Sunday, July 12, 2015

Kung paano nagdirect ng break up ang ex kong nag-aaral ng Film

Sabi mo noon, kung may magtatapat sayo ng pag-ibig, ang pangarap mo ay gawin ito sa may kanto ng College of Engineering at sa may Yakal Dormitory. Gusto mo na gabi mangyari yun. At umuulan. Naniniwala ka kasi sabi mo na kapag namatay na tayo, papanoorin natin sa big screen sa langit ang buong buhay natin. Uulitin ang lahat. Sa big screen. Sabi mo, may ilang parte ka ng buhay na gusto mo maganda ang sinematograpiya. Kasama na doon ang pagtatapat ng pag-ibig sayo.


Kaso lang, girlfriend na kita nung nakwento mo ito sa akin. Nagtapat nako sayo ng pag-ibig. Hindi sa kanto sa may engineering at yakal. Pero sa cafeteria ng hospital. Hindi din umuulan noon. Naalala ko tanghali yun tatlong araw matapos akong malabas sa ICU.

Naalala ko ang dream scene mo ng pagtatapat ng pag-ibig dahil kahapon, nasa kanto tayo ng engineering at yakal. Gabi noon at umuulan. Sinabi mo na magbreak na tayo dahil hindi mo ako nakikita sa future mo. At may taong mas deserving sa akin at hindi ikaw yun. Na mahal mo ako pero alam mong may taong mas magmamahal sa akin sa hinaharap. Hindi mo ako pinagsalita. Nilagay mo ang daliri mo sa labi ko para hindi ako pigilan akong magsalita. Ang huling sinabi mo sa akin, huwag kitang susundan. Naglakad ka papalayo sa akin. Habang malakas ang ulan. Habang gabi. At habang naiwan ako na naguguluhan sa nangyari.

Ngayon, naiimagine ko na pinanalangin mo na sana maganda ang replay ng breakup natin kapag showing na sa langit. Naisip ko na pinapanalangin mo na sana close up yung shots natin na nagsasalita ka habang ako naguguluhan at nagugulat at nalilito. At habang naglalakad ka papalayo, sana ang shooting ng camera ay bird's eye view. Una malapit, pataas ng pataas ang camera. Para maemphasize ang paglayo mo. From point A (beside me) to point B (palayo sa akin, going west).

Pesteng sinematograpiya na yan. Kung matrato mo ako, parang project mo lang sa Film 113. Naway makita mo nga yung senaryo natin kahapon sa kanto ng engineering at yakal pag sumakabilang buhay ka na. Pero sana hindi sa langit. Kundi sa lugar na hindi uso ang happy ending.

Hindi na ako ulit magsyosyota ng Film major.

14 comments:

  1. Nasanay na akong tumitingin sa labels mo. Di ko maintindihan kung paniniwalaan ko ang istorya mo o paniniwalaan ko ang labels mo. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. FSOQ, hahaha! May kalayaan tayo maniwala sa bagay na komportable tayo *pa-deep shiz*

      Delete
  2. Napatingin din tuloy ako sa labels :)
    Hindi ko tuloy alam sasabihin ko hahaha

    Eh kasi ang hard ng huling paragraph...
    Filipino major naman sir Op, at least medyo malapit sa Film, lol (lakas ng logic ko hahaha)

    ReplyDelete
  3. putangina nahurt ako. shet. hindi ako makakagetover! bwisit yan.

    ReplyDelete
  4. Kung magiging bida man ako sa pelikula sana hindi ganto yung eksena hahaha

    ReplyDelete
  5. Napanood na ba kita sir sa sine? Ikaw ba yun? Lols.

    Ano pong background music nito?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nood ka ng latest movir ko. Showing na Yccos. Partner ko this time si Sarah G.

      Delete
  6. Maganda nga ang kinalabasan ng sinematograpiya pero ang bigat ng pinagmulan. Kung magkakaroon man ng replay sa langit pipila ako sa manunuod, pero ang sakit.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Inong, sa impyerno ang replay niyan. Hahaha. Buhay niya yan e.

      Delete