Nag-usap tayo sa Sarah's. Sabi mo gusto mo klaruhin ang lahat. Pumayag ako makipagkita. Dahil ayoko ng may taong nababagabag dahil sa akin.
Sabi mo, "Red horse?"
Sabi ko, "Superdry ako."
Mahilig ka sa chit chat. Ako, di masyadong komportable. Kaya naubos ko ang isang bote kaagad. Tapos nag ikalawa at ikatlong bote ako.
Ang dami mong small talks. Tanong tungkol sa research ko sa Pampanga. Nagtanong ka tungkol sa huli kong playlist.
Sabi ko na ilang araw ko na pinakikinggan ang Skinny Love ni Bon Iver.
Di ko na kaya 'yung parang awkward na atmosphere. Kaya tinanong ko kung may gusto ka bang linawin.
Ngumisi ka. Tanong mo kung nagmamadali ako. Sabi ko, di lang ako mapakali.
Parang mitsa ng sunod-sunod na putok ng sinturon ni Hudas. Tinanong mo kung ano tayo. Tinanong mo kung ano 'yung ibig sabihin ng mga text messages ko. 'Yung pagbati ko sa birthday mo ng alas dose ng gabi at pagpapadala ko ng punpon ng dilaw na rosas. Tinanong mo kung bakit binigay ko sayo 'yung pinakapaborito kong fountain pen. Tinanong mo kung bakit bigla akong pumunta sa Eastwood nung nalasing ka. At sinalba kita para makauwi ka ng ligtas.
Nabigla ako. Akala ko, tatanungin mo lang ako kung isasama kita sa front row invites ko sa performance ko sa Kia Theatre sa concert nina Bullet, Danao at Ebe. Di ko inaakala na iba pala ilalatag mo.
Naghanda pa naman ako. Sasabihin ko sana na para sa mga magulang ko ang complimentary tickets. Pero willing ako bilhin ang isang front row para sayo kung hihilingin mo. Dahil bukod sa pamilya ko, ikaw lang ang naniwala sa akin bilang musikero. At sana bilhin mo ang ticket dahil mahal siya para ibigay ko sayo. At nag-iipon ako para makaaral sa ibang bansa. Pero okay lang bilhin or hati tayo sa bayad dahil importante kang kaibigan.