Monday, August 20, 2012

Namiss


Naaalala pa rin ako ng mga aso kahit isang taon ko silang hindi nabisita sa bahay mo. Mahigit isang taon na rin tayong hindi napagkwentuhan, ayung huli nga ay noong hinatid ko ang mga aso. Para ibigay sayo sapagkat sa lugar na bago kong titirhan, hindi pwede ang mga hayop.

Agad mong sinabi na sa iyo na yung mga aso, sapagkat sabay naman natin silang nakitang naglakihan, sabay natin silang nakitang natutong dumumi sa tamang lugar pati na rin ang sabay na pagkakaroon ng konsumisyon noong kinagat nila ang mga papeles na trinabaho natin ng isang linggo para lamang ulitin ang kalahati ng mga iyon sa loob ng isang oras para lamang kumita pambayad ng renta ng bahay.

Nakakatawa na mahigit isang taon na tayong hindi nakapag-usap. Ikaw na sa palagay mo ay mga aso na iniwan ko ang nagdudugtong sa atin na alam mong sa hinaharap ay bibisitahin at kukumustahin kita at ang mga aso. Ako na nasa telepono ko ang numero mo, ngunit hindi man lamang matawagan sapagkat abala sa bagong buhay na niyakap ko simula nang magdesisyon tayong iwanan na ang bahay na nirerentahan nating dalawa sapagkat hindi praktikal ang presyo.

Gaano na nga ba katagal? Makailang lipat na rin ako ng bahay simula noon, at palagay ko ikaw din. Matagal-tagal na rin yun. Alam mo na isang araw ay kukumustahin kita kaya sinikap mong hindi magpalit ng numero ng telepono. At ayun nga, nakikita ko ang ngiti mula sa boses mo noong tumawag ako sa iyo para mangamusta. Sinabi mo na dalawin ka sa bahay mo sa Paranaque, at pati na ang mga aso. Nagtaka ako kung bakit bahay ang tinutuluyan mo. Sinabi mo na di ka makahanap ng condo unit na pwede ang mga aso kaya kahit sa Paranaque ay naghanap ka para lamang makasama mo pa rin ang mga aso natin. Malaking sakripisyo yun lalo na nasa Makati ka nagtatrabaho. Sabi mo ayos lang, mahalaga ang mga aso.



Kilala pa rin ako ng mga aso. Agad silang lumapit sa akin, at dinilaan ang mga kamay ko. Sabi mo na ang alaala ng mga aso ay hindi agad nawawala. Kikilalanin pa rin nila ang unang kumupkop sa kanila. Gaano man katagal na nawala.

Namiss ko ng husto ang mga aso. Pero mahirap siyang sabihin sayo. Kasi pakiramdam at salita lamang siya na walang katumbas na gawa. Alam ko na matindi ang pagkamiss ko sa kanila noong nakita ko sila pero mahirap itong patunayan sa isang taon na di ko sila kinumusta o binisita. Niyakap ko ang mga aso, pinikit ang mata habang pinupuno ng aking baga ang amoy nila.

Sinabi mo na halatang namiss ko sila. Ngumiti ako kasi alam kong alam mo na di ko iyon kayang sabihin sa harap mo kaya ikaw na ang nagsabi ng mga salitang di ko kayang sabihin. Di ka pa rin nagbago. Nandoon pa rin ang malalim mong pagbasa sa aking kilos at pag-iisip. Ikaw pa rin ang dating ikaw.

Di ka nagbago.

No comments:

Post a Comment