Monday, November 3, 2014
Gusto ko sana ikwento sayo ang tungkol sa buhay at kamatayan ni Ogie
Siya yung nagtitinda ng balot sa may labas ng seben eleben sa may Anonas. Yung sa may tapat ng panaderya sa Kawilihan.
Gusto ko sana sayo ikwento kung paanong kahit madumi ang kuko ni Ogie sa talampakan ay madami siyang nabasang mga maiikling kwento nina Nick Joaquin, F. Sionil Jose at Bob Ong. Oo, kasama ang kontemporaryong si Bob Ong.
Na minsan, nasabi ko sa kanya na mas gusto ko siyang kausap kesa sa mga housemate ko sa bahay na wala ni ga-libag na interes sa pagbabasa ng mga kwento at tula.
Na nagulat ako dahil minsan, sinabi sa akin ni Ogie na “Ang Tornilyo sa Utak ni Rufo Sabater” ni Alfonso Mendoza ang pinakapaborito niya sa lahat ng maiikling kwentong nabasa niya. Hindi ko alam yung kwento kasing iyon. At lalong hindi ko kilala kung sino si Alfonso Mendoza. At napabulong na lang ako ng "puta" noong nag-google ako at nakita ko na nanalo ng Palanca 'yung kwentong binanggit niya. Noong 1980. Mas matanda pa sa akin ang kwento.
Walang alam sa literary theories itong si Ogie. Hindi niya alam ang organisadong lente na ginagamit para sipatin ang ganda ng kwento, walang sukat, walang teknik. Pamantayan niya lamang ay dalawang bagay: Una kung naintindihan niya. Pangalawa, kung may sinabi ang kwento sa puso niya.
Si Ogie ang isa na mga konting tao na nabahigan ko ng ilang mga personal na naratibo. Madali kasing magkwento sa taong hindi ko kakilala. Hindi niya alam ang bahay ko, wala kaming parehong kaibigan. Naikwento ko sa kanya ang tungkol sa paniniwala ko na pwede pang makipagkaibigan sa ex. At kung paanong sinubukan ko itong gawin. Sinabihan ako ni Ogie na ang gusto kong mangyari ay "mas magulo pa sa bulbol". Ganyan ka tuwiran at malinaw si Ogie.
Hindi ko alam kung nadinig ng mga maligno na nag-aalaga ng mga balot ni Ogie ang babala na binigay niya. Pero totoo nga na naging magulo pa sa bulbol ang mga nangyari sa amin ni ex.
Noong Huwebes dalawang linggo na ang nakakaraan, hinahanap ko si Ogie sa seben eleben dahil ikwekwento ko sana sa kanya kung paano nabigyan ng masamang kahulugan ang pagsasalita ko sa diskusyon namin sa simbahan patungkol sa seks. Alam kong maiintindihan niya ako patungkol sa paggamit ng saktong salita patungkol sa mga bagay at hindi pagkukubli sa mga pangbatang salita. Ang titi ay titi ay hindi kwan. Ang seks ay seks ay hindi pag-aanuhan. Hindi ako naniniwala sa shamefulness ng seks. Hindi talaga ako magsasalita sa small group pero tinanong ako ng lider tungkol sa opinyon ko. Kaya sumagot ako. At sinabi ko ang pananaw ko. At pinagsabihan ako ng lider. At tiningnan ng makabuluhang tingin ng mga kasama sa small group. Alam kong may panghuhusga ang tingin nila. Pero hindi sila berbal na tulad natin kaya hanggang tingin lang sila. At gusto ko sana sumigaw ng PUNYETANG MALAKI sa kanilang lahat pero alam kong talo lang ako. Gusto ko sana ito ikwento sa kanya. Pero wala siya sa pwesto niya sa labas ng seben eleben.
Kahapon ko lang nalaman na nasagasaan si Ogie. At namatay. Punyetang malaki. Sa lahat ng pwedeng masagasaan, siya pa. Hindi ko man lang alam kung saan dadalawin ang pamilya niya.O kung saan siya nilibing. O kung nalibing na nga ba siya. Kasi masyado naming nirespeto ang prayvasi ng bawat isa.
Maganda ang kwento ng relasyon namin ni Ogie. Pero pangit ang pagkamatay niya. Wala man lang kahulugan ang pagkamatay niya dahil nasagasaan lang ng mabilis na trak ng gulay. Daw.
Ngayon, sinasanay ko pa ang sarili ko na wala si Ogie sa may labas ng seben eleben sa may kahabaan ng Anonas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Condolence
ReplyDeletekailangan lang siguro nating maniwala na lahat ng bagay ay may dahilan. :)
ReplyDeleteNapaisip tuloy ako kung ano kaya ang buhay ni Ogie bago ang pagtitinda niya ng balot...
ReplyDelete...base sa iyong kwento, hinuha ko'y napaka-interesting na tao ni Ogie.
RIP Ogie.
No joke ba 'to? Kung yung naaalala ko ngang nagtitinda ng balot sa 7-11 talaga 'to, yung manong na madalas bilhan ng balot ng tatay ko dati, aba eh, kelangan ko ding masipat kung wala na ba talaga siya dun. Nasa 7-11 na iyon ako nung isang gabi lang, pero di ko napansin.....
ReplyDelete*buntong-hininga*
Not sure how real this is but if it were, shet ang lungkot. Ang too good to be true nung feeling na may lalaking may sense at mahilig sa lit na never makakapagloop back ng mga chinichika mo. haha
ReplyDeletenacurious ako sa kwento ng turnilyo.. ang alam ko lang na wento na nanalo ng palanca awards ay yung 20 questions ni juan ekis.. *now searching*
ReplyDeleteang galing dami alam ni ogie. isa sa mga principle wag talaga husgahan ang tao sa pananalita o kasuotan o kahit sa trabaho man. ang tulad ni ogie ay isang inspirasyon para sa lahat. kung nasan man si ogie, my prayers. rip.
ReplyDelete