Wednesday, August 8, 2012

Rebyu ng pelikulang Ang Nawawala





Pasintabi kay Rolando Tinio pero naniniwala ako na ang indie film na Ang Nawawala ni Marie Jamora (2012) ay hindi lamang basta-basta na superpisyal na naratibo ng buhay mayaman. Marahil masyadong linyente si Ginoong Tinio sa pagtinging marxismo sa paggawa ng rebyu sa pelikula. At kung sa ganitong pagtrato sa pelikula, totoong madaling sabihin na oo, walang replexibong pagtanaw ang pelikula.

Gayunpaman, idinudulog ko na tingnan ang buhay ng napiping bida sa ibang balangkas. Ang paniniwala ko ay ganire: kung ang bawat tao ay may kanya-kanyang pangangailangan (kapangyarihan, kalusugan, pag-ibig, atbp), ito ay maaaring iba-iba ang larawan. Ang kapangyarihan halimbawa, bilang pangangailangan ay maaaring patungkol sa paghawak ng sariling oras para sa isa at iyong pagkamit ng pera pambili ng materyal at sosyal na kontrol naman para sa iba. Sa ganitong pagtingin, iikot sa kasaysayan ng isang indibidwal, pati sa ang kanyang mga pagpapahalaga ang paghubog sa larawan ng pangangailangan. Your experiences and values will shape how you view your needs.


Sa madali't sabi, ang bawat pangangailangan ay iba't ibang larawan kada tao. Sa mas malalim na pagkilala sa sarili, mas nagiging malinaw sa isang indibidwal ang larawan ng kanyang pangangailangan, pati na ang paghabi ng karampatan o kalabisan nito.

Sa panonood ng Ang Nawawala, makikita ng manonood ang isang halimbawa ng pangangailangan --ang pakikipag-ugnayan sa kapwa na binibigyan niyang halaga. Ang pipi sa bida ay makailang ulit lamang nakipag-usap: sa kanyang sarili, sa taong mahalaga na nawala sa kanya, gayundin ang nag-iisang iniibig niya. Totoong buhay, totoong pagpapahalaga. At oo, nasa mikro na lebel ang pag-analisa. At pasintabi sa marxismo, hindi makro ang tinitingnan. Hindi ang komunidad, kundi ang tao mismo. Ang indibidwal mismo na humahabi ng kanyang buhay at realidad.

Hindi kasalanan ang maging mayaman. Hindi kasalanan ng bida sa istorya na pinanganak siya sa burgis na pamilya na may burgis na pamumuhay at burgis na pagpapahalaga.Hindi ibig sabihin na kapag mainstream ang ideya at kilos, hindi na ito kritikal. Marahil nga, ito ang kritikal, na nasa loob ng isang indie film ang naratibo ng may kayang pamilya.

Wala din akong nakitang masama sa tatlong buong kantang inilagay at pinagsiksikan sa pelikula. Kung titingnan ang karanasan ng direktor, isa siyang music video director, ang magpapaliwanag ng kanyang pagkagumon at pagpapahalaga sa musika na inilapat sa mga senaryo. Hindi bad choice ang mga musika, sinusuportahan pa nito lalo ang karakter ng mga bida sa pelikula, gayundin ang kanilang justified acts sa bawat eksena.

Ayon kay Bienvenido Lumbera, hurado ng Cinemalaya 2012, ang isang tampok sa mga lahok ay ang pagtalakay ng isa na namang aspekto ng buhay sa lipunang Filipino: ang nakakataas na uri’t maykaya.  Medyo kinabahan ako sa pangungusap na ito. Gayunpaman, pagkatapos manood ng pelikula, masaya ako na binigyang pagkakataon ng ipakita ang ganitong uri ng naratibo.Hindi niya lang ako inalis sa kung ano ang kasalukyan kong pananaw, pangangailangan at pagpapahalaga sa buhay. Dinala niya ako sa buhay ng isang taong nagpakapipi upang diskubrihin kung ano ba talaga ang mga mahalaga sa buhay ng tao. At sa pagsasalita ng bida hanggang sa mangilan-ngilan niyang dayalogo, inihandog niya ang palagay niyang importante. Hindi grandiyoso, hindi komunidad na pagtingin, pero may pagsisipat sa lalim ng sariling pagkatao.

Yaan ang pelikulang Ang Nawawala. Mahusay ang pagkakagawa.


No comments:

Post a Comment