Showing posts with label narrative of a fictional life. Show all posts
Showing posts with label narrative of a fictional life. Show all posts

Tuesday, April 8, 2025

Diskrit na nasa 2

Gaano katagal,
ilang gabi,
o buwan,
o semestre,
bago limutin
ang minsang
mahigpit na
yakap ng kamay mo
sa kamay ko?

Tuesday, April 1, 2025

Diskrit na nasa 1

Sa ilang nakaw
na sandali
sa pagpuslit at
pagkubli,
Ilang sipat sa
kanan
at kaliwa
kung may makakahalata.

Naalala ko
ang pagtatago
at pagtawa ng tahimik
pagngiti,
kilig at kiri
na dulot ng
kaunting dikitan
ng balikat at braso.

.
..
...
Kailan kaya?
Kailan
ulit kaya?

Tuesday, October 13, 2020

Kwentong ROTC

Ganito kita nakilala. ROTC class noon. Freshmen tayo. Pareho tayong nasa Infantry Battalion. 

Exempted ako sa CAT noong high school pero interesado ako sa pag assemble ng riffle. Kaya pagdating ko ng Kolehiyo, habang malayo sa pamilya, nag-enlist ako ng ROTC. 

Pareho tayo ng dorm kaya nagkakasabay din tayo maglakad ng madaling araw papuntang training. Sabay din umuuwi na pawisan at amoy araw. 

Lagi mo ako tinatawanan dahil ilang beses ako nasisigawan sa session. Palibhasa, naging kapitan ka noong CAT mo noong high school kaya basic na sayo ang mga military drills. 

Gusto ko lang naman mag-shooting at mag disassemble ng riffle, sabi ko sayo. Hindi ko trip yung mga martsa at pag-ikot ikot ng kahoy na baril. 

Package deal yan, gago. Libre ako ng Martes ng hapon, turuan kita, yaya mo. 

After one year ng ROTC natin, at nag-iba na tayo ng dormitoryo, hindi na kita nakita. Nag-drop ka na rin pala ng University. Bumalik ng probinsiya. At tumulong sa pamilya sa negosyo niyo sa palengke. 

Di ka na sumagi sa isipan ko hanggang nito lamang ng in-add mo ako sa isang social media platform. Nagmessage ka, Kumusta?

Sumagot ako. Gago, ikaw pala yan. Kumusta?

Mahabang kwentuhan tungkol sa buhay mo at buhay ko. At kung paano naging walang kabuluhan ang mga military drills natin sa ROTC. Binato ko sayo na natalo kita sa pabilisan mag assemble ng riffle sa military science class natin. At hindi mo pa nababayaran ang pustahan nating trenta pesos na fishball, sampung piso na kwekwek, saka isang bote ng mountain dew. 

Kapag mas ligtas na ang panahon, bisitahin kita, sabi mo. Covid pa e.

Friday, June 12, 2020

Dorm 11 (M4ñ4nit4 Party)

Naalala kita ngayon habang naglalakad ako papuntang Quezon Hall dala ang plakard na "Please don't call me terorista. Mas preferred ko na tawagin akong Mahal ko or Bebe ko."

Sigurado ako na sa muli nating pagkikita, pagdidiskursuhan natin na ang witty line na yan ay walang masyadong social relevance. Pero idedepensa ko na hindi kailangan na sell out or hardcore ang linya para maging relevant sa panahon ngayon. Etcetera, etcetera.

Pero kahit himay-himayin natin ang plakard ko, sa huli, magiging proud ka sa akin. Dahil humanay ako sa mga walang boses, mga kaibigan ng pinaslang, inapi at walang kapangyarihan.

Sa huli nating kitaan sa Sarah's, pinagdasal ko na sana ingatan at proteksyonan ka ng Diyos. Kanina, naisip ko na maging sagot ako sa panalangin ko sa pamamagitan ng pagiging kinatawan mo dito sa Kalakhang Maynila.

Isisigaw ko muna kaibigan ang gusto mo isigaw. Ako muna ang bahala sa dapat na attendance mo sa Diliman.

Saturday, May 23, 2020

受伤了


1. 
Dose na taon na simula ng maging magkakilala kami ni Ben. Bagong salta siya sa unibersidad bilang freshie. At na-assign ako na buddy niya sa student organization. Ako yung naging kuya-kuyahan niya at tumulong sa mga adjustments niya. 

2. 
Kagabi. Malaki ang buwan. Bilog na bilog pa. Nagpapahinga ako sa terrace noon matapos ang mahaba-habang araw sa work from home na setup.

Kumusta ka na, Kuya? Tanong mo sa akin sa text. 

Sino to? Number lang. Walang pangalan sa cellphone ko. 

Si Ben to. 

Ayos lang ako, Ben. Kumusta? Yan ang reply ko

Matagal na tayong di nag-uusap... Kita tayo? 

Pinag-iisipan ko yung paano ako tatanggi. Nagreply na lang ako na, Tambak ako sa trabaho nitong linggong ito, Ben. Next time. 

Ah sige. Gusto ko sana makipag-ayos. 

Di na ako nagreply. 

3. 
Kakabreak up lang namin ni Jen noon. Horrible yung break up. Unang pagpusta ko yun sa pag-ibig matapos ang mahaba-habang panahon. E ayoko sana bumitiw kahit kumakalas na siya. 

Kaya halos isang buwan din yun na iyak, galit, panunuyo. Tapos marereject o hindi ulit ako papansinin ni Jen. Tapos iiyak ulit ako, tapos magagalit. Tapos manunuyo. 

Hindi naman ako magaling sa pag-ibig pero sinubukan ko noon na isalba yung nalulunod na namin na relasyon. Buo yun. Buong effort.

4. 
Sakit ng pag-iwas at di niya pagpansin. Sobrang sakit, Ben. 

Si Ben lang ang kakwentuhan ko noon kasi iniiwasan ko na makipagkwentuhan sa iba kong barkada na sinabihan akong talo na ang case namin ni Jen.

Kuya, dito lang ako. Isang yaya lang ako ng inuman.

5.
Two years din siguro bago ako nakamove on kay Jen. 

6. 
Nalaman ko na sa two years na nag-struggle pa rin ako sa break up namin ni Jen, naging sila ni Ben. Hindi rin sila nagtagal. Pero naging sila. 

7. 
Gusto ko lang sana magrelax matapos ang mahabang araw. Hindi ako masaya sa setup ng trabaho. Tapos nagtext ka.

Thursday, March 5, 2020

Laban, pero bumawi

Sinundo kita sa trabaho. May sikat pa ang araw. Sabi ko, Labas tayo. Kain tayo sa Antipolo. 

Ngumiti ka. Sabi mo, sulit yung request ko mag-early out today. 

Sakay ng motor ko, binaybay natin ang Marcos Highway. 

Habang humaharurot tayo ng takbo, sabi ko, Pwede na bang maging tayo?

Sabi mo, Ha? Di kita madinig. 

Sabi ko, Okay lang ba na Vieux Chalet?

Oo, sabi mo. 

Tuesday, June 18, 2019

Kwentong amaretto sour

Ikaw: Inom tayo. Subukan natin ang cocktails nila.

Ako: Ha? Di ako maalam diyan. Wala naman ganyan sa amin.

Bagong salta lang ako sa Quezon City mula sa probinsiya.

Nung highschool ako, pomelo gin lang ang binabarik. Dito kung ano-ano 'yung pagpipilian. May long island iced tea, may black russian, may mojito, wengweng at kung ano-ano pa.

Ikaw: Wag mong gagamitin yung salitang "maalam". Sabihin mo lang, "Di ko alam."

Medyo tumahimik ako.

Monday, June 17, 2019

Para kay R (habang nangongolekta ako ng katahimikan)

Matapos kitang mapaginipan, ilang oras ko inisip kung ano kaya ang gagawin natin kung buhay ka pa?

Noon, habang umuulan sa Palma Hall, tinanong mo ako kung kelan ba nagdedecide ang mga ulan na babagsak na parang gupit gupit na linya o kaya malalaki at maliliit na bilog na patak? Sabi mo minsan kasi, nagbabago ang hugis nila.  May kinalaman ba siya sa humidity ng lugar? O may kinalaman sa buwan ng taon? O baka sabi mo, depende sa degree ng kalungkutan ng mga taong gustong basain ng ulan.

Yung ganyang talk shit mo 'yung namimiss ko. Walang kwenta. Walang mareresolve na problema. Pero ayos lang sa akin.

Saturday, June 15, 2019

Dorm 11 (Yung ahas na pinatay ng tatay ko at yung ahas na lumilingkis sa akin)

ONE. 
Lahat kami, hindi na umuuwi sa bahay sa Nasugbu na kinalakihan naming lahat. Ang isa kong kapatid, nasa Cambodia. Dun niya na-meet ang fiance niya. At mukhang dun na siya magse-settle. Yung isa kong kapatid, nasa Los Baños. Nandun na siya nakatira kasama ng asawa at anak niya. Yung mga magulang ko, madalas nasa Los Baños para alagaan ang nag-iisang apo. Ako naman, bagamat hinahanap ang simoy ng malansang dalampasigan ay nakontento at tumigil na sa matrapik na lungsod sa Quezon City.

Dahil multi-sited na ang pamilya namin, laging malaking ganap kapag ang isa sa amin ay uuwi ng Nasugbu.

Noong isang araw, nagmessage sa family group chat ang erpats ko. Sinabi niya na naglinis siya ng bahay namin sa Nasugbu at nakakita ng dalawang metro na sa sawa. Sabi niya, noong nakaraang gabi, tahol ng tahol ang aso ng kapitbahay. Tapos kagabi, mga aso naman namin ang taho ng tahol. Nang sinilip ng erpats ko, ayan na ang ahas. Mukhang nagtrespassing. Mula sa bahay ng kapitbahay namin, sa amin na.

Siyempre, ang erpats ko, sanay pumatay ng mga sawa. True Brown Style OG yata siya. Syempre joke lang, Pero sanay talaga mang murder ang tatay ko ng mga trespassing na ahas.

So ayun ang laman ng maingay na mga Ping! sa group chat namin sa pamilya.


TWO. 
Matatapos ko na ang thesis ko tungkol sa mga batang nakagawa ng pagkakamali at nakalabag ng batas. Eight years in the making, tsong. Daig pa ang dissertation na multi-sited ethnographic study.

Sa trabaho ko, maya't maya sila nangangamusta at nagchi-cheer. Pero sa totoo lang, ikaw sana ang gusto ko kakwentuhan at pasalamatan noon pa sa pagtatapos nito.

Kita mo noong nasa dorm tayo kung paano ako ka-eager beaver na tulungan ang mga children in conflict with the law. Tapos noong bigla kang nawala, syempre halos wala na akong kakwentuhan tungkol sa ginagawa kong data gathering.

Nitong bumalik ka na pero syempre nasa ibang apartment at malayo sa dati nating lugar, at tinanong mo ako kung gusto kita maging roommate. Bigla akong nagpaalam sa landlady at landlord natin. At agad na sinamahan ka sa isang apartment sa Cubao.

Nagsusubok ka magrecover. Mula sa matagal mong pagkawala sa kalakaran ng naghaharing sistema. Madalas mainit ang ulo mo. Pero iniintindi ko. Ang importante buhay ka. At gracefully na bumaba mula sa serbisyo mo upang bumalik sa iniwanan mong mundo.

Unti-unti na rin natin mini-meet ang mga barkada natin at pamilya mo. Habang unti-unti kong tinatapos ang thesis ko. Hindi pa natin napapag-usapan ang pagdedesisyon mo na bumalik sa Quezon City. Pero hindi pa yun ang mahalaga sa akin. Ang importante sa akin ay maalalayan ka sa tengeneng kurap at bulok na sistema na meron tayo sa lipunan.

Monday, October 22, 2018

Dorm 10 (Sarah's)

Matapos ang limang bote ng pale pilsen at isang tuna sisig sa Sarah's, dumating ka. Tinanong mo kung kanina pa ako. Sabi ko, hindi naman.

Ngayon ko lang napansin na sunog na sunog na 'yung balat mo. Hindi na makita ang senyales ng mestiso mong genes na pamana ng tatay ng lolo mong may malawak na lupain sa Pangasinan. 



Nalaman kong namundok ka. Napansin ko na pinatanda ka na nang karanasan at ng bagong buhay mo. Biniro pa kita na sayang ang Likas Papaya soap na gamit mo noon. Tumawa ka lang at sinagawan ako ng Gago!

Umorder ako ng redhorse, tig-isa tayo. Naubos mo kagad sa loob ng dalawang minuto. Kinuhanan ulit kita. Alam kong namiss mo. Hindi kita inistorbo sa pakikipagtalik mo sa ikalawang serbesa. Kita ang pananabik at uhaw mo.

Thursday, August 23, 2018

Dorm 9

Bigla ka na lang nawala sa dormitoryo.

Maya't maya ka sa akin hinanap ng landlord dahil '0'yung gamit mo, nasa kwarto pa rin natin. Sinabi ng landlord na ikakalakal niya na yung mga gamit mo. Pero nakiusap ako na ako na lang ang magliligpit baka sakaling bumalik ka.

Iba na ang roommate ko. Kelangan ng paupahan 'yung bakanteng kama dahil nagmahal daw ang asukal at kape ni landlord.

Maulan nitong mga nakaraang araw. Sana ayos ka lang.

Dumating ang kapatid mo noong nakaraang buwan dito sa dormitoryo at hinahanap ka sa akin. Kelangan ng nanay mo ng pambili ng gamot. Sabi ko, di ka nagpapakita matagal na. Pero nag-abot ako ng pera. Sabi ko, may patago ka sa akin noon.

Paramdam ka lang pag gusto mo na magpakita. Dadalhin kita sa Kanin Club at oorder tayo ng paborito mong crispy dinuguan. Ako ang taya.

Friday, November 24, 2017

Pagpepetsa ng pag-ibig

Tinanong ni Mark ang kanyang ama kung kailan siya sinimulang mahalin.

Napaisip ang ama. Natatandaan niya kung kailan sila unang nagkita sa ampunan. Pero hindi niya maalala kung kailan niya sinimulang mahalin ang musmos na ngayon ay bente dos anyos na.

Boluntir ang ama sa ampunan. Alam niyang nandoon si Mark pero mas nabigyang pansin niya ang ibang mga bata.

"Gusto ko sana sagutin ang tanong mo, pero hindi talaga mabigyan ng tiyak na petsa."

Nalungkot si Mark. "Hindi niyo maalala?"

"Hindi."



---------------------------
UNA:
Ito yung entry ko dun sa hamon ng propesor sa klase ko noong highschool na gumawa ng istoryang maikli at bitin.

IKALAWA:
Minsan, para tayong si Mark. Naghahanap ng sagot sa mababaw na tanong. Hehe.


Sunday, November 19, 2017

Sobra kang magmahal

Noon, minahal mo ako
ng labis
kaya ngayon, hindi ko
na maramdaman
ang pagmamahal 
na binibigay niya. 

Thursday, November 2, 2017

Dorm 8 (Regalo)

May ireregalo ka na sa akin sa Pasko?

Wala pa. Hirap mo isipan ng regalo.

Simple lang naman ako.

Simple my ass. 

Friday, June 23, 2017

Dorm 7 (Harry Potter movie marathon)

Ako: Sandali, sandali. Usap nga tayo. 

Ikaw: May pinapanood pako. Mamaya na lang.

Ako: Ayun na nga yung gusto kong pag-usapan. 

Ikaw: Ano?

Ako: Napansin ko simula kahapon na minamarathon mo na naman ang Harry Potter.

Ikaw: Naistorbo ba kita? Sorry. Mag-ear phone na lang ako. 

Ako: Anong nangyari? Di ka okay. 

Ikaw: Ayos lang ako.

Ako: Pang-apat mo yang ulit ng Harry Potter mo. Dalawang beses na nagmarathon ka, may problema ka sa acads. Yung ikatlo, bigla ka bumili ng mga libro at binasa mo ng tatlong araw ng dirediretso. At may problema ka sa pamilya mo. 

Ikaw: Pakialamero ka rin sa buhay ano.

Ako: Tomato Kick tayo mamaya. Magkwekwento ka. 

Pagkatapos ng anim na malamig na red horse sa Tomato Kick, nagkwento ka tungkol sa malaki mong problema sa kalusugan. 

Saturday, December 17, 2016

Dorm 5

Natapos mo na 'yung sinusulat mo sa Filipino migration?

Hindi pa. Kelangan ko pa ng 2500 words.

Lagyan mo na lang ng lyrics ng kanta. Di na yan babasahin ng prof mo, dami niyang papel na checheckan.

Gago ka. Kahit requirement lang to, practice to sa pagsulat (ng journal article).

Nadidinig ko nitong mga nakaraang linggo, pinapatugtog mo ang Better by You, Better than Me ng Judas Priest.

Eh ano?

Di alam yun ng prof mo. Ipasok mo na lang sa sinusulat mo.

Gago.

May kaso nun sa States na nagpakamatay daw 'yung dalawang kabataan dahil sa paulit-ulit na pakikinig sa Better by You na yan.

Nadismiss naman. Teka, alam mo 'yung kanta?

Nag-google lang ako. Never ko nadidinig 'yang mga trip mong kanta. May suicidal thoughts ka ba?

Wala. Noon, meron. Wala na ngayon. Wag mo na ako kausapin. Tatapusin ko na 'tong sinusulat ko.

Timbrehan mo na lang ako kung ano man. Kakain tayo ng ensaymada.

'Ge.


Sunday, September 11, 2016

Para kay M

Binili ko na yung singsing na gusto mo noong isang taon. Sabi ko sayo na pag-iipunan ko. Hintayin mo lang. Nagkaroon ng biglaang mga gastos sa pamilya kaya mas natagalan. Yung dapat na anim na buwan na paghihintay mo, naging isang taon at dalawang buwan.

Nagkataon na nung may pera na ako, wala ka na. Sayang hindi mo nahintay. Binili ko na lang para sa nanay ko. At least siya, hindi ako iniwan.

Tuesday, September 6, 2016

Dorm 4

Ako: Nagkita kami accidentally ni ex nung Sabado.

Ikaw: Saan?

Ako: Sa Terminal 3.

Monday, September 5, 2016

Seks at serbesa

Sa tig-isang bote ng serbesa, nag-usap tayo tungkol sa kanya-kanya nating nakaraan. Ikaw na hanggang ngayon ay hindi pinapayagan kitain ang unang taong inalayan mo ng puri, at ako na hindi na pinapansin ng huli kong naikama.

Sabi ko, may hang-ups tayo sa seks. Natigil tayo sa mundo ng huling intimacy samantalang ang mga nakasama natin sa kama ay naka-move on na sa buhay.

Hindi ko kaya 'yung ginagawa niya, sabi ko habang nasa ispirito na ng ikatlong bote. Hindi ko kaya na isaisang tabi yung valid na pakiramdam ng nagmahal.

Sira ka. Hindi mo nga sigurado kung pag-ibig yun. Nakasama mo lang sa kama, sabi mo.

E bakit ikaw, naghihintay pa rin ng pagkakataon na hindi na kayo pagbawalan na magkita at mag-usap? hamon ko habang tiningnan ka ng diretso sa mata.

E ayun, mahal ko yun. Kaya nga sa kanya ko lang binigay e.

Seks pa rin yun.

Tahimik na natin inubos ang ikalawang bote mo, habang ako nasa ikaapat ko na ng red horse.

Malaking tama sa akin ang usapang iyon. Hindi natin naresolba ang malinaw na linya na naghahati sa pag-ibig na walang seks o seks na may pag-ibig.

Saturday, September 3, 2016

Dormitoryo 3

Pssst, ginawa mo akong subject ng blog mo a.

Haha. Oo. 

Gago ka.

Sikat ka na!

Buti nagsusulat ka na ulit. 

Ila-launch natin ang fictional na ikaw. 

Pansin ko nga na mas interesting 'yung tauhan kesa ako bilang ako talaga. 

Kaya nga malikhaing pagsulat.