Pero nung tinanong ko sa barista, ayos naman daw ang halo nila at wala naman daw na-food poison.

Saturday, February 2, 2013

Agahan ng alas tres ng umaga.

Unhealthy breakfast para sa isang unhealthy na schedule.

Kasabay ng laptop kung saan tinitipa ang papel sa masteral ang isang libro patungkol sa paghihilom ng sugat ng pamilya, ang big uhaw na mountain dew, ang bamboo-scented candle at isang goey chocolate cake mula sa Chokiss sa UP Diliman.

Eto ang simula ng mabibigat na araw dahil bukod sa regular teaching load ko ngayong semestre, may ilang task centered position na nakaantabay na trabahuhin. May tinatapos din akong papel na ipepresent ulit sa panel sa Marso. Kelangan ko ng naratibo ng apat na bata.

Mabigat ang buhay manggagagawa at buhay estudyante sa mga oras na ito. Pero lagi namang may kasiyahan na nakikita sa bawat araw kaya okay lang. Nagsimula na rin akong tumakbo ulit dahil lumalawak na ang espasyo ng hita, tiyan at braso ko. Naghahanap ako ngayon ng dance studio na pwedeng pag enroll-an ng sayaw pero habang wala pa, tatakbo na lang muna ako at lulumain ang apat na taon nang basketball shoes na bigay ng isang tiyahin sa Inglatera.

Maganda ang buhay. Laging maganda ang buhay.