Monday, June 29, 2015

Graduation day kahapon ng UP Diliman.

Naalala ko nung grumadweyt ako noon, hindi ko kasama ang mga batchmates at blockmates ko. Nadelay kasi ako ng isang semestre. Kaya sa sumunod na taon ako nag-martsa. Kung tutuusin, ayoko na noon umatend ng university rites. Kaya langako kasi ang una sa pamilya namin na nag-aral at nakatapos sa UP. Kaya para sa mga magulang ko talaga yung seremonya.

Noong natapos ako, sabi ko magagawa ko na yung gusto kong gawin --ang fulltime na maglingkod sa bayan. Tangay ang idealismo  at nasyonalistang edukasyon, sabi ko tutulong ako na baguhin ang mundo.

Hindi sa akin nasabi ng mga prof ko na isa palang jungle ang mundo sa labas ng unibersidad. Ang mga tao ay may pangil. Kapag gumawa ka ng mabuti, madalas na mamisinterpret ka. Kapag nagsalita ka ng iniisip mo, malaki ang tsansa na ma-misquote ka. Akala ko noon, mas maayos ang pribadong sektor. Pareho lang pala na may kabulukan ang public or private systems. Iba-iba lang ang hugis at anyo. Hindi rin ako naging handa sa mga sitwasyon na kahit nagtatrabaho ako ng tama, may tsansa na ma-delay ang sahod ko. At malaki ang tax ko. Sa trabaho ko rin nakita na ýung ilang mga hinahangaan ko ay hindi pala talaga kadambadambana. Baluktot din minsan. At maraming kapulapula.

Pero sa labas ng unibersidad ko rin natutunan na maraming mabubuting kawani at opisyal ng gobyerno. Madami sa kanila ang katulad kong mahal ang bayan. Sa labas ng unibersidad ko  natutunan na hindi ko kailangan gawin ang mga bagay mag-isa. Lagi at laging may mga tutulong at gustong tumulong. Sa trabaho ko rin natutunan na madalas, mas matalino sa buhay ang mga hindi nakapag-aral pero mayaman sa karanasan. At hindi kailangan ng diploma ng UP para maging maunlad o masaya at kontento sa buhay. Sa labas ng UP ko rin natutunan na minsan, kailangan kong piliin ang trabaho na makakapagbayad ng monthly bills ko. Dahil kahit tumulong ako sa kapwa, hindi iyon magiging alibi na lumiit o pansamantalang tumigil at pang-araw-araw at buwanang gastusin.

Maraming taon na ang nakaraan simula ng nakatapos ako ng UP. Hindi ko pa rin nababago ang mundo. Pero kumikilos pa rin ako para sa ikabubuti ng bayan. Bias pa rin ako sa mga api at marginalized. Pero hindi ko itu-tolerate ang utak na biktima ang marginalize at api. Hindi ko rin kaya ang mga gawain na tahasang bumabastos sa tao, maging iba man ang paniniwala nila sa akin. Mas lalong hindi ko itu-tolerate ang sistemang nang-aapi at nagme-maintain ng marginalization.

Patuloy akong magkakaroon ng damdamin para sa tao. At patuloy kong ipa-practice ang pilosopiya ko sa buhay na naka-angkla sa pag-ibig, pagpapatawad at paghahangad ng pinakamabuti para sa kapwa.

Sa mga iskolar ng bayan na grumadweyt, nawa ay makita ninyo ang adbokasiya ninyo at manindigan para dito. Ialay ninyo ang lakas, kakayahan at talino, una sa mga Pilipino, pangalawa sa mundo. Patuloy na maging habit ang pag-reflect sa practice ninyo. At naway ang sinasabi at iniisip ninyong pilosopisya ng inyong buhay ay consistent sa kung paano kayo mamuhay.

UP graduates of 2015, maging dangal kayo ng bayan. At nawa, sa susunod ng chapter ng inyong buhay, mas maliit na ang mga eyebags ninyo.

6 comments:

  1. Pakiramdam ko, nag graduate rin ako at ikaw ay nagtalumpati. Nahirapan akong basahin kaya napakabagal kong binasa at sangayon naman ako sa mga nabanggit mo. At muli kong narinig ang salitang kapula pula, mabuhay ka ginoo, idol na kita!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Ser Jonathan, salamat sa matiyagang pagbabasa :P

      Palagay ko mas mainam na pasalita na lang ang blog ko kesa pasulat para mas madali akong maka-communicate :P

      Delete
  2. "Hindi rin ako naging handa sa mga sitwasyon na kahit nagtatrabaho ako ng tama, may tsansa na ma-delay ang sahod ko. At malaki ang tax ko."

    Lol

    ReplyDelete
  3. Tama si sir Jonathan, parang graduation speech nga ito, na-imagine ko lang din :)
    Kapupulutan ng wisdom ang reflection mong ito sir OP.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Talagang grad speech? Haha. Nagrereflect lang sa mga pangyayari sa buhay matapos ang grad rites noon.

      Delete