Friday, August 22, 2014

Ang pagkawala ng aking lola

Eto ang bersyon ko ng istorya:

Gabi na ng tumawag si ermats na nasa ospital ang nanay (lola). Mahina na daw, nilalagnat at hindi na makapagsalita. Sinabihan ako ng ermats na isama ang paggaling ng nanay sa dasal. Pagkababa ng telepono, bumulong ako ng konting panalangin. General na panalangin sa paggaling. Hindi dahil ayaw kong gumaling si nanay. Pero dahil hindi ko kayang pilitin sa utak ko na mahina at nasa ospital ang nanay.

Ang unang alaala ko sa aking lola ay ang paghawak niya ng remote ng telebisyon at paglipat ng channel sa may wrestling. Hindi yung propesyonal at legit na isports. Pero yung may mga karakter tulad ni Owen Heart at Undertaker. Kasabay ng paghigop ng kanyang Tanduay Rhum, nakikisigaw siya habang nagsasalpukan sa wrestling stage ang dalawa o higit pang mga tao. Ang programa ng wrestling ay alas nuebe ng umaga. Ganyan ang nanay. Hindi kape ang pangpainit sa umaga. Tanduay rhum.

Mahilig niya rin kami hawakan sa pototoy namin. Ako at ang aking nakababatang kapatid. Sabay bendisyon na,"Lalaki at bibigat din yan. At bibigyan ako ng maraming apo." Hindi ko alam kung ikakategorya ko ang pangyayaring ito sa sexual harrasment o early sex education. Pero ganyan talaga ang nanay. Hanggang sa pagbibinata namin ay kinakapa ang pototoy namin.

Ang nanay ang sumuporta sa akin kaya nakatapos ako ng kolehiyo. Pinagmamalaki niya ako dahil nakapasa ako sa state university. Tuwing sa amin siya nakatira, lagi niyang hinahanap ang mga medalya ko noong elementarya at high school at tinatanong ang istorya ng bawat isa. Paulit-ulit. Paulit-ulit.

Ang mga maliliit na alaala na ito ang dahilan kung bakit hindi ko mabigyang imahe ang balita ng ermats ko na nasa ospital ang nanay at malaki ang tsansa na bawian na siya ng buhay doon. Makalipas ang dalawang gabi simula ng tumawag ang ermats, tumawag ulit siya para ibalita na wala na nga ang nanay.

Sa trabaho ko, mahirap gawa. Ng paraan na lumiban sa trabaho. Buti na lamang at wala akong weekend meeting kaya nakauwi ako ng Pangasinan para puntahan ang labi ni nanay. Hindi ako masyadong makausap noon dahil hindi ko rin alam kung paano ako makikitungo sa katotohanan na wala na ang taong nagpakilala sa akin sa mundo ng teleserye ng wrestling.

Ilang linggo din akong hindi nakakausap. Una kasing pagkamatay ng isang malapit na kapamilya. Para ngang wala ng saysay noon ang buhay. At nawalan na ako ng gana sa trabaho. Hindi lang ako makaalis noon dahil sa kontrata ng trabaho.

At ngayong iniisip ko siya, medyo malabo na ang ilang alaala ko kay nanay. Hindi na kasing sakit noon ang pagkawala niya. Hindi ko na rin maalala ang himig ng boses niya. Pati na rin ang distinct na amoy niya.

At dito ko naisip na ang mga tao, habang tumatagal ang pagkawala sa buhay natin ay nagdudulot ng espasyo. Isang lumalaking puwang sa bawat araw na lumilipas. Hanggang sa ang tunay na karanasan sa taong iyon ay nagiging alaala na lamang. At maglaon, ay isang malabong konsepto.

Patuloy ako nananalangin sa Maykapal, na huwag akong lumimot.

4 comments:

  1. Cool naman ng lola mo hinihipo putotoy nio hihi

    Ako nkakalimutan ko o pilit kong hindi na inaalala ang mga bagay na masakit sa akn kung i reminisce ko pa
    Kasi feel ko masasaktan ulit ako..


    Hello musta na?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahaha!Tumimo talaga sa isipan mo ang paghawak ni Nanay ng pototoy namin :P

      Delete
  2. he he very touchy naman si Lola ... but then sabi nga , good memories lasts a lifetime : )

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tinatala ko na nga dito sa espasyo nato para di makalimot.

      Delete