Monday, June 17, 2019

Para kay R (habang nangongolekta ako ng katahimikan)

Matapos kitang mapaginipan, ilang oras ko inisip kung ano kaya ang gagawin natin kung buhay ka pa?

Noon, habang umuulan sa Palma Hall, tinanong mo ako kung kelan ba nagdedecide ang mga ulan na babagsak na parang gupit gupit na linya o kaya malalaki at maliliit na bilog na patak? Sabi mo minsan kasi, nagbabago ang hugis nila.  May kinalaman ba siya sa humidity ng lugar? O may kinalaman sa buwan ng taon? O baka sabi mo, depende sa degree ng kalungkutan ng mga taong gustong basain ng ulan.

Yung ganyang talk shit mo 'yung namimiss ko. Walang kwenta. Walang mareresolve na problema. Pero ayos lang sa akin.

Naalala ko rin nung binatukan mo ako nung isang araw at tinanong kung ilang katahimikan na ba ang nakolekta ko? Sabi ko, ano? Di kita kasi naintindihan. Sabi mo sa akin, may mga pagkakataon na seryoso ako mangolekta ng katahimikan at di ko namamalayan na yung maiingay na crowd, napapatahimik ko. Na sabi mo, di ko siya sinasadya. Pero nangyayari na lang siya minsan.

Sana ano, buhay ka na lang? Para pwede mo pa rin ako gaguhin sa mga walang kwenta mong tanong at talk shit mo na mga hakahaka sa mundo. Ikaw lang kasi ang may kakayahang mag-ingay habang nangongolekta ako ng katahimikan.

No comments:

Post a Comment